Return to site

WIKANG PAMANA, LAKAS NG BANSA

ni: JUAN P. CATALAN

Wika nating nakagisnan, malakas na sandigan

Nagsisilbing tagapapag-ugnay tungo sa magandang kinabukasan.

Mga salitang nasasambit, kasama’y titik na may pusong sumisinta,

Pantig na may pintig, nag-aalab, nagliliwanag ang diwa ng pagkakaisa.

Pagpapakasakit man o pagkamit ng tagumpay ay kasama ka,

Nananalaytay sa dugo ang hangaring mapag-isa ng ating wika.

Ano man ang pinaniniwalaan at saan man ang pinagmulan,

Nagkakaisang damdamin para sa matatag na bayan.

Labis ang pagkamangha, binibigkas na mga salitang kay ganda,

Magiting na dangal at masigasig na damdamin ay pinagsama.

Nasasalamin ang kultura’t kasaysayan ng lahing kayumanggi,

Salinlahing binibigkis ng pag-asa at sagigsag na natatangi.

Baliwalain ang wikang pamana’y hindi nararapat,

Sapagkat ito ay buhay, pamanang may layunin at tapat.

Pagkakakilanlan, mga salitang bawat binibigkas ay panata,

Wikang Filipino, hindi lamang salita, ito’y tanglaw at kalasag ng bansa.

Sandatang pinanday ng panahon, handang harapin ang bawat hamon,

Sa pagtindig, pagtulong, at pagkalinga, kaakibat sa pagtugon.

Sa isip, salita, at gawa, iisang adhika sa bayanihang pinagbuklod,

Talang kumikinang sa kalangitan, bumabalot sa tatag ng bansa na bukod.

Wikang Filipino, tinig ng puso ng karamiha’y abot sa himbutod

Nagkakaisang kilos, kasama’y haplos ng pagmamahal na ubod.

Wikang pamana, pinagpala’t sagradong alaala,

Lakas ng bansa, sa wikang nagbubuklod ay makakamit tuwina.