Return to site

WIKANG FILIPINO: WIKA NG PAG-ASA

ni: MAYFLOR T. ZIPAGAN

Sa mundong ating ginagalawan

Mayroon tayong wikang namulatan

Ginagamit natin sa iba’t ibang paraan

Upang tayo’y magkaunawaan

May kalayaang magpahayag ng ninanais

Hangarin sa bansang Pilipinas ay malinis

Magkaroon ng boses at hindi magtitiis

Sa kasakiman at katiwaliang lumalabis

Wika natin ay mabisang tulay na nag-uugnay

Tungo sa mithiin na may pundasyong matibay

Mga pangarap natin sa buhay na abot-kamay

Ito’y nagsisilbing tanglaw na siyang gumagabay

Mapagyaman ang ating pagkakakilanlan

Simula pa sa ating mga ninuno’t angkan

Pagpapahalaga sa kultura’y walang hanggan

Ipagmalaki’t isabuhay magpakailan pa man

Magsilbing huwaran sa mundong ginagalawan

Kahit hustisya’y kung minsan ay ‘di nakakamtan

Ito’y mapait na katotohanan na pilit nilalabanan

Para sa ating mga kapwa at mga nasa laylayan

Bansang Pilipinas ay malaya at may wikang atin

Walang sinoman ang dapat magpa alipin

May karapatan at tinig ka na dapat dinggin

Ipagsigawan ito nang buong damdamin

Adhikain sa kapwa ay makakamtan natin

Magkaroon ng malasakit at mabuting layunin

Sa tulong ng Poong Maykapal at panalangin

Susi ang wikang Filipino na tayo’y hubugin

Dahil ang wika mo at wika ko ay iisa

Nararapat lamang na tayo’y magkaisa

Ang mga puso natin na laging umaasa

Pinoy nga naman ay punong-puno ng pag-asa!