SINOPSIS
Si Angelo, isang masunurin, masipag at nagmamahal na anak-estudyante, ay masayang uuwi na sa Pilipinas matapos ang kanyang pag-aaral ng masterado sa Amerika upang pakasalan ang kanyang pinakamamahal na si Bb. Hennina. Nagbalik ang alaala ni Angelo sa unang pagtatagpo nila ni Hennina—isang pagkakataong hindi inaasahan ngunit nagbigay-daan upang makilala nila ang isa’t isa –sa klasroom ng kanilang paaralan. Si Hennina, isang mahigpit ngunit nagpapahalaga at mapagmahal na guro sa kanyang mga estudyante, ay hindi agad napansin ang damdamin ni Angelo. Gayunpaman, ang pagbabagong ipinakita ni Angelo sa kanyang pag-aaral ay isang magandang inspirasyon sa buhay-guro na ipagpatuloy pa ang propesyon.
Sa pamamagitan ng pinagkakatiwalaang kaibigang si Juriss, unti-unting nabuksan ang damdamin ni Angelo kay Hennina. Hindi man agad naniwala si Hennina, unti-unti naman niyang napatunayan ang katapatan o sensiridad ni Angelo, lalong pinatindi ng kakaibang sigla nito sa paglalaro ng basketball at pag-aaral. Gayunpaman, naging maingat siya dahil alam ni Hennina ang limitasyon ng relasyong guro at estudyante.
Pagkatapos ng graduation ni Angelo, nagkahiwalay ang kanilang landas upang ipagpatuloy ang kani-kanilang buhay. Nagdesisyong lumuwas ng Maynila si Hennina upang doon na magtrabaho, tuloy maipagamot ang maysakit na ina. Sa isang hindi inaasahang pagkakataon, muling nagtagpo ang kanilang landas sa Recto Avenue. Mula noon, nagsimula na ang masigasig na panunuyo ni Angelo, ipinaramdam niya ito sa pamamagitan ng pagdadala ng mga bulaklak, at tsokolate, bilang isang sensirong nagmamahal. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba ng katayuan– guro at estudyante, ng edad, at mga hamon sa buhay, nanaig ang kanilang damdamin.
Ang kanilang kwento ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng wagas na pagmamahal ng mga Pilipino na hindi sumusuko sa mga pagsubok o balakid. Mariing naniniwala sa kung ano ang nakatadhana. Sa huli, ang wagas na pagmamahal ni Angelo at ang pagsuko ni Hennina sa kanyang damdamin ang nagbigay-buhay sa kanilang malungkot-masayang pagtatapos – sa kabilang buhay.
“Sa wakas, uuwi na ako ng Pilipinas, mapapakasasalan ko na ang babaeng aking pinakamamahal, “oh Hennina my love,” sigaw ng tuwang-tuwang si Angelo sa kaniyang maluwang na kuwartong tinutuluyan sa mahaba-haba ring panahon sa Amerika. Buong galak niyang inayos ang kanyang mga damit at iba pang dala-dalahan sa luggage bag. Aksidenteng natabig niya ang frame ng larawan nila ni Hennina na nasa ibabaw ng mesa sa tabi ng kanyang kama.
Maingat niyang pinalis ang mga bubog sa ibabaw ng larawan nila ni Hennina at inilapat sa kanyang dibdib habang humihiga sa kanyang kama. Doon ay nagsimulang bumalik sa kanyang alaala kung paanong sila ni Hennina ay nagkakilala.
Isang umaga nang Lunes noon. Tinanghali siya ng gising dahil sa pagod sa praktis sa basketball. Takbong parang may hinahabol ang kanyang ginawa patungo sa kanyang klasrum, huli na kase siya sa kanyang pang-umagang klase at nagkataon ding bago ang titser nila. Hindi sinasadya ay natabig niya ang babaeng nasa kanyang unahan. Kumalat ang dala nitong mga aklat at iba pang gamit sa semento subalit walang lingong-likod ang ginawa ni Angelo. Ni hindi niya ginawang lingunin ang natabig na babae, dahilan para hindi rin siya mapagtuunan at makilala ng huli. Si Hennina Antay ang babaeng iyon na isang bagong titser sa kanilang paaralan.
Hangos nang dumating si Angelo sa silid at pawisang-pawisan na halos lumawit na ang dila sa pagmamadali. Nagpasalamat siya dahil wala pa ang kanilang titser. “Klasmeyt, haah …, haah…, buti na lang wala pa ang ating titser kaya hindi pa rin ako huli,” ang humihingal na sabi sa kaibigang si Juriss. Si Juriss ang kanyang kaibigang pinagtitiwalaan, sa kabila ng pagiging bakla nito.
Maya maya pa ay bumungad na sa Room 106, ang kanilang titser. Matangkad na babae, kulay-kayumanggi subalit naka-aakit titigan ang kanyang maamong mukha na binagayan ng namimilog subalit namumungay nitong mga mata. Hindi iyon nakawala sa atensyon ni Angelo at nabanggit at naibulong sa isip niya, “siya pala iyong babaeng natabig ko kanina, hindi ko naman iyon sinasadya at hindi niya sana ako natandaan.” (Ang kulay kase ng damit at tindigan ay natandaan niya kahit ito ay nakatalikod sa kanya).
Tama nga si Angelo, hindi siya natandaan ni Hennina. Nagpakilala ito sa kanila at nakapalagayan naman ng kanilang klase ang napaka-estrikto nitong paraan ng pagtuturo. Nagpapa-recite araw-araw at laging nagpapa-assignment, dahilan para seryusuhin ni Angelo ang pag-aaral dahil ayaw niyang mapahiya sa klase.
Minsan nabanggit ni Angelo kay Juriss na may crush na siya. Lumaki ang awang ng mga naniningkit na mata ni Juriss at naging makulit kay Angelo kung sino ba ang crush ng huli. Sa huli ay napilitan na ring ipagtapat ni Angelo kung sino ba ito, at sinabi niyang walang iba kundi si Bb. Hennina. Nagulat si Juriss at bakit daw sa dinami-dami ng maaaring gustuhin e bakit ang titser pa nila at mas ma-edad pa ito sa kanila ng apat na taon. Nasa ikaapat na antas na noon sa kursong Business Management si Angelo samantalang si Bb. Hennina ay tatlong taon pa lamang na naka-ga-graduate. Isang taong nagturo sa pribadong paaralan sa sekundarya samantalang dalawang taong nagturo sa pribadong kolehiyo at ngayon nga ay nasa kanilang paaralan na ito nagtuturo. “Wala e, hindi naman natuturuan ang puso,” ang masayang sagot ni Angelo kay Juriss.
Isang araw habang kumakain si Bb. Hennina sa kantina ng paaralan ay parang sinasadya na kumakain din sa mesang iyon ang nag-iisa ring si Juriss. Palibhasa “advisory class” ni Bb. Hennina ang klase nina Juriss, nagkakuwentuhan sila. Dahil nga bakla naging madaldal si Juriss at aksidenteng nabanggit ng huli kay Bb. Hennina na mayroong may “crush” o estudyanteng humahanga sa kanya at ito nga ay si Angelo. Hindi ito pinaniwalaan ni Bb. Hennina subalit bigla rin siyang napa-isip na malaki nga ang pagbabagong nangyayari kay Angelo. Naging pala-aral na ito, na hindi naman tulad ng dati na “happy go lucky” lang ito.
Noon kase sa Maynila nais mag-aral ni Angelo, nais niyang maranasan ang maging “independent”, ang makapagdesisyon para sa kanyang sarili. Maranasan ang sinasabi ng mga kaibigan na kailangan mong maging mabilis sa lahat ng iyong ginagawa, makipag-unahan kung sumasakay sa bus at dyip na parang nakikipagkarera sa daga para hindi ka mahuli sa klase mo. Subalit dahil sa likas na masunurin, ang kagustuhan ng kanyang mama ang nasunod, na sa probinsiya na lamang siya mag-aral. Dagdag pa rin ng kanyang mama, wala namang ipinagkaiba ang turo sa Maynila at probinsiya kung mayroon man siguro ay kunti lamang, hindi ka pa mapapagod, walang polusyon, sariwa ang lahat ng mga pagkain na makakain, at kapiling pa ang pamilya. Kaya, iyon pumapasok siya dahil lamang sa agos at mapagbigyan ang kanyang mama.
Dahil advisory class, kailangang suportahan ni Bb. Hennina ang klase nina Angelo kaya’t hanggang sa panonood ng basketball ay kasama siya nina Juriss dahil naglalaro si Angelo. Si Angelo ang isa sa mga “star player” ng campus, dahil magaling nga ito sa basketball, idagdag pa ang mala-adonis nitong hitsura, kaya tinitilian at “heartthrob” din siya. Nasa kanya na yata ang lahat ang katangian na hahanapin mo kung magbo-boyfriend ka sabi nga ni Juriss. Mabuting anak, subalit maaaring hindi ka makapaniwala dahil hanggang ngayon wala pa rin siyang “girlfriend”, dahil ang iniririto sa kanya ng kanyang mama ay hindi niya magustuhan, si Diana. Kapatid nila sa pananampalataya at kaibigan ng kanilang pamilya ang pamilya nito. Sabi nga, wala ng problema sa mga magulang dahil parehong boto sila na magkatuluyan ang dalawa, si Angelo at Diana.
Dahil nga rin sa galing sa basketball ni Angelo at palibhasa medyo bata pa rin si Hennina ay napahanga rin ito kay Angelo, pero hindi niya ito ipinaaalam kahit kanino. Dahil alam ni Hennina na mali na magkaroon ng relasyon ang guro at estudyante. Gayunpaman ay naisipan pa rin niya na gumawa ng tula para kay Angelo. Mahilig kase siyang magsulat lalo na kung inspirado. Sa katunayan noong nag-aaral pa siya ay mahilig siyang lumahok sa mga paligsahan sa pagsulat.
Ito ang nagawa niyang tula:
A CAMPUS HEARTTHROB… as they say
You’re such everybody’s dream guy.
Every aspect of your physique,
One can possibly say that it is almost perfect.
You’re such a picture of an ideal man.
That’s on the first day when I saw you…
You’re so handsome as what they said… I don’t care.
It was only then that I knew
When someone told me that you’ve had a crush on me
He said you’re nervous and your heart is trembling.
Every time I looked at you.
My reaction is, I don’t believe you.
But within me, I’m flattered and
My heart is trembling too.
Still, I don’t believe you because of who I am to be.
Admired by someone like you
Whose I’ve heard… is a campus heartthrob.
And a character of every coed’s fantasy…
But when I realized lately that ...
If we are only given the chance to talk to
I have so many things to ask and to tell you…
I hope someday … it may turn to …
Lumipas ang buwan, birthday noon ni Angelo at naghanda ito kahit pansit. Naimbitahan ng mga kaklase nito si Bb. Hennina at kanya naman itong pinaunlakan. Ito rin ang pagkakataon na naihatid ni Angelo si Bb. Hennina sa kanilang bahay kaya halos umapaw sa kaligayahan ang nadaramang saya ni Angelo. Lumipas ang ilang buwan at graduation na nina Angelo. Masaya ang lahat dahil ito ang katuparan ng buhay-kolehiyo, ang maka-graduate. Hiniling ni Angelo kay Bb. Hennina na mag-selfie sila, pinaunlakan naman ito ng huli. Ito nga ang larawang pina-frame pa niya.
Pagkatapos nang gabing iyon ng graduation ay wala nang naging ugnayan sina Angelo at Bb. Hennina.
Ang mag-inang Hennina naman pagkaraan ng ilang buwan ay nagdesisyon na muling bumalik sa Maynila dahil kailangang maipagamot ang nagkasakit na ina. Umayos naman ang kalagayan nito subalit hindi na bumalik ang dating pangangatawan. Mahal na mahal ni Hennina ang kanyang ina. Siya na lamang ang natitira niyang pamilya dahil nag-iisa siyang anak. Bata pa lamang siya ay namatay na ang kanyang ama. Ang kanilang mga kamag-anak ay nasa probinsiya at mayroon ding mga sari-sariling pamilya. Gulong-gulo ang kanyang isip habang naglalakad sa sidewalk.
Samantalang nang hapong iyon ay nagdesisyon si Angelo na maglakad-lakad pagkalabas sa kompanyang pinapasukan. Nasa kahabaan na siya ng Recto Avenue at sa hindi inaasahang pagkakataon ay may natabig siyang isang babae at parang sinasadya si Bb. Hennina pala ito. Nagkagulatan pa sila at sa huli ay inaya niya itong kumain sa restaurant, muli inihatid niya ito sa kanilang bahay hanggang maging palagian ang kanyang pagdalaw at nagsimula na itong manuyo. Dahil may trabaho na si Angelo, may pa-bulaklak, tsokolate, at stuff toy na ito sa pagpunta-punta kina Hennina. Naging masugid at tapat ang panunuyo ni Angelo kaya hindi naman ito binigo ni Hennina.
Masaya ang kanilang naging relasyon. Subalit isang hapon, nakatanggap ng tawag si Angelo ng kaniyang mama at sinabing “Si Hennina o kami ng pamilya mo. Oo, mabuting tao si Hennina pero hindi natin siya kapatid sa pananampalataya, mas makabubuting si Diana ang pakasalan mo para walang problema!”, ang halos sumisigaw na utos ng kanyang mama sa kabilang linya. “Hindi ko siya mahal mama, si Hennina ang gusto ko at siya ang pakakasalan ko.” “Hindi ako makapapayag,” ulit na sabi ng kanyang mama. “Bukas ay umuwi ka dito sa atin sa probinsya, mamanhikan na tayo kina Diana at napag-usapan na ito ng pamilya,” putol ng kanyang mama sa kanilang pag-uusap sabay baba ng telepono.
Kinagabihan ay pumunta si Angelo kina Hennina at nasabi niya dito ang naging pag-uusap nila ng kanyang mama. Hindi nila nagawang suwayin ang paniniwala at pananampalataya ng bawat isa. Sobrang nabigla si Hennina at hindi niya mapagdesisyunan na magpa-convert sa Iglesia ni Kristo. Kapwa sila umiiyak dahil sa huli ay napagdesisyunan nila na sa huli, aalis na lamang si Angelo upang magtungo sa Amerika (ito ang isang opsyon kung hindi siya magpapakasal kay Diana) at muling mag-aaral (masteral) kaysa ang magpakasal kay Diana. Inaya rin ni Angelo si Hennina na sumama sa kanya subalit tumanggi ang huli, dahil inaalagaan nito ang kanyang matanda na ring ina. Bago sila maghiwalay nang gabing iyon ay dinama nila ang init ng pagmamahal ng isa’t isa.
Bumalik si Angelo sa bahay na tinutuluyan sa Maynila. Kinuha ang ilang gamit at mga papeles at nagtungo na rin sa paliparan upang magtungo na sa Amerika.
Nang mahimasmasan si Angelo sa kanyang pagbabalik-alaala ay pinahid niya ang luha sa kanyang mga mata, bunga ng pagkasabik at mga pagsubok sa buhay-relasyon nila ni Hennina.
Samantalang ang mga pangyayari sa buhay ni Hennina at ginawa dito ni Diana ay lingid naman sa kaalaman ni Angelo.
Noong makaalis na si Angelo patungong Amerika. Dumating sa bahay nina Angelo si Diana at palibhasa ay kapamilya na ang turing dito ay nakapaglalabas-masok ito sa kuwarto ni Angelo at nagtse-tsek ng mga gamit. Hindi sinasadya ay may nakita itong engagement ring sa drawer ni Angelo at isinuot sa kanyang daliri. (Ang engagement ring na ibinigay noon ni Angelo kay Hennina). Kung maalaala, minsang kumakain sina Angelo at Hennina sa Kamayan Restaurant ay tinanggal ng huli at ipinakisuyo kay Angelo na nailagay naman sa wallet nito at tuloy nakalimutan nang ibalik kay Hennina.
Nang malaman ni Diana na umalis na si Angelo ay pinuntahan niya si Hennina at sinabing sa Amerika na sila magpapakasal ni Angelo dahil may plano na nga sila, sa katunayan ipinakita niya rito ang suot na niyang singsing na dati ay suot ni Hennina. Napaiyak si Hennina at sinabi kay Diana na umalis na ito. Ni hindi na niya tinangkang tawagan si Angelo, inisip niyang niluko siya nito at sinamantala ang kanyang tiwala at pagmamahal. Noon din ay pinalitan niya ang SIM card number ng kanyang cellphone. Naging malulungkutin si Hennina dahilan para magkasakit (hindi na rin niya tinangka pa na magpagamot). Humina ang kanyang resistensiya at nalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan na bunga ng inakala niyang pagmamahalan nila ni Angelo. Huli na rin nang malaman niyang siya pala ay may kanser. Marahil pinalala ito ng depression dahil sa nangyari sa buhay niya.
Noong araw kung kailan natabig ni Angelo ang frame ng larawan nila ni Hennina ay ang araw din nang malagutan ang huli ng hininga.
Nakababa na ng eroplano si Angelo at nagmamadaling umarkela ng sasakyan upang ihatid ang mga dala sa kanilang probinsiya. Sinalubong siya ng kanyang mama na tuwang-tuwa. “Welcome home anak, ngayon ay tuloy na tuloy na ang inyong kasal ni Diana.” “Hindi mama, si Hennina pa rin ang pakakasalan ko, minsan na kitang pinagbigyan nang pilitin ninyo akong mag-aral sa Amerika kapalit ng pag-iwan ko kay Hennina, ako naman ngayon ang masusunod.” Dali-dali niyang kinuha ang susi ng kotse sa kanilang driver (medyo may kaya ang pamilya nina Angelo sa probinsiya dahil mayroon silang ilang negosyo) at tinungo ang garahe upang puntahan si Hennina.
Nang marating niya ang bahay nina Hennina. Magkahalong saya at pagtataka ang kanyang naramdaman dahil maraming tao, ang akala niya ay isang pagwe-welcome ito sa pag-uwi niya, subalit nagkamali siya. Ang saya ay napalitan ng lungkot na walang kapantay, nang matunghayan niya ang bangkay ng yayat na mukha ng kanyang minamahal na si Hennina. Umiyak siyang punong-puno ng kawalan ng pag-asa. Nilapitan siya at niyakap ng umiiyak ding ina ni Hennina. Walang salitang namutawi sa kanilang mga labi. Mayamaya pa ay may iniabot ang ina ni Hennina sa kanya, isang kahon. Binuklat niya ang takip ng kahon. Nakita niya roon ang isang liham na may naka-ipit, ang ginawang tula noon ni Hennina para sa kanya at ang larawan ng “ultrasound” na bunga ng kanilang pagmamahalan, subalit dala ng kalungkutan ay namatay ang sanggol sa sinapupunan ni Hennina. Pagkalipas nang ilang buwan ay napag-alaman naman ang malala na nitong karamdaman, ang kanser.
Hilam sa luha ang kanyang mga mata na binuklat ang liham na ginawa ni Hennina, na ito ang nilalaman:
Mahal kong Angelo,
Hindi ko ibig na ikaw ay sumbatan sa ginawa mong paglisan dahil ito naman ay ating nagpagdesisyunan pero nang makita ko ang singsing na ibinigay mo sa akin noon na nasa daliri na ni Diana ay naniniwala na ako na siya na nga ang pinili mo. Nauunawaan kong ikaw ay isang mabuti at masunuring anak na hindi nais sumuway sa iyong mama. Minahal kita at ikaw lamang ang minahal ko, kung naging tapat ka lamang sa akin, siguro ay hindi ako gasinong masasaktan at malulungkot. Hindi ko napaghandaan ang kalungkutang ito at hindi ko rin sinasadya na ang bunga ng akala kong pagmamahal mo sa akin ay nawala rin. Ano pa ang saysay ng buhay ko, kung kayo na mga minamahal ko ay hindi ko na rin makakapiling?
Hindi ko rin inaasahan na ako ay magkakasakit nang wala ng lunas. Ganoon pa man ay nais kong malaman at muli ulitin sa iyo na ikaw lamang ang minahal ko. Hindi ko alam kung ang liham kong ito ay mababasa mo pa, subalit ginawa ko pa rin bago man lamang ako malagutan ng hininga.
Hangad ko ang matiwasay mong pamumuhay kasama ng mga taong iyong minamahal.
Nagmamahal pa rin sa iyo,
Hennina
Maluha-luha at gulong-gulo ang isip na nilisan ni Angelo ang tahanan nina Hennina. Mabilis na sumakay ng kotse upang puntahan at komprontahin nang personal si Diana. Subalit huli na ang lahat dahil sa kawalan niya ng direksyon sa pagmamaneho ay nabangga niya ang isang van. Mayroong mga taong tumulong sa kanya at pilit isinasalba ang kanyang buhay. Narinig mula sa nag-aagaw buhay at mga labi ni Angelo na “magkikita na rin tayo mahal kong Hennina at hinding-hindi na tayo mapaghihiwalay.” Nakarating pa siya sa hospital subalit ideneklarang “dead on arrival.”
Samantalang si Diana ay lasing na lasing dahil tinawagan na pala ito ni Angelo sa telepono at pinagsabihang pagbabayaran nito ang ginawang pananakit sa damdamin ni Hennina. Noon ay nakaupo ito sa pasemano ng kanilang malaking bintana at dahil sa kalasingan ay aksidente itong nahulog at natusok ng bakod (ang tapat ng kanilang bintana ay mayroong bakod na patusok na grills) ang katawan. Pinilit din itong madala sa malapit na pagamutan subalit hindi na ito umabot at sa daan pa lamang ay nawalan na ito ng buhay. Tulad nina Hennina at Angelo, binabanggit din ni Diana bago malagutan ng hininga na, “mahal na mahal kita Angelo, patawarin mo ako, kung nagmahal ako sa iyo.”