I
Sa bawat bigkas ng pantig ng dilang maliit sa mga salita,
Wikang Filipino, patunay na buhay at isinasandiwa.
Sumasalamin sa ating malalim na pagkatao at persona,
Repleksyon ng mayaman at magkakaibang ugat na kultura.
II
Mula sa pulo ng Luzon, Visayas at Mindanao,
Iba't ibang tinig, pinagbuklod ng iisang wikang hinihiyaw.
Kasaysayan, alamat, awit at tula, may kuwento at linaw
Binibigkis ng wika ang nagkakaisang diwa ng mga Pilipinong magkaulayaw.
III
Mula sa sinaunang baybayin hanggang sa epiko ni Labaw Donggon,
Pananampalataya sa pasyon ng ating pinakamamahal na Poon.
Bawat titik, bawat tunog, may simbolo’t kahulugan simula pa noon,
Kaluluwa ng lahi, sa wika'y nasasalamin lumipas man ang maraming taon.
IV
Sa diwang bayanihan, sa yumi ng harana at sa himig ng kundiman
Sa lambing ng OPM, sa init ng salo-salo sa piyestang pinaghandaan,
Bawat parirala, may kwento't aral na dala sa bayang sinilangan,
Walang makapapantay, tunay na dakilang pamana kailanman.
V
Ating mga sawikain at salawikain, gintong aral ay mababatid,
Mga bugtong at tula, hindi lang nagbibigay saya kundi pati dunong ang batid.
Sa bawat pagsambit, wika'y patuloy na lumalago at hindi mapapatid,
Buhay na patunay ng lahing matatag at totoong tuwid.
VI
Sa awiting may pamagat na “Ako’y Isang Pinoy” ni Florante de Leon,
o sa “Florante at Laura” ni Fransisco Balagtas na walang kupas hanggang ngayon.
Ang wikang Filipino'y patuloy na umuusbong at nilalahad ang layon,
Sumasabay sa agos ng makabagong mundo at panahon.
VII
Sa bawat “po at “opo” na madalas naririnig sa bibig ng isang paslit,
Sa bawat “Kamusta Ka?” tanong ng mga Pilipinong pinagtagpo ng ilang saglit.
Sa bawat “Salamat” ng mga pusong Pinoy na pinagpala ng ilang ulit,
Sa bawat “Mabuhay!” na pagbati sa mga Pilipinong nakikibaka nang paulit-ulit.
VIII
Kaya't ating mahalin, ating pagyamanin, Wikang Filipino na sariling atin.
Pinanday ng dugo at pawis ng mga ninunong iisa ang adhikain
Sapagkat ito ang tunay na kayamanan ng ating bayang patuloy na inaangkin,
Salamin ng iba’t ibang kultura, repleksyon ng makulay na kasaysayan at simulain.