Return to site

ANG BALUY NI OMBO BILUY

ni: ROSEVEE P. CAMOHOY

Sa makulay na pulo ng Luma-Luma, masayang naninirahan ang mga Bajau na kilala sa kanilang obra maestrang habi na kung tawagin ay baluy o tepo. Tanyag ito sa buong pulo dahil sa magagandang disenyo nito at sa mahiwagang kamay ng dalubhasang tagahabi na si Ombo Biluy. Sagisag ng kanilang mayamang kultura at pagkakaisa ang baluy.

Sadyang iginagalang sa kanilang tribo si Ombo dahil sa kakaiba niyang mga gawa at sa kamay niyang mahiwaga. Bawat likha niya ay masining at mahiwaga. Puno sa matitingkad na kulay ang mga baluy na kanyang likha sa buong pulo. Itinuturing itong isang espesyal na pamana para sa mga taga-Luma. Kaya naman ang bawat bahay ay may nakalatag na makukulay na baluy. Bumibigkis ito sa bawat pamilya ng taga-Luma.Kumukutitap tulad ng mga bituin sa langit ang bawat bahay dahil sa mga kulay ng hibla na mula sa pandan.

Isang araw, naisipan ni Ombo na gumawa ng isang pinakamaganda at pinakamalaking baluy sa buong buhay niya. Ipamamana niya ito sa kaniyang mga kalahi sa pulo. Nais niya itong maging espesyal at may kakaibang disenyo mula sa sinag ng araw, alon ng dagat, lawak ng langit, tapang ng hangin, diwa at puso ng kaniyang katribo. Bago magsimula, tahimik niyang pinagmasdan ang dagat. Taimtim siyang humingi ng paggabay kay Omboh Dilaut, ang Diyos ng dagat para sa gagawing pamana.

Pagkatapos ay pinili at pinatawag na niya ang napusuang magiging kulay ng hibla ng pandan:si Dilaw, si Bughaw, si Pula at Lila.

“Nais kong humabi ng isang pinakamagandang baluy sa pulo bilang isang pamana. Sabay-sabay na magingibabaw ang inyong kulay at ganda mula sa hibla,” pananabik ni Ombo.

“Magsasanib ang dilaw ng liwanag, ang bughaw ng dagat at langit, ang pula para sa pag-ibig at ang diwa ng lila,” paliwanag ng matanda.

“Ombo Biluy, nararapat na ako ang mangibabaw dahil dala ko ang kulay ng langit at dagat na bumubuhay sa ating lahi,’’ sigaw ni Bughaw.

“Hindi puwede iyan!” pagtutol ni Dilaw -ang sinag ng araw.

“Ako ang dapat na mangibabaw sa lahat dahil taglay ko’y diwa ng pag-uunawaan,” pagmamayabang ni Lila.

Sumingit si Pula na tila pusong umaalab sa pintig “Ako ang pintig ng puso na bumibigkis sa bawat hibla,” pagpupuyos ni Pula.

Tahimik na nakinig si Ombo Biluy sa pagtatalo ng mga kulay ngunit wala siyang pinanigan. Sinimulan ni Ombo ang paghabi. Mula sa mga dahon ng pandan, maingat niyang ginupit ang mga ito sa manipis na piraso. Ibinilad sa araw upang pumuti, at pagkatapos ay ibinabad sa matingkad na kulay pula, lila, bughaw at dilaw. Habang pinatutuyo sa loob ng isang linggo, ang mga piraso ay pinalambot upang maging handa sa paghahabi. Napilitan ang mga kulay ng hibla na sumunod sa bawat kumpas ng kamay ni Ombo. Malungkot si Dilaw. Mabigat naman ang loob ni Pula. Nagmatigas naman si Bughaw at wala sa diwa si Lila habang hinahabi. Umikot nang umikot ang mahiwagang kamay ni Ombo sa bagong obra. Ngunit nahabi ang bawat hibla ng walang pagkakaisa mula sa mga kulay.

Makalipas ang limang linggo ay natapos na nga ang baluy. Isinabit ito ni Ombo sa labas ng kaniyang kubo. Lahat ng mga katutubo sa pulo ay nanabik at nag-abang. Sinimulang binuksan ng matanda ang ginawa upang makita ng kanyang kalahi ang kaniyang pamana. Ngunit, nagulat ang lahat.

"Ano ‘yan? " Sigaw ng isang matanda.

"Naku, ang pangit ng baluy!” dagdag ng isang lalaki.

Pagbukas ng baluy ay wala ang tingkad ng bawat kulay nito. Ang baloy ni Ombo Biluy ay nagkabuhol-buhol! Nawala ang ganda ng disenyo nito. Nawala ang katingkaran ng sinag ng araw. Mapusyaw ang bughaw na kulay ng langit at dagat. Walang buhay ang tapang ng hangin. Kupas ang kulay ng pula. Maputla ang diwa ng kulay lila. Napakamasalimuot ng disenyo.

Nagulat ang lahat ng tao sa kinalabasan ng baluy.

“Anong nangyari sa baluy na iyan, Ombo? "tanong ng kaniyang kalahi.

Labis na nalungkot si Ombo Biluy sa ginawa ng mga kulay. Pumasok ito sa kaniyang munting kubo na bigo at mabigat ang loob.

Nahiya ang mga kulay ng hibla sa kanilang ginawa. Kinabukasan ay hindi na lumabas si Ombo mula sa kaniyang kubo. Hindi na rin siya muling humabi pa. Ilang araw pa ang nagdaan at hindi na nagpakita pa si Ombo Biluy.

Nalungkot ang buong taga-Luma.Maging ang mga baluy sa buong pulo ay nawalan ng tingkad at buhay dahil sa di pagkakaisa ng apat na kulay ng hibla. Nag-alala ang apat na kulay nakapulupot sa isa’t isa mula sa masalimuot na baluy. Labis na nagsisisi at nag-alala ang apat sa kanilang di pagkakaisa.

“Paumanhin kung naging matigas ang ulo ko,” malungkot na wika ni Bughaw.

“Ako rin, paumanhin dahil ginusto kong mangibabaw sa inyong lahat,” nanghihinayang na wika ni Pula.

“Puwede naman tayong mangibabaw lahat ng hindi nauungusan ang bawat isa.” Giit ni Dilaw

“May naisip ako!" wika ni Lila. “Dapat ay magkaisa tayong lahat upang hindi na malungkot si Ombo Biluy.”

Nagsimulang magsanib ang kulay ng mga hi bla. si Dilaw, si Bughaw, si Pula at si Lila. Tinanggal nila ang kanilang pagiging makasarili. Nagyakapan ang mga dahon at sinimulang magkaisa.

“Ayusin natin ang bawat habi ng hibla," wika ni Pula.

Sabay na pumanaog at pumaitaas ang bawat hibla upang maayos ang baluy. Ang mga kulay ay nagsimulang magkaisa: ang dilaw ay sinag, ang bughaw ay alon at langit, ang pula ay pintig ng puso, ang lila ay diwa. Unti-unting lumitaw ang pinakamagandang baloy mula sa dating masalimuot na disenyo—kuminang si dilaw mula sa bawat sinag ng araw. Lumitaw si Bughaw mula sa mga hugis ng alon. Tumingkad si pula sa bawat habi na puno ng puso, habang dahan-dahang lumilitaw si Lila bilang diwa ng pamana. Unti-unting lumiwanag ang baluy sa labis na katingkaran nito. Lahat ng mga tao sa pulo ay namangha sa sinag mula rito. Lumabas si Ombo mula sa kaniyang kubo at sinundan ang kumikinang na kulay. Napawi ang dating lungkot nito at napalitan ng ngiti sa nakita. Tuluyang nabuo ang pinakamakulay, pinakamaganda, at pinakamalaking baluy sa pulo.

Lumapit siya sa kumikinang na baluy at dahan-dahang hinaplos ang bawat hibla ng pandan.

“Napakagandang pamana!" Sambit ni Ombo.

Humarap siya sa bawat kulay ng hibla “Ang tunay na hiwaga at ganda ng baluy ay wala sa aking mga kamay, kundi nasa pag-uunawan at pagkakaisa,” wika ng matanda.

Natuwa ang buong Luma.Lahat ng katutubo ay sama-samang umupo at pinagmasdan pinakamalaking baluy na pamana ni Ombo.Nagsayawan sa tingkad at saya ang mga kulay ng hibla.

Mula noon nanumbalik ang liwanag sa pulo. Nabuhay ring muli ang mga kulay ng lahat ng baluy sa bawat kabahayan. Hindi na muling nag-away ang mga kulay ng hibla dahil natutuhan nila na ang tunay na ganda ng bawat isa ay nasa pagkakaisa. At noo'y naipamana sa taga-Luma ang pinakamagandang baluy ni Ombo Biluy na tanda ng tunay na ganda ng pagkakaisa.