Return to site

ANG HIBLA NG BANIG

ni: KAREN P. HARO

Sa payak na hibla ng banig nagsisimula ang kuwento,

‎Sa mga kamay na may lamat ng panahon,

‎Ngunit bihasa sa sining ng pagtatagni.

‎Bawat sinulid ay may pangarap at may tinig na pinipigilang humikbi.

‎

‎Hindi magkakatulad ang kulay ng bawat hibla;

‎May matingkad, may kupas sa hagupit ng panahon.

‎Ngunit sa maingat na kamay ng manghahabi,

‎Bawat hibla'y may puwang, bawat kulay ay may dahilan.

‎

‎May hiblang yumayakap sa pawis ng lupa.

‎May hiblang humahalik sa alon ng dagat.

‎May hiblang tahimik na nagtuturo sa silid-aralan,

‎At may hiblang nag-aaruga ng mga pangarap sa tahanan.

‎

‎Hindi yaman ang humahabi sa ating bukas,

‎Hindi kapangyarihan ang nagbubuklod sa bayan.

‎Kundi ang bawat hiblang may nararapat na puwang,

‎At bawat wika't tinig na pinakikinggan nang may paggalang.

‎

‎Sapagkat ang banig ay hindi sinusukat sa kinang ng habi,

‎Kundi sa tibay ng mga hiblang hindi napipigtas.

‎Kapag bawat hibla'y binigyan ng nararapat na puwang,

‎Bawat wika'y magiging pag-asa, at walang bayang mapupunit.