Return to site

WIKA: SANDATA NG PAGKAKAISA

ni: MARYGRACE P. VALENCIA

Bansa na dumanas ng maraming unos,

Bagyo, baha ‘t lindol, dusa’y di maubos.

Kawalang trabaho, taggutom ‘t taghirap,

Lubos tinatanggap buong hinaharap.

Sa mga kalamidad na nararanasan,

Ang pagtutulungan ay nasisilayan.

Pagka Filipino ay nananalaytay,

Hindi mapigilan kapalit man ‘y buhay.

Sa pagdalamhati ‘t oras ng pighati,

Ang pagdadamayan ay mararamdaman.

Sa bawat pamilya na naging bahagi,

Ng mga pangyayaring di maiiwasan.

Unting nauupos pag-asang binuo.

Sa mga nawawala na mga sabungero.

Saksi ay lumutang ‘t biglang nabuhayan,

Ang mga kapamilyang hangad katarungan.

Hindi padadaig sa dayuhang ganib,

Hindi palulupig sa kanilang bagsik.

Sa pagkakaisa lahat magsasanib,

Kapag pinipilit ay maghihimagsik.

Wikang nagbibigkis ng ating pag-ibig,

Sa dayuhang poot ay di padadaig.

Sandalang matibay ang pagkakaisa,

Nasa Filipino ito makikita.

Wikang kinagisnan salamin ng bayan,

Pagkakakilanlan dapat ipaglaban.

Ipagmamalaki ‘t pahahalagahan,

Ipaglalaban ‘to hanggang kamatayan.

Tayo’y Filipino may pusong totoo,

Pagtulong ‘t paggawang tama buong- buo.

Sa hirap ‘t ginhawa tayo’y sama-sama,

Sa Poong Maykapal laging may tiwala.