Maagang naulila sa ama at nagtrabaho naman sa maynila ang ina ng batang si Carlo. Dahil dito, ang kanyang lolo na si Mang Lando, na tinatawag niyang Mamay, ang naging kanyang ama at gabay sa buhay. Sa simpleng tahanan, sa baryo lumaki si Carlo na puno ng pagmamahal at pag-asa sa buhay.
Isang gabi, nanaginip si Carlo. Napanaginipan niyang unti-unting lumalayo si Mang lando habang nakangiti at kumakaway sa kanya. “Mamay! Huwag po ninyo akong iwan! Hintayin ninyo ako!” sigaw ni Carlo habang pilit na hinahabol ang kanyang Mamay.
Ngunit lalo lamang itong lumalayo hanggang sa tuluyan na itong nawala. Napaiyak si Carlo “hu hu hu…” sa sobrang takot. Bigla siyang nagising nang marahang tapikin ng kanyang Mamay. “Carlo, gising na. Umaga na, papasok ka pa sa paaralan,” sabi ni Mang Lando. Agad na niyakap ni Carlo ang kanyang Mamay. “Mamay, akala ko po iiwan ninyo na ako.” Napangiti si Mang Lando at hinaplos ang kanyang ulo. “Hindi pa, apo. Hangga't kaya ko, lagi kitang sasamahan at gagabayan. Pero tandaan mo, darating ang araw na kailangan mong tumayo sa sarili mong mga paa.” Tumango si Carlo na hihikbi-hikbi habang pinapahid ang kanyang mga luha. Sabay silang nag almusal ng kanyang Mamay at naghanda na siya sa pagpasok.
Pagkagaling sa paaralan, “Mamay! Mamay!” tawag niya. “Tingnan ninyo po ang aking grado sa Kard”,nakita niya si Mang Lando na abalang gumagawa ng tukol, isang kasangkapang ginagamit sa paggayat ng mga gulay para sa mga handaan. Sandaling tumigil ang matanda sa ginagawa. “Sige nga patingin ng nakuha mong grado”, Namilog ang mga mata ni Mang Lando at masayang hinawakan ang balikat ng apo at sinabing “Alam mo, sa tataas ng mga grado na iyong nakuha malayo ang mararating mo sa buhay kaya ipagpatuloy mo ang sipag sa pag-aaral”. matamis na ngiti naman ang isinukli ni Carlo. “May suman na bigay ng ating kapit-bahay sa ibabaw ng mesa mag meryenda ka na”. “Sige po Mamay dadalhin ko lang po ang gamit ko sa loob ng bahay”. Ipinagpatuloy ng matanda ang kanyang ginagawa. Maingat niyang hinahasa ang talim ng tukol at inaayos ang hawakan. Lumapit muli si Carlo, pagkatapos magmeryenda at nagtanong, "Mamay, Ano po ang ginagawa ninyo?” Ngumiti ang matanda.“Apo, ito ay tukol na hindi lang basta kasangkapan. Ito ang katuwang natin sa paghahanda ng pagkain kapag may kasal, pista, binyag, o kaarawan. Kapag mabilis ang paggagayat ng gulay, mas matatapos ang gawain at marami tayong natutulungan.” “Pwede po ba akong matutong gumamit niyan?” tanong ni Carlo. "Siyempre. Pero kailangan mong matutunan ang tiyaga, pag-iingat, at disiplina. Ang mahusay gumamit ng tukol ay marunong ding makisama at tumulong sa kapwa.”
Hindi pa lubos na nauunawaan ni Carlo ang kahalagahan ng sinabi ng kanyang Mamay, ngunit tumatak iyon sa kanyang isipan.
Lumipas ang mga araw at dumating ang Ika-siyam na kaarawan ni Carlo. Tulong-tulong ang mga kapitbahay sa paghahanda. “Mang Lando, kayo na po ang bahala sa paggagayat ng gulay!” sigaw ng isang kapitbahay. “Sige, ako na ang bahala,” tugon ni Mang Lando. Habang mabilis niyang ginagamit ang tukol, namangha si Carlo. “Woow! Ang ganda ng hugis at bilis po ninyo mag-gayat, Mamay!”. “Kapag ginagawa mo ang isang bagay nang may puso at sipag, gumagaan ang trabaho,” sagot ng matanda. Sige pumunta kana sa labas at makipag-usap sa mga bisita natin. Tuwang-tuwa si Carlo dahil maraming kapit bahay at kamag-anak ang nakisaya at bumati sa kanya.
Napansin ni Carlo na sa tuwing may handaan sa kanilang lugar, laging inaanyayahan ang kanyang Mamay upang tumulong. “Mang Lando, maraming salamat po sa inyong tulong.” “Walang anuman. Mas masaya ang handaan kapag nagtutulungan ang lahat,” lagi nitong tugon.
Habang lumalaki si Carlo, unti-unti siyang tinuruan ni Mang Lando kung paano gamitin ang tukol.“Carlo, hawakan mo nang maayos. Huwag kang magmadali. Ang mahalaga ay ligtas at maayos ang iyong ginagawa.” “Ganito po ba, Mamay?” “Oo, tama. Unti-unti lang. Tandaan mo, ang tunay na lakas ay hindi nasusukat sa bilis kundi sa tiyaga at pag-iingat.”
Mula noon, natuto si Carlo na tumulong sa paghahanda ng mga handaan. “Carlo , dito ka nga! Ikaw naman ang maggayat ng patatas," tawag ng isang kapitbahay. “Opo, Nay. Ako na po ang bahala,” masiglang sagot niya. Dahil dito, nakilala si Carlo bilang isang masipag, magalang, at matulunging binata. Natutuhan niyang ang tunay na yaman ay hindi lamang pera kundi ang mabuting pakikitungo, pagtulong at pagpapahalaga sa kapwa.
Naging hilig na ni Carlo ang pagluluto kaya naman, ang kinuha niyang kurso sa Kolehiyo ay Culinary arts at lalong nahasa ang kanyang galing at talento sa pagluluto ng iba’t- ibang uri ng putaheng tatak Pilipino pati narin pagkain ng Iba’t-ibang bansa.
Hindi nagtagal nagtapos siyang Magna Cum laude sa isang Unibersidad sa Maynila. Sobrang galak ang kanyang Mamay Lando na nangingilid ang luha. “Binabati kita apo!, lubos kitang ipinagmamalaki, kahit walang kang gabay ng iyong mga magulang nagawa mo pa ring makatapos ng pag-aaral na may karangalan”. “Mamay, hindi ko po magagawa ito ng walang tulong, suporta at pagmamahal ninyo, kaya maraming salamat po sa lahat lahat”. Sabay nagkaiyakan ang mag lolo. “Siya tama na at baka kung saan pa ito mapunta, naghihintayna rin ating mga bisita sa bahay”. Wika muli ni Mang Lando.
Habang papalapit sila sa bahay kinig na kinig na nila ang usapan, tawanan at kantahan. “Binabati ka namin Carlo”, halos sabay sabay na wika ng mga bisita. “Maraming salamat po sa inyong lahat,” tugon ni niya.
Lumipas ang maraming taon. Nagkaroon na ng sariling pamilya si Carlo at pumanaw na rin ang kanyang Mamay Lando, ngunit nanatiling buhay ang mga turo, aral at ala-ala nito. Sa tuwing naaalala ni Carlo ang kanyang panaginip noong siya ay bata pa, may kirot parin sa dibdib niya na di mawawala.
Isang araw, habang nakatitig sa lumang tukol ng kanyang Mamay, pabulong niyang sinabi, "Maraming salamat po, Mamay. Hindi man po kita kasama ngayon, gabay ko pa rin ang inyong mga aral sa bawat pagluluto na ginagawa ko.”
Tuwing may handaan sa kanilang bahay, inilalabas pa rin niya ang lumang tukol. Nagtanong ang kanyang anak, "Tatay, bakit po iyan pa rin ang ginagamit ninyo? Luma na po iyan. Ngumiti si Carlo habang hinahaplos ang tukol. “Anak, hindi lang ito isang kasangkapan. Pamana ito ng inyong Mamay lando. Dito niya ako tinuruan ng sipag, tiyaga at pagtulong sa kapwa.”“Ako rin po, Tay, gusto kong matutong gumamit niyan at tumulong sa mga handaan.” “Oo anak, tuturuan kita tulad ng pagtuturo sa akin ng inyong Mamay Lando.
Tuwing may okasyon na sama-samang naghahanda ang kanilang pamilya, naisip ni Carlo na hindi kailanman nawala ang kanyang Mamay. Patuloy itong nabubuhay sa bawat pagtulong, sa bawat handaan, at sa bawat paggayat ng gulay gamit ang lumang tukol.
Sa kasalukuyan, si Carlo ay isa nang international chef na naiimbitahan na magbigay ng payo at inspirasyon sa iba’t-ibang pagtitipon o paligsahan na may kaugnayan sa paglutluto.
Lagi niyang dala dala at ipinagmamalaki sa lahat ang tukol na naging inspirasyon niya upang siya’y magtagumpay sa buhay. Ang pamana ng kanyang Mamay.