Return to site

WIKA: HIBLA NG PAGKAKAISA

ni: JYZIEL PANGANIBAN CREENCIA

Hindi ba’t kay ganda ng ating wika,

Parang ilaw sa gabi ng sigwa,

Tagalog, Iloko, Waray man o Bisaya,

Ito’y tinig ng bayang iisa ang diwa.

Sa himig ng wika’y tibok ng puso’y sabay,

Pintig ng bayan sa iisang saysay,

Ito ang tulay ng puso at diwa,

Daan sa pagkakaunawa’t pagkakaisa.

Sa gitna ng unos, ito’y ating sandigan,

Sa bawat pighati, ito’y ating kanlungan.

Sa salitang “tulungan,” “salamat,” at “mahal,”

Dama ang bayanihang sadyang tunay at banal.

Wika ang hiblang nag-uugnay sa masa,

Habi ng kasaysayang tunay na kay ganda,

Ito ay pamana ng dugong may dangal,

At apoy ng diwang hindi mapaparam.

Kaya’t huwag nating hayaang mamatay,

Ang wikang sa puso nati’y panatiliing buhay,

Pagyamanin, mahalin at ipaglabang tunay,

Upang ang ating bayan ay magtagumpay.