Hindi ko talaga kayang gawin...” malungkot na naibulong ni Vianong sa sarili habang marahang umuupo sa malaking bato sa burol malapit sa kanilang bahay.
“Vianooooong!!!” sigaw ng kaniyang ina na nakapamewang habang hawak-hawak ang walis sa kanyang tagiliran.
“Nagkakalat ka nanaman ng mga dahon diyan, lalu na akong madaming walisin! Umuwi ka na nga muna dito sa bahay at dadating na ang tatay mo galing sa pangungutsero sa Johnson.
“Opo inay, nariyan na po!”
Isang sulyap pa ang kanyang itinapon sa mga sirang dahon na nakakalat, nananakbong bumaba siya ng burol, habang naiiyak na napapailing.
Habang naghahapunan, kinamusta ni Aling Juana ang asawa hinggil sa kanyang pangungutsero.
“Bien, marami ka ba ngayong naging pasahero?” habang iniaabot ang umuusok pang kanin.
“May iilang mga kabaryo natin, inihatid ko sa garrison para magdala ng pagkain..”
“Yung iba naman sa bayan nagpasundo sila at galing sa pabrika ng patahian, alam mo naman, hindi maaaring gabihin ang mga tao sa daan, lalu at mga kababaihan.”
Tahimik na nakikinig si Vianong sa usapan ng kanyang ama at ina, ngunit tila ba malalim ang iniisip nito, kaya’t hindi niya namalayang hinihintay ng mag-asawa ang sagot niya sa tanong ni Mang Bien kung Kamusta ba ang kanyang pag-eensayo.
Malungkot siyang sumagot.
“Tay, hindi ko po kaya…”
Marahang hinaplos ng ina ang kanyang balikat, “ pasasaan ba at magiging mahusay ka ring katulad ng iyong ama, kailangan mo lang mag-ensayo.”
Ngumiti naman si Vianong, ngunit mababakas ang lungkot sa kanyang mga mata.
Kinabukasan, isinama siya ng ama sa pangungutsero, siya ang taga-alalay sa mga sumasakay at bumababang pasahero sa kalesa.
“Nakakalibang po pala ito itay, siguro ang saya na parati, malaya kang makalabas ng bahay” sinasabi ito ni Vianong habang nakangiting nakatingin sa paligid, habang binabagtas nila ang daan papalabas ng Bayog; isang barrio sa bayan ng Los Banos, Laguna.
Lumipas nang mabilis ang araw na iyon, napansin niya na tila dumidilim na ang paligid.
“Itay, hindi pa po ba tayo uuwi?” may kabang sabi ni Vianong kay Mang Bien na noo’y nagmamadali nang pinatatakbo ang kalesa.
“kailangan muna nating masundo sa pier ang iyong Tiya Naty at Tiya Rosing” seryoso nitong sabi.
“humawak ka ng mahigpit upang hindi ka mahulog” dagdag pa nito, bilang paalala sa anak na noo’y nakikita niyang kinakabahan na.
“Yiiiihaaaa!” sigaw ni Mang Bien at iginiya na ang kalesa patungo sa bayan, may maliit na daungan ng bangka doon kung saan marami ang nangangalakal ng hibi o pinatuyong maliliit na hipon.
Maya-maya pa.
“Itay! Hayun na ang mga tiya Rosing, Madali tayo!”
“Tiya Naty, Tiya Rosing! Narito na po kami!” kumakaway na sigaw ni Vianong sa dalawang ale na pilit tinatakluban ang kanilang mga mukha ng alampay habang palinga linga sa paligid bitbit ang kanilang mga bilao.
“Bilisan po natin, dumidilim na po” nag-aalalang sabi ni Vianong sa mga ale habang inaalalayan silang umakyat ng kalesa.
“Maraming salamat sa inyong mag-ama at kami ay inyong sinundo” halos sabay na wika ng dalawang babae.
Hindi pa man sila nakalalayo, ay tila ba binuhusan sila ng malamig na tubig nang marinig ang mga yabag ng mga paang nagmamartsa pasalubong sa kanila.
Humigpit ang kapit ni Vianong sa braso ni Mang Bien.
“Itungo ninyo ang inyong mga ulo ate Rosing at piliting ikubli ang inyong mga mukha” bulong ni Mang Bien sa mga pasahero.
Napansin ni Vianong na lumapit ang limang kalalakihan, ang mga ito ay may matitikas na pangangatawan, nakasuot sila ng kulay kapeng mga damit na mahaba ang mga manggas, mayroon din silang mga sombrero na tila may tabing, may mga bitbit din silang mga baril na tila may mga matutulis na kutsilyo sa dulo, kung hindi siya nagkakamali bayneta ang tawag sa mga iyon, sila yata ang mga sundalong Hapones, at tila sinisiyasat ang mga sakay ng kanilang kalesa.
“Kon-Ban-Wa…” nakangiting bati ni Mang Bien sa mga ito na ang ibig sabihin ay magandang gabi.
Nakakunot ang noo ng isang sundalo at akmang lalapit sa mga nakasakay sa kalesa nang mapansin nito na may binubunot si Mang Bien sa kanyang tagiliran.
Marahan iniangat ni Mang Bien ang mga kamay sa loob ng bulsikot. Umakma naman nang pagsugod ang ilan sa mga kasama ng sundalo, ngunit pinigilan sila ng pinakamatangkad sa kanila.
Nagsimulang lumikha si Mang Bien ng tunog mula sa mga dahong kinuha niya sa kanyang bulsikot.
Natigilan ang mga sundalong hapones, at napangiti.
May mga pagkakataon pa na sumasabay nang pagsipol ang pinakasingkit sa limang sundalong Hapones.
Ilang saglit din ang lumipas at natapos na ang sandalling pagtatanghal ni Mang Bien.
“Hmmmmn…ka-ta-ka-na…..myu-jishan?” malugod na tanong ng isa sa mga sundalong Hapones.
“Akala pala nila ay mga tagapagtanghal kami sa sarswela…”. Ang naibulong sa sarili ni Vianong.
“Hai!” tumatangong sabi ni Mang Bien bilang pagsang-ayon sa mga ito.
At tuluyan na silang nilubayan ng limang sundalong Hapones.
Tila hindi pa rin makapaniwala si Vianong kahit na nakahiga na sila para matulog. Nakatitig sa kanyang ama nang may paghanga.
"Gusto kong maging katulad mo, Tatay."
"Kailangan nang pagsasanay, anak ko, pero sa ngayon, maari bang matulog na tayo?” Nakangiti rin nitong hiling.
“Opo…..”at yumakap ito sa ama.
“Bukas, pangako...mag eensayo akong muli”, bulong niya sa sarili at mababakas naman ang determinasyon sa kanyang mukha.
Halos maghapon na namang nakaupo sa malaking bato na nasa tuktok ng burol si Vianong, hindi siya sumama sa pangungutsero ni Mang Bien at nangako na lang na magbabantay na lamang ng mga kambing upang magkaron din siya ng oras para makapagsanay.
Napatingin si Vianong sa mga nagkalat na dahon sa paligid ng malaking bato.
Naiiling na pumitas muli ng dahoon sa sanga ng
Humihip siya sa dahon, pero naglabas ito ng malakas at hindi kaaya-ayang tunog.
"BRRRAAAP!" inis na inis siyang pumitas muli ng dahon.
Sinubukan niyang umihip sa isa pang pagkakataon upang lumikha ng tunog, ngunit napunit ang dahon.
"Bakit hindi ko magawa?!".
"Hindi ko kailanman magiging katulad si Tatay..." sa sobrang lungkot at nararamdamang pagkabigo, pasalampak siyang napaupo sa may damuhan.
“Hindi ako magaling….” paiyak niyang sinisisi ang kanyang sarili.
Napatigil sa pag-iyak si Vianong ng may naririnig siyang pamilyar na mga tunog.
Isa lamang ang kanyang naalala sa tunog na iyon.
Mga paang nagmamartsa.
“Ang mga sundalong Hapones, papalapit sila sa aming barrio!” agad niyang pinunasan ang luha sa kanyang mga pisngi.
"Kailangan kong ipaalam sa mga taga-Bayog...".
“Ngunit kung tatakbo akong pabalik, malamang ay makikita nila ako at hindi lahat ay masasabihan ko na agad na magkubli”. Medyo naguguluhan niyang bulong.
“Kapag wala naman akong gagawin, maaaring mapahamak kaming lahat, lalu na si nanay.”
Marahang pumikit si Vianong at huminga ng malalim, naramdaman niya ang simoy ng hangin, at malinaw na narinig ang huni ng mga ibon, alinsabay sa tunog ng mga paang papalapit na nagmamartsa.
Isang determinadong ekspresyon ang pumuno sa kanyang mukha habang nakikinig siya sa mga tunog sa paligid niya, at nararamdaman ang ritmo ng kalikasan.
Pumitas siya ng dahon at buong kumpiyansa siyang humihip.
Isang maliit na tunog ang nagsimulang umuugong mula sa dahon.
"Pfft... pfft..."
Lumalakas ang tunog at pumailanlang sa hangin. Narinig ito ng mga taga-Bayog na nasa bukid at sa pampang, nakinig sila nang mabuti.
Lahat halos ng nakarinig ay napagawi ng tingin sa pinangagalingan ng tunog, at natanaw nila ang papalapit na mga sundalong Hapones.
Nagsimula silang mag-uwian sa kani-kanilang tahanan para makapagtago.
Samantalang patuloy lang si Vianong sa paglikha ng magandang melodiya gamit ang dahon.
Ngumiti si Vianong, napagtanto niyang natagpuan na niya ang kanyang musika.
Unti-unti nang lumalapit ang mga sundalong Hapones sa burol, huminto ang mga ito at tumingin kay Vianong, naiintriga sa magandang tunog na nililikha niya.
Saglit na nakinig at nalibang sa musika.
Nagsimula silang sumabay humuni, hindi alam na isa itong babala.
Maya-maya pa ay umalis na ang mga ito, at tumungo sa ibang direksyon.
Masayang nakatanaw si Vianong sa kanilang lugar, may hawak na dahon.
Nang mapagtanto ng mga taga barrio na wala na ang panganib, unti-unti silang lumapit sa kinaroroonan ng batang nagligtas sa kanila sa kapahamakan.
Napaligiran si Vianong ng mga taga-barrio na puno ng pasasalamat at pagmamalaki.
Ngumiti siya nang may kagalakan.
"Nagawa ko! Nakatugtog ako na parang si tatay! Naprotektahan ko ang aking barrio!" naibulong niya sa sarili habang hawak-hawak ang dahon sa kanyang kanang kamay.
Nang mabalitaan ang nangyari, agad na umuwi si Mang Bien.
Nakita niya ang anak na nakaupo sa malaking bato sa tuktok ng burol.
Malambing na tumutugtog si Vianong ng makita ang kanyang ama na papalapit.
“Tatay!” sigaw ni Vianong
Patalong tinakbo ni Vianong si Mang Bien at nagyakap sila.
"Nahanap mo na ang sarili mong musika, anak ko." Buong sayang sabi ni Mang Bien habang ginugulo ang buhok ni Vianong.
“Sa totoo po tatay talagang natakot po ako”.
“Punong-puno po ng pangamba ang aking puso na baka mapahamak ang ating mga kababaryo, lalu na ang ating pamilya”. Pag-amin ni Vianong sa ama
“Ngunit mas nangibabaw po ang pagnanais kong mailigtas po ang lahat, kaya’t sinikap ko na makalikha ng tunog para balaan po ang lahat.”
“kung minsan po pala, kailangan lang ng tapang para maisagawa ko po ang mga nais at dapat kong gawin,”.
“Salamat po sa inyong gabay, alam ko po magiging kasinghusay ninyo rin po ako”.
Ngiti na may pagmamalaki ang naisukli ni Mang Bien sa anak.
Nang araw na iyon, maririnig ang sabay na pagtugtog ng mag-ama sa tuktok ng burol habang kaPwa nakaupo sa malaking bato at pinagmamasdan ang papalubog na araw.