Return to site

HULING LUHA NI HULMA

ni: SARAH G. TANHAJI

Dinig na dinig ang mga hampas ng alon sa dalampasigan. Damang-dama ang pagdampi ng hangin sa mga pisngi ni Hulma.habang pinagmamasdan ang mga bangka sa tabi ng dagat. Ganito ang tanawin niya tuwing umaga. Hinihintay ang pagdating ng minamahal na ama. Si Abdul, isang mangingisda sa bayan ng Tandung-ahas, Lalawigan ng Basilan, ang butihing ama ni Hulma. Hindi niya alintana ang pagod at hirap maibigay lamang ang kailangan ng kanyang mga anak.

Pangalawa sa limang magkakapatid si Hulma.Maaga pa lamang ay ulila na sa ina. Napakabait na bata at maasahan. Nabibilang sila sa tribo ng mga Badjao, na ang pangunahing ikinabubuhay ay pangingisda. Hindi naging hadlang ang estado niya sa buhay sa kanyang pag-aaral. Araw-araw ay pumapasok siya sa paaralan, Hindi alintana ang daang binbagtas niya. Pangarap ni Hulma ang maging isang guro balang araw. Maging kauna-unahang guro mula sa kanilang tribo. Bihira lamang ang nakakapagtapos sa kanila ng pag-aaral dahil maaga pa lamang ay nakakapag-asawa na. Katulad ng ate ni Hulma na nag-asawa sa murang edad. Isang tradisyon sa tribo nila ang pag-aasawa kahit na menor de edad pa lamang. Kaya si Hulma ang nagsilbing kanang kamay ng kaniyang ama sa pagtataguyod sa kanilang magkakapatid. Naglalako siya ng huling isda ng kaniyang ama tuwing sabado, at sa linggo naman ay naglalaba siya ng mga damit nila. Sa paaralan, isa din sa pinagkakakitaan ni Hulma ay ang pagbebenta ng juice at ice candy ng kanilang kapitbahay na si Anti Saada. Itinatabi niya ang kinikitang pera at ang iba naman ay ipinangdagdag sa pangkain nilang magkakapatid. Mula unang baitang hanggang sa ngayon na magtatapos na siya sa elementarya nakaipon si Hulma ng mahigit dalawang libong piso mula sa paglalako ng juice at ice candy tuwing recess. Gagamitin n iya ang pera pambili ng kailangan nilang gamit sa pasukan. Nakakahanga ang katangian ni Hulma.Hindi man napabilang sa mga magtatapos ng may medalya, nakakahanga parin si Hulma sa kanyang pagpupursigi matupad ang kaniyang pangarap para sa kanya at sa pamilya.

Nasa High school na si Hulma at mas malayo na din ang paaralang papasukan. Mas matinding hamon ng buhay ang kanyang haharapin. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nagkaroon ng aksidente sa laot kung saan ay tumaob ang mga bangka dahil sa malakas na bagyo. At isa sa mga bangka na iyon ay sa kaniyang ama. Hanggang sa ngayon ay tila bangungot na ayaw ng balikan ni Hulma ang mga sandaling nakita ang ama na agaw-buhay. Sa awa ng Diyos, nasalba ang kanyang ama. Ngunit, sa puntong ito ay kinakailangan niyang magpahinga at hindi na muna makakapangisda. Hindi alam ni Hulma ang gagawin dahil sa murang edad isang napakalaking responsibilidad ang kaniyang gagampanan sa pamilya. KInakailangan niyang magtrabaho at mag-aral. Sa tulong ng kaniyang mga guro, nabigyan ng kaunting tulong pinansiyal at nabigyan ng mga gamit sa paaralan sina Hulma at mga kapatid. Nanatiling matatag si Hulma.Hindi na mabilang ang mga luhang pumapatak sa kaniyang mga mata. Alam niya sa huli ay may bahaghari na maghihintay sa kanila. Naging labandera, tindera, tagalako ng isda sa palengke si Hulma hanggang sa makapagtapos siya ng Higschool. Hanggang dito na lang sana ang pangarap niya dahil mukhang imposible na ang kolehiyo sa isang tulad niya. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nabigyan siya ng scholarship sa isang kolehiyo sa kanilang lugar na hindi na niya kailangan pang magbayad ng tuition fee. Para kay Hulma ang bawat piso ay mahalaga para sa kanyang pamilya. At sana nga ay gumaling na ang kanyang ama. Hindi rin tumigil sa pag-aaral ang kaniyang mga kapatid. Sa awa ng diyos, at angking kasipagan unti-unti na nilang nakakamit ang mga munting pangarap. Balang araw isang bahay na may kuwarto, kusina at sala, kung saan sila ay makakahiga sa maayos na higaan, yung may kutchon, may bentilador at may Telebisyon. Matagal ng pangarap ng pamilyang Ashadin ang magkaroon ng telebisyon. Dahil, kahit kuryente ay wala sila. Tanging mga kandila at ang Liwanag ng buwan sa gabi ang nagsisilbing ilaw ng kanilang tahanan. Balang araw ang mga pinapangarap na pagkain ay matitikman din at mabibigyan niya ng kahit simpleng upuan ang kaniyang ama at mapagamot sa magandang ospital. Isa lamang ito sa mga napakaraming pangarap ni Hulma. Hindi siya nawalan ng pag-asa. At ngayon nandito na siya sa entablado. Isang graduate ng Bachelor in Elementary Education, at isa pang Cum Laude. Walang mapaglalagyan ang saya na nararamdaman niya. Sadyang kahanga -hanga siya. Magkakaroon na din ng isang guro ang mga katribo niya

Isang mabait na anak, masipag na mag-aaral, mapagmahal na kapatid at isang batang may pangarap. Sa kaniyang mensahe ay ibinahagi niya ang kanyang karanasan mula bata hanggang sa kasalukuyan. At sa bawat luha na pumapatak sa kanyang mga mata ay hatid nito ay bagong pag-asa.” Ito na marahil ang Huling Luha ko ngayon. Dahil sa labis akong nagpapasalamat sa lahat ng nagtiwala at nagmahal sa akin. Lalo na sa aking pamilya. Ang bawat hakbang ko sa aking tagumpay ay hindi madali, ngunit masaya ako dahil dito naging matatag ako at mas lumalim ang aking paniniwala na may pag-asa ang mga katulad naming badjao. Walang Imposible lahat ay may paraan at solusyon”. “Ako po si Hulma Ashadin, isang badjao, Cum laude.”. Isang napakalakas na palakpak ang binigay ng mga tao sa loob ng gymnasium. Wlang pinipiling estado, tribo, kulay ng balat, relihiyon, sa pagkamit ng pangarap. Lahat ay pantay-pantay. Walang mayaman o mahirap. Iyan ang tinatawag nating laban. Laban ng ating buhay.