Return to site

ALAALA SA LUPA, HAGDAN NG MGA PANGARAP

ni: WELMA L. SOLIS

Sa isang nayon sa bayan ng Tiaong, Quezon, may isang walong taong gulang na batang babae na masigla at masayahin—si Winnie. Kinagigiliwan siya ng marami sa kanilang lugar, hindi lang dahil sa kanyang magandang ngiti at maamong mukha, kundi dahil na rin sa kanyang kabaitan, kasipagan, at paggalang sa matatanda.

Kasa-kasama niya araw-araw ang kanyang mga kababata—sina Nico at Ana, na halos kaedad niya. Sila ang palaging kaakibat niya sa mga laro sa bukid, paghahanap ng kwento sa paligid, at pagtuklas ng mga bagay na tungkol sa kanilang bayan.

Anak si Winnie nina Aling Dory, isang manggagawa sa isang kilalang pagawaan ng palayok at iba pang likhang-sining, at ni Mang Danilo, na nagtatrabaho sa isang pabrika sa karatig-bayan. Kapag walang trabaho si Aling Dory sa pagawaan, siya'y nag-eextra ng pagtitinda ng kakanin sa palengke, gamit ang sariling lutong mga puto, kutsinta, at sapin-sapin. Mayroon ding nakababatang kapatid si Winnie—si Angelo, anim na taong gulang, na palaging kasunod niya saan man siya magpunta.

Tuwing Linggo, masayang-masayang nagkakasama ang buong pamilya upang magsimba. Pagkatapos ng misa, dumederetso sila sa paborito nilang kainan ni Aling Binay, isang maliit na karinderya sa gilid ng plaza. Madalas nilang orderin doon ang pansit habhab, turon na may langka, at siyempre, ang paboritong halo-halo ni Winnie—may masaganang ube halaya at pinong yelo na gawa sa gata ng niyog.

Pagkatapos kumain, nagpabalot si Aling Dory ng pansit habhab upang dalhin kina Aling Bering, ang kanilang lola. Pagkarating sa bahay ng matanda, naabutan nilang ito’y nagtatahip ng bigas sa may silong. Agad na nagmano sina Winnie at Angelo, at gayundin sina Aling Dory at Mang Danilo.

“Lola, naluto n’yo na po ba ang paborito ko? Yung gawa po sa niyog?” masiglang tanong ni Winnie.

“Ah oo apo, halika’t kaluluto ko lang. Mainit pa,” sagot ni Aling Bering, habang inaabot ang isang pinggang may ginintuang latik. Amoy pa lang ay nakakatakam na.

Ngunit nang makita ni Winnie ang niluto, napakunot ang noo nito.

“Lola, hindi po ito. Yung kulay puti po!”

Napaisip ang matanda. “Sabi mo ay gawa sa niyog, eh kulay puti ba ga iyon?”

“Opo, Lola! Malambot at matamis,” sabay ngiti ni Winnie.

“Ah, alam ko na! Hindi pala bukayo ang gusto mo, kundi macapuno!” sabay tawa ni Aling Bering.

Nagkatawanan ang buong pamilya.

“Hay naku, itong batang ito. Katatapos lang kumain, gutom na naman!” natatawang sabi ni Aling Dory.

“Lola, pasyal po tayo sa bukid!” sabay hirit naman ni Angelo.

“Aba’y oo naman, apo. Halina’t samahan ninyo ako,” masayang sagot ni Aling Bering.

Pagkatapos ng kwentuhan at merienda, naglakad-lakad sina Winnie, Angelo, at Aling Bering papunta sa bukid. Habang tinatahak nila ang makipot na pilapil, masayang-masaya ang magkapatid sa tanawing bumungad sa kanila—ang malawak na palayan, ang luntiang mga dahon, at ang hanging may dalang amoy ng bagong ani. Para sa kanila, ito ang kanilang paraiso, at dito magsisimula ang isang karanasang hindi nila malilimutan.

Nang makita ni Angelo ang mga nakabilad na butil ng palay sa tabing daan, tinanong niya ang kanyang Lola, “Lola bakit po ibinibilad ang mga butil ng palay?” "Ay, apo, ibinibilad natin ang palay para matuyo sila. Parang damit lang 'yan na basa—kapag hindi natin pinatuyo, mangangamoy at masasayang. Ganun din ang palay. Kapag basa, madaling masira, magkabulok, o lamunin ng mga insekto. Kaya ibinibilad natin sila sa araw, para maging malutong at handa na kapag giniling na para maging bigas. At alam mo ba, 'pag tuyo na ang palay, mas masarap ang kanin. Kaya lahat ng ginagawa natin sa bukid, may dahilan—para mapakain ang pamilya at hindi masayang ang ani." “Lola gusto ko po matutong magtanim ng palay!”, masayang wika ni Winnie. “Ako rin po Lola, gusto ko rin po magtanim ng palay!”, masayang wika rin ni Angelo. "Aba, gusto n'yo talagang matutong magtanim, ha?" ani ni Lola habang napapangiti pero halatang nag-aalangan."Eh, mahirap 'yan, mga apo… mainit, maputik, at kailangan ng tiyaga. Baka hindi n’yo kayanin." sabay tingin sa maruruming palad niya na sanay na sa bukid.

Ngunit nang makita niya ang kislap sa mga mata nina Winnie at Angelo, napabuntong-hininga siya at napangiti.

"Sige na nga," sabi ni Lola. "Pero hindi pa ngayon, ha? Kasi katatapos lang natin mag-ani. Ang susunod na taniman ay sa buwan pa ng Hunyo o Hulyo, kapag tapos na ang tag-ani at may sapat nang tubig ang mga bukirin mula sa ulan." Hinaplos niya ang ulo ng kanyang mga apo."Kapag dumating na ang tamang panahon, tuturuan ko kayong magtanim—mula sa pagbubungkal hanggang sa pagtatanim. Pero ngayon, matuto muna kayo sa pagmamasid at pakikinig, ha?" Masayang tumango ang dalawang bata.

Nang makauwi na ang pamilya sa kanilang bahay, agad na ginampanan ng dalawang bata ang pagtulong sa mga magulang sa mga gawaing bahay, at pagkatapos ay agad na nagpaalam sa kanilang mga magulang para puntahan ang kanilang mga kalaro na sina Niko at Ana. Masayang tumakbo sina Winnie at Angelo papunta sa parang kung saan madalas naglalaro ang kanilang mga kaibigan. Sa ilalim ng bughaw na langit at huni ng mga ibon, nakita nila sina Nico at Ana na abalang-abala sa pagpapalipad ng makukulay na saranggola.

"Nandito pala kayo!" sigaw ni Angelo habang kumakaway.

"Ang ganda ng saranggola n'yo!" dagdag ni Winnie.

Ngumiti si Nico. "Ginawa namin 'to ni Tatay kagabi. Sabi niya, bahagi raw ito ng ating kultura—ang pagpapalipad ng saranggola tuwing tag-araw. Parang lumilipad ang ating mga pangarap."

Pagkatapos ng ilang sandali ng pagpapalipad, napagkasunduan ng apat na maglaro ng Tumbang Preso gamit ang isang lumang lata at tsinelas. Tuwang-tuwa silang nagtatawanan habang sinusubukang pabagsakin ang lata. Sumunod naman silang naglaro ng Luksong Tinik, kung saan si Ana ang naging "nanay" at taas ng kanyang tinik ang naging hamon sa lahat.

Pagod at pawisang naupo ang magkakaibigan sa lilim ng puno. Habang nagpapahinga, biglang nagsalita si Winnie, "Alam n’yo ba? Gusto naming matutong magtanim ng palay ni Angelo. Sabi ni Lola, sa Hunyo o Hulyo pa ulit ang taniman, pero kapag dumating na 'yon, tuturuan na raw kami!"

Natuwa sina Nico at Ana.

"Gusto rin namin 'yan!" ani Ana. "Masarap sigurong maranasan ang pagtatanim, gaya ng ginagawa ng mga lolo't lola natin."

"Oy, pero kailangan muna naming magpaalam kina Nanay at Tatay," sabad ni Nico. "Pero sigurado akong papayag sila, lalo na't tradisyon na sa atin ang pagtatanim ng palay. Parte 'yan ng buhay sa baryo."

Nagkatinginan ang apat na bata at sabay-sabay na tumawa. Sa murang edad, dama na nila ang halaga ng pagtutulungan, paggalang sa nakatatanda, at pagmamahal sa sariling kultura—mga aral na hinding-hindi mawawala sa puso ng bawat Pilipino.

Pagkatapos ng masayang paglalaro sa parang, nagpaalam na sina Winnie at Angelo kina Nico at Ana. Naalala nilang kailangan pa nilang magbasa ng kanilang aralin para sa paaralan. Habang tinutunton nila ang makitid na daan pauwi, dala-dala nila ang mga ngiting bitbit ng isang araw ng saya at kaalaman.

Pagkarating sa bahay, agad silang nagbihis at naupo sa may bintana kung saan sumisiklab ang huling liwanag ng araw. Kumuha sila ng kanilang aklat at tahimik na nagbasa. Sa gitna ng katahimikan ay narinig nila ang tawag ni Aling Dory, ang kanilang ina.

"Mga anak, halina kayo. Oras na ng ating dasal."

Ala-sais na ng gabi, ang oras ng kanilang pamilyang pagdarasal ng rosaryo. Isa itong matagal nang tradisyon sa kanilang tahanan—isang banal na sandali ng pagkakaisa at pananampalataya. Sama-sama silang lumuhod sa harap ng altar na may ilaw ng kandila at larawan ng Mahal na Birhen.

Matapos ang taimtim na pananalangin, dumiretso si Aling Dory sa kusina upang tapusin ang nilulutong tinolang manok na may malulutong na dahon ng sili at sariwang luya. Kumalat ang masarap na amoy sa buong bahay. Ilang sandali pa ay sabay-sabay nang nagsalo ang buong pamilya sa hapag-kainan.

"Ang sarap po, Inay!" tuwang-tuwang sabi ni Winnie.

"Opo, parang lutong-bahay ni Lola!" sabay hirit ni Angelo habang hinihigop ang mainit na sabaw.

Matapos ang hapunan, naligo at naghanda na sa pagtulog ang magkapatid. Ngunit bago pa sila humiga, lumapit sila sa kanilang ama.

"Tatay," wika ni Winnie, "kantahan n’yo po kami bago matulog."

"Opo, 'yung may gitara po," dagdag ni Angelo.

Ngumiti si Mang Danilo, kinuha ang lumang gitara, at naupo sa tabi ng kanilang higaan. Marahang tumipa ng mga nota at sabay na inawit ang kundiman na paborito nilang pakinggan.

“Dandansoy, bayaan mo na ako…”

“Dahil sa’yo, nais kong mabuhay…”

Sinasabayan pa ng magkapatid ang ama sa pagkanta, pilit inaabot ang tono habang papikit-pikit na ang kanilang mga mata. Hindi nagtagal, habang patuloy ang pagtugtog ni Mang Danilo, mahimbing nang nakatulog sina Winnie at Angelo—may ngiti sa labi at may aral sa puso.

Dumating ang Araw ng AP Local Tour

Sa eskwelahan, Dumating ang araw ng AP Local Tour sa paaralan nina Winnie. Isa itong taunang aktibidad kung saan ang mga mag-aaral ay iniikot sa mahahalagang lugar ng kanilang bayan—ang Tiaong, Quezon—upang higit nilang makilala at mapahalagahan ang kanilang pinagmulan.

Kasama sa tour si Winnie, na nasa ikatlong baitang, at sina Nico at Ana na parehong nasa ikaapat na baitang. May dalang backpack at baon sa puso ang pananabik, sumakay silang lahat sa bus ng paaralan kasama ang kanilang mga guro.

Ang unang destinasyon ay ang White House, isang gusaling puti na matatagpuan sa tuktok ng burol. Mula rito, tanaw ang malawak na taniman at ang kabuuan ng bayan.

Sunod nilang pinuntahan ang ilang ancestral houses tulad ng Doña Concha House at Casa Milagros, na may makakapal na kahoy, bintanang capiz, at antigong kasangkapan. "Parang bahay ni Lola," bulong ni Winnie habang pinagmamasdan ang lumang orasan at upuang kahoy. Ipinaliwanag ng guro na ang mga bahay na ito ay mga buhay na alaala ng panahon ng mga Kastila at ng lumang gawi ng mga Pilipino.

Di rin nila pinalampas ang Claro M. Recto Monument, bilang pagkilala sa isang dakilang anak ng Quezon na naging mambabatas at makabayang lider. Sa tabi ng minisipyo ay ang Alaala Park, kung saan saglit silang nagpahinga at nagmiryenda.

Sunod ay ang Tikob Lake, isang tahimik na lawa na napapaligiran ng mga puno at talahib. Dito ay naipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng likas na yaman at kung paano ito pinangangalagaan ng mga mamamayan.

Bago matapos ang tour, nagtungo sila sa kilalang destinasyon ng mga turista—ang Villa Escudero, kung saan nakita nila ang dam, ang lumang simbahan na ginawang museo, at ang tanghalian sa tabing-ilog na may tumutulong tubig sa paanan.

Ngunit ang pinakahuling destinasyon ang nagbigay ng kakaibang tuwa kay Winnie—ang Ugu Bigyan Pottery House, kung saan nagtatrabaho ang kanyang inang si Aling Dory. Malawak ang bakuran, puno ng mga halamang ornamental, at punô ng mga palayok at likhang kamay na gawa sa luwad. Masaya si Winnie habang ipinakikilala si Aling Dory bilang isa sa mga gumagawa ng palayok doon.

Ipinaranas sa mga bata ang paghawak sa clay, pag-ikot ng hulmahan, at kung paano unti-unting nabubuo ang isang palayok mula sa simpleng putik. Namangha ang mga bata, at isa-isa silang sumubok habang pinapanood ni Aling Dory na may ngiti sa kanyang mga mata.

"Ang sarap palang lumikha gamit ang kamay," wika ni Ana.

"Tila ba nakakonekta ka sa lupa… at sa sarili mong kultura," dagdag ni Nico.

Uwing-uwi ngunit punô ng sigla ang mga bata. Habang nasa bus, dala nila ang alaala ng mga lugar na bumuo sa kanilang bayan—ang kasaysayan, sining, at likas na yaman. Naintindihan nila na ang pagiging Pilipino ay hindi lamang nakikita sa mga aklat, kundi sa mismong paligid, sa bawat palayok, sa bawat bahay, at sa bawat kwento ng kanilang bayan.

Mga Alaala sa Diary ni Winnie

Sa katahimikan ng kanyang silid, binuksan ni Winnie ang kanyang maliit na diary na may larawan ng bulaklak sa pabalat. Sa mga pahinang iyon, inilalapat niya ang mga karanasang nagbibigay saysay sa kanyang kabataan.

Isinulat niya kung paano silang magkapatid ni Angelo ay araw-araw tumutulong sa mga gawaing bahay bago pumasok sa paaralan—pagdidilig ng halaman, pagwawalis ng harapan, at paghuhugas ng kinainan. Bahagi na ito ng kanilang umaga. "Sabi ni Inay, kailangang matutong magbanat ng buto kahit bata pa, para lumaking responsable," isinulat ni Winnie sa isa sa kanyang tala.

Sa mga araw ng Sabado naman, lalo na kung walang trabaho si Aling Dory sa pagawaan ng palayok, ay sumasama si Winnie sa kanyang ina sa palengke upang magbenta ng kakanin. Tila piyesta tuwing Sabado sa palengke—malakas ang tawanan, makukulay ang mga paninda, at amoy ang sarap ng nilulutong pagkain sa bawat sulok.

Kilala sa buong palengke ang masasarap na kakanin ni Aling Dory—may puto, kutsinta, sapin-sapin, at ang paborito ni Winnie, ang palitaw na may asukal at niyog. Ngunit hindi lamang ang kakanin ang hinahanap ng mga mamimili, kundi pati na rin si Winnie, ang batang masigasig, laging nakangiti, at may likas na galing sa sales talk.

“Bili na po kayo! Bagong gawa po ang kutsinta, malambot at tamang-tama sa kape!” sigaw ni Winnie habang nakatayo sa harap ng maliit nilang mesa.

"Ang galing mo talaga, Winnie. Bata ka pa lang, parang tindera ka na sa galing," wika ng isang suking mamimili.

"Napakasipag, at ang bait pa. Sigurado, may mararating ka sa buhay," dagdag ng isa pa habang tinikman ang biniling palitaw.

Lahat ng papuri ay ipinapasok ni Winnie sa kanyang puso—hindi upang magyabang, kundi upang gamitin itong inspirasyon. Alam niyang sa simpleng pagtulong sa kanyang magulang, pag-aaral, at pagmamahal sa sariling kultura at pamayanan, nabubuo ang kanyang pangarap.

Mabilis na lumipas ang mga araw at dumating ang Semana Santa.

Punong-puno ng tradisyon ang kanilang bayan tuwing panahong ito. Sama-sama ang pamilya ni Winnie sa pakikilahok. Isang hapon, tinawag siya ni Aling Dory.

“Winnie, halika’t sumama ka sa amin. Iikot natin ang Poon ng Mahal na Birhen,” osary o.

Agad osary sumunod si Winnie kasama ang ilang kapitbahay. Iisa lang ang layunin nila—ang magdasal ng osary sa bawat bahay. Tinatawag nila itong Block Rosary.

Masigla rin ang mga bata sa pagkuha ng palapa ng niyog. Ginugupit nila ito’t ginagawang disenyo para ipabasbas sa simbahan. Ito ang Araw ng Palaspas.

“Lola, bakit po nilalagay ito sa pinto?” tanong ni Angelo.

“Pantaboy ‘yan sa masamang espiritu, apo,” sagot ng matanda habang nakangiti.

Tuwing Miyerkules ng Abo, sabay-sabay silang nagsisimba. Sa simpleng abong inilalagay sa noo, dama nila ang lalim ng pananampalataya. Kapag gabi naman, masaya silang nakikinig sa Pabasa ng Pasyon. Minsan ay tumutulong pa sila sa pagluluto ng salabat at nilagang kamote para sa mga bumabasa.

“Winnie, dalhan mo ng salabat si Mang Selo,” utos ng nanay niya.

“Opo, Nay!” tugon niya habang maingat na inihahatid ang tasa ng salabat.

Dumating ang Biyernes Santo. Tahimik ang buong baryo habang isinasabuhay ng mga tao ang kahalagahan ng pagpanaw ni Hesus. Taimtim ang kanilang dasal. Kinabukasan, naghanda na sila para sa pinakahihintay ng mga bata—ang Salubong sa Linggo ng Pagkabuhay. Isa itong dramatikong pagsasadula ng muling pagkabuhay ni Kristo, at masayang-masaya si Winnie na muling makita ang lahat ng kaibigan at kabaryo sa isang masayang pagtitipon.

Sa huling bahagi ng araw, sumulat si Winnie sa kanyang diary:

“Napakasaya ng Mahal na Araw dito sa amin. Hindi lang ito tungkol sa pananampalataya, kundi pati sa pagsasama-sama naming mga taga-baryo. Ito ang kulturang ayokong mawala.”

Dumating ang buwan ng Mayo.

Panahon na naman ng Flores de Mayo, at masayang naghahanda ang magkakaibigang sina Winnie, Angelo, Nico, at Ana para sa Alayan. Araw-araw silang nangunguha ng mga bulaklak mula sa bakuran at kagubatan upang ialay sa Mahal na Birhen sa kapilya ng kanilang nayon.

“Ang bango ng mga sampaguita ngayon,” sabik na sabi ni Winnie habang pinipitas ang maliliit na puting bulaklak.

“Oo nga! Mas maganda kung dadagdagan pa natin ng rosas,” dagdag ni Ana habang inilalagay ang mga bulaklak sa basket.

Sa pagwawakas ng buwan, naging kapana-panabik ang selebrasyon—napili sina Winnie at Ana bilang mga munting reyna para sa prusisyon.

Isang hapon, habang nag-eensayo, tinanong ni Nico si Winnie.

“Winnie, gusto mo bang ako ang maging konsorte mo sa prusisyon?” tanong ni Nico, medyo nahihiya.

Ngumiti si Winnie at tumango. “Sige, bakit hindi?”

Narinig ito ni Ana at agad siyang ngumiti ng pilya. “Hala, Nico! May lihim ka palang paghanga kay Winnie!”

Parehong namula sina Nico at Winnie, sabay nagtawanan ang magkakaibigan.

Dumating ang araw ng Flores de Mayo. Sa gitna ng mga bulaklak, dasal, at awitan, masayang naglakad sa prusisyon ang mga bata—tanda ng pananampalataya at buhay na tradisyon ng kanilang bayan.

Pagsapit ng buwan ng Hulyo, sabik na hinintay nina Winnie, Angelo, Nico, at Ana ang araw ng Sabado. Ito ang itinakdang araw ni Lola Bering para matuto silang magtanim ng palay.

Maaga silang inihatid sa bukid ni Mang Danilo, ama ni Winnie, sakay ng kanilang tricycle. Nakasuot ang mga bata ng Kamisa Chino at may mga suot na sumbrerong gawa sa buli, handang-handa sa hamon ng araw.

Pagdating sa bukid, ipinakita ni Lola Bering ang punlaan kung saan inalagaan ang mga binhing palay hanggang sa tumubo na ito ng sapat na taas.

"Ayan mga apo, 'yan ang mga suloy o punla ng palay. 'Yan ang ilalagak natin sa linang," paliwanag ni Lola.

“Lola, akala ko po buto ang itinatanim!” usisa ni Angelo.

“Naku, hindi na apo. Dapat palakihin muna ang mga ito bago dalhin sa taniman para siguradong tumubo nang maayos,” sagot ni Lola Bering habang maingat na kumukuha ng mga punla.

Sa ilalim ng sikat ng araw, marahang itinuro ni Lola ang tamang paglalagay ng punla sa basa at malagkit na putik ng palayan. Sinubukan ito ng mga bata—ang ilan ay nadulas, ang iba’y natapakan ang punla, pero sa huli’y natutunan nilang respetuhin ang hirap ng mga magsasaka.

“Tay,” sambit ni Winnie habang nagpupunas ng pawis, “ang hirap po pala nito. Pero masaya rin!”

“Masaya 'yan lalo na kapag nakita n’yo na ang bunga ng inyong paghihirap,” wika ni Mang Danilo, sabay abot ng malamig na tubig sa kanila.

Sa araw na iyon, hindi lang pagtatanim ng palay ang natutunan ng mga bata—kundi pati ang pagpapahalaga sa bawat butil ng bigas na kanilang kinakain, at sa mga taong araw-araw na nagbubungkal ng lupa para mabuhay ang bayan.

Mabilis lumipas ang panahon.

Ngayo’y nasa ikatlong taon ng Sekondarya si Winnie, habang ang kapatid niyang si Angelo ay nasa unang taon. Hindi na sila ang mga batang minsang nangarap matutong magtanim ng palay—ngayon ay mas may kamalayan na sila sa kahalagahan ng kanilang pinanggalingan.

Pagsapit ng buwan ng Agosto, abala ang buong nayon sa paghahanda para sa araw ng Fiesta ng baranggay. Bawat bahay ay may kanya-kanyang handa: may kalderetang baka, menudo, lumpiang shanghai, at di mawawala ang biko, sapin-sapin, at halu-halo sa bangang may yelo.

Masigla ang kapaligiran—tawanan, halakhakan, at masaganang kainan.

“Ang daming pagkain sa inyo, Winnie!” sabik na sabi ni Ana habang hawak ang lumpia.

“Mamaya sa amin naman tayo. Sabi ni Nanay, may nilutong kaldereta si Tatay!” dagdag ni Nico, na agad namang kinilig si Ana at siniko si Winnie.

Sa gitna ng kasayahan, aliw na aliw ang magkakaibigan sa panonood ng parada ng mga musiko. May mga drum and lyre band, mga batang naka-kostyum, at mga karosa ng patron. Sa gabi, namasyal sila sa mga sitio ng kanilang barangay upang manood ng mga palabas—may sayawan, kantahan, at minsan ay paligsahan sa pagbigkas ng tula.

Sa peria, nagsubok si Nico sa isang larong kailangan ng tiyaga at saktong target. Sa gulat ng lahat, nanalo siya ng malaking stuff toy—isang kulay asul na oso na may pulang laso sa leeg.

“Winnie, para sa’yo ‘to,” sabay abot ni Nico, medyo nangingiti.

Namula si Winnie, sabay sabing, “H-ha? Ang laki naman nito! Pero... salamat, Nico.”

Biglang nagsigawan sina Ana at Angelo.

“Ayyyieee! Si Nico at Winnie, sitting in a tree...!” kantiyaw ng dalawa sabay tawanan.

Napuno ng tawanan at saya ang gabi. Pag-uwi nila, tahimik na isinulat ni Winnie sa kanyang diary:

“Isang masayang pista. Hindi lang pagkain at kasayahan, kundi alaala ng pagkakaibigan, kabataan, at mga munting damdaming hindi ko pa lubos na nauunawaan...”

Paglipas ng panahon, nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Winnie, at nakakuha siya ng full scholarship sa kursong Business Administration sa isang unibersidad sa Laguna. Ang kanyang bunsong kapatid na si Angelo ay pansamantalang huminto sa pag-aaral at tumulong muna sa kanilang mga tiyuhin sa bukid.

Si Nico naman ay nasa ikaapat na taon ng kursong Agrikultura sa kaparehong unibersidad. Naging inspirasyon niya ang kagustuhang mapaunlad ang palayan upang makatulong sa mga magsasaka balang araw. Si Ana ay kumuha naman ng kursong Edukasyon sa isang kolehiyo sa kalapit na nayon.

Magkasabay umuuwi tuwing hapon sina Winnie at Nico. Sa isang pagkakataon, habang naglalakad pauwi, nagtanong si Nico,

"Winnie, kumusta na ‘yung matagal ko nang tinatanong sa’yo?"

"Ang alin?" tanong ni Winnie, litaw ang pagtataka sa kanyang mukha.

"Kung kailan mo ako sasagutin."

Napabuntong-hininga si Winnie. "Tumigil ka nga, Nico. Wala pa sa isip ko ‘yan. Marami pa akong pangarap. Pag-aaralin ko pa si Angelo. Alam mo naman ang hirap ng buhay natin. Hindi nga nakapagpatuloy si Angelo dahil sabay kaming nag-aaral noon, hindi kinaya nina Nanay at Tatay."

Bahagyang napayuko si Nico.

"Okay lang, Winnie. Handa naman akong maghintay kahit gaano pa katagal."

Napatingin si Winnie kay Nico, at sa sandaling iyon, nakaramdam siya ng awa at pagkalito. Alam niyang matagal na siyang sinusuyo ng binata at sa lahat ng panahon ay laging nandiyan ito para sa kanya.

Ngunit bago pa siya makasagot, tumunog ang kanyang cellphone.

"Tay? Bakit po kayo napatawag? Pauwi na po kami ni Nico," mabilis niyang sagot.

Sa kabilang linya, garalgal ang boses ni Mang Danilo.

"Anak... ‘wag kang mabibigla ha... Wala na ang Lola mo. Andito kami ngayon ng Nanay mo sa punerarya para ayusin ang burol."

Hindi agad nakapagsalita si Winnie. Parang huminto ang mundo. Bumagsak ang kanyang mga luha.

"Bakit po? Ano pong nangyari?" nauutal niyang tanong.

"Inatake sa puso si Inay. Mamaya na lang ulit tayo mag-usap, anak. Umuwi ka muna sa bahay ng Lola mo para ayusin ang mga gamit doon. Nandoon na rin si Angelo. Kung puwede, samahan ka muna ni Nico. Mag-ingat kayo, anak."

"Opo, Tay," sagot ni Winnie, garalgal man, ay pilit na pinatatag ang sarili.

Tahimik lamang si Nico habang yakap ang naguguluhang si Winnie. Sa kanilang pagdating sa bahay ni Lola Bering, sinalubong sila nina Angelo, Ana, at ilang kapitbahay. Agad nilang inayos ang sala na paglalagyan ng burol. Bagama’t nagluluksa, tiniyak nilang malinis at maayos ang paligid, dahil alam nilang darating ang mga kamag-anak mula sa malalayong lugar.

Sa mga sumunod na araw, dumagsa ang mga nakikiramay—mga kaibigan, kapitbahay, at kamag-anak. Tulad ng nakaugalian, nagkaroon ng baklayan—isang tradisyong nagbibigay-aliw sa mga bumibisita sa burol. Bagama’t lungkot ang nangingibabaw, panandaliang napalitan ito ng saya at kumustahan, dahil ang ilan sa kanilang mga kamag-anak ay matagal nang hindi nakauwi.

“Anong nangyari? Malakas pa si Tiya nung huli naming bisita,” tanong ng isang kamag-anak.

“Inatake raw sa puso si Inay, sabi ng doktor,” malungkot na sagot ni Aling Dory.

Dumating ang huling gabi ng lamay, at isang taimtim na vigil ang isinagawa. Naging tahimik ang buong paligid. Isa ito sa pinakamalungkot na karanasan sa buhay ni Winnie, ngunit alam niyang sa likod ng paglisan ni Lola Bering, nanatiling buhay ang mga aral at pagmamahal nito sa kanyang puso.

"Hindi ko man masabi sa kanya nung huling beses na magkita kami, pero mahal na mahal ko si Lola," bulong ni Winnie habang pinagmamasdan ang kabaong.

Sa kanyang diary, isinulat ni Winnie:

“Ngayong wala na si Lola Bering, dala ko pa rin ang kanyang mga kwento, payo, at pagmamahal. Hindi siya nawala. Nananatili siya sa bawat pangarap kong pilit kong inaabot.”

Huling Yugto: Pagbalik at Pagtatapos

Sa paglipas ng panahon, sa sipag at tiyaga, nakatapos din si Winnie sa kolehiyo. Lubos ang kanyang pasasalamat dahil unti-unti na niyang naaabot ang mga pangarap para sa pamilya. Si Nico naman ay may maayos ng trabaho sa Department of Agriculture, at nakadestino sa lungsod ng kanilang probinsya. Si Ana naman ay regular guro na sa isang pampublikong paaralan sa kanilang bayan.

“Ngayon, mapag-aaral ko na si Angelo,” masayang wika ni Winnie habang hawak ang kanyang diploma.

Isang araw, dumating ang balita: may kamag-anak siyang nais tumulong upang makapagtrabaho siya sa Estados Unidos. Isang malaking oportunidad ito para sa kanya at sa kanyang pamilya. Ngunit nangangahulugang iiwan niya pansamantala ang bayang minahal. Madaling naayos ang mga papeles ni Winnie para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Sa araw ng kanyang pag-alis, hinarap siya ni Nico.

"Maghihintay ako, Winnie... gaano man katagal," mahinahong wika nito.

Ngunit buo na ang pasya ni Winnie.

"Nico, babalik ako, pero ayokong paasahin ka. Gusto kong maging malaya ka... hanapin mo kung saan ka magiging masaya. Pero sana, kahit bilang kaibigan, manatili ako sa puso mo."

Tahimik na iniabot ni Winnie ang kanyang diary kay Nico—ang matagal na niyang kasama sa bawat yugto ng kanyang buhay. Tahimik din itong tinanggap ng binata.

Lumipas ang apat na taon. Malapit nang makatapos ng Engineering si Angelo, at nakapag-ipon na rin si Winnie. Panahon na upang makabalik sa bayan na matagal niyang iniwan.

Disyembre. Masayang sinalubong si Winnie ng kanyang pamilya at kaibigang sina Ana. Habang nasa bahay na sila nina Winnie, masaya silang nagkwentuhan at nagbukas ng mga pasalubong ni Winnie.

"Ang dami mong pasalubong!" sigaw ni Ana.

"Kaso… may kulang," sabay kindat nito. "Wala si Nico."

"Baka naman busy kaya hindi ka na naalala, Ate," biro ni Angelo.

"Tumigil nga kayo," natatawang sagot ni Winnie, pero sa loob-loob niya'y may bahid ng lungkot. Umaasa pa rin siyang muling makita si Nico.

Umabot ng gabi ang pagkukwentuhan ng magkakaibigan. Maraming kuwento si Winnie tungkol sa mga karanasan niya sa abroad. Nang biglang nagbulungan ang mga kapitbahay sa labas ng bahay nina Winnie, sabay tunog ng gitara, napatingin silang lahat.

“Uy, may nanghaharana!” sabik na sigaw ni Ana.

“Uso pa ba ‘yan ngayon?” natatawang tanong ni Angelo.

Hindi nagpapahalata si Winnie, pero dama sa kanyang ngiti ang muling pag-asa.

Sa labas, kinakabahan si Nico.

“Pre, sigurado ka bang epektib pa ‘to?” tanong niya sa kasama.

“Basta gawin mo lang ‘yung inensayo natin,” bulong ng gitarista.

Kumanta si Nico ng kundiman, ang “Dahil Sa’yo.” Pagkatapos ng awitin, mahinang sabi ni Winnie mula sa bintana:

“Pasok ka, Nico.”

Ngunit habang papasok si Nico, lumabas mula sa loob ng bahay ang isang matangkad at matipunong dayuhan. Agad nitong kinausap si Winnie, tila may mahalagang sinasabi. Napansin ito ni Nico at bigla na lamang nagpaalam.

“Uuwi na ako. Pasensya na,” malamig nitong wika.

Pilit siyang pinigilan nina Ana at Angelo ngunit di ito nagpapigil.

"Bakit siya umalis?" tanong ni Angelo.

"Nasabi mo ba kay Nico ang tungkol kay Philip?" tanong ni Ana.

“Hindi pa. Matagal kaming walang komunikasyon ni Nico,” tugon ni Winnie, may halong pagkabigla.

Maya-maya, lumabas pa ang isang magandang dayuhang babae at isang batang babae na kamukha nito.

Matagal nang alam nina Angelo at Ana kung sino ang mga kasama ni Winnie—ang pamilyang dayuhan na matalik na kaibigan nito. Kasama sila ni Winnie para magbakasyon sa Pilipinas. Ngunit hindi nila ito nabanggit kay Nico.

Mula sa kusina, lumabas sina Aling Dory at Mang Danilo.

“Akala ko andito si Nico?” tanong ni Aling Dory.

Sumabat si Philip, sabay abot ng kamay:

"Oh, Nico? Is that your friend you told me about? I was hoping to talk to him about agriculture here."

"Tamang-tama," sabi ni Mang Danilo. "Simula na rin ng Simbang Gabi. Isama natin sila para maranasan ang ating tradisyon."

Masayang nagising ng maaga ang magkakaibigan upang samahan sina Philip sa misa. Ipinaliwanag nila ang kahalagahan ng Simbang Gabi, at matapos ang misa, sabay-sabay silang kumain ng puto bumbong, bibingka, at balot—na noon lamang natikman ng mga dayuhan.

Ipinasyal din nina Winnie ang pamilya ni Philip sa iba’t ibang bahagi ng kanilang bayan, at ang huli ay sa palayan—pinakapaboritong bahagi ni Philip.

Ngunit sa kabila ng kasiyahan, hindi pa rin nawawala sa isip ni Winnie si Nico. Ilang ulit siyang nagtangkang magpadala ng mensahe, ngunit hindi mahanap ang bagong contact nito.

Dumating ang gabi ng Pasko. Masaganang hapunan, tawanan, at mga batang nagkakaroling ang nagbigay saya sa gabi.

Subalit may kulang pa rin.

Hanggang sa...

May malamig na hangin sa kanyang likuran. Paglingon ni Winnie, nandoon si Nico.

"Ipinaliwanag na nila Ana ang lahat," mahinahong wika ni Nico. "Patawarin mo ako kung naging padalos-dalos ako. Akala ko, ipinagpalit mo na ako."

“Hindi ko magagawa ‘yan, Nico,” umiiyak na sagot ni Winnie. “Salamat sa paghihintay.”

Inabot ni Nico ang lumang diary.

"Saulo ko na ‘to. Paulit-ulit ko kasi itong binabasa kapag naiisip kita."