Return to site

ANG HIWAGA NG AKLAT NI ATE

ni: DONNABELL P. ARCILLAS

“Buboy gising na! Araw ngayon ng Sabado kaya kailangan na nating bumangon at maghanda.” marahang wika ni Beth habang ginigising niya ang nakababatang kapatid na si Buboy. “Ate, ayaw kong sumama! Ayaw kong magbasa!” padabog na wika ni Buboy. “Hindi maaari Buboy kailangan mong sumama sakin para matuto kang magbasa. Mapapagalitan ka na naman ni nanay sige ka!” wika ni Beth. Dahan-dahang bumangon si Buboy upang mag-ayos ng kaniyang higaan. Labag man sa kanyang kalooban ay napilitan siyang sumama sa kanyang ate upang mag-aral bumasa.

Si Buboy ay nasa ikaapat na baitang na at isa siya sa mga mag-aaral na nahihirapan pa ring magbasa kaya naman isinali siya ng kanyang ina sa programang inilunsad ng mga kabataan sa kanilang lugar. Ayaw na ayaw ni Buboy magbasa, inaantok kasi siya sa tuwing tinuturuan siyang magbasa na parang walang pumapasok sa isipan niya. Mas gusto na lamang niya ang maglaro nang maglaro kasi doon siya nakakaramdam ng tuwa.

“Buboy, Beth! nakahanda na ang almusal. Maghanda na rin kayo at malapit ng magsimula ang pagpapabasa!” wika ni Aling Maria. Narinig ni Buboy ang tawag ng kanilang ina kaya naman sumunod na din siya sa kaniyang ate sa paglabas sa silid.

“Nanay, ayaw ko pong sumama kay ate! Ayaw ko pong magbasa” wika ni Buboy. “Hindi maaari anak kailangan mong matutong magbasa! ‘Di mo ba alam na kapag marunong kang magbasa ay makararating ka rin sa mga lugar na di mo pa nakikita!” nakangiting sabi ni Aling Maria kay Buboy. Naguluhan si Buboy sa winika ng kanyang ina. “Paano naman ako makararating sa mga lugar na di ko pa napupuntahan kung akoy magbabasa?” pabulong na wika ni Buboy.

“O siya kayo ay magmadali na para di kayo mahuli sa pagpapabasa” wika ni Aling Maria.

Naghanda na at naligo ang magkapatid. Habang daan iniisip ni Buboy ang sinabi ng kanyang ina. Palaisipan pa rin sa kanya ang sinabi ng kaniyang nanay. Malayo pa lamang ay naririnig na nila ang pagbabasa ng mga batang tulad niya na nahihirapan ding magbasa.

“a, e, i, o, u, ba, be, bi, bo, bu” dinig nila ang malakas at sabay-sabay na pagbabasa ng mga bata. “Ate ‘di ba marunong ka nang bumasa, bakit sumasali ka pa din sa pagbabasa? tanong ni Buboy kay Beth. “Oo Buboy marunong na akong magbasa at nakahiligan ko na din ito. Alam mo ba na kapag marunong ka nang bumasa magkakaroon ka ng malawak na isipan at makararating ka kung saan-saan? Napatingin si Buboy sa kanyang ate, nahihiwagaan siya sa sinabi nito at parehong pareho ito sa sinabi ng nanay nila.

“Alam mo ba kahapon nakarating ako sa isang magandang palasyo at nakakilala ako ng isang prinsesa!” namimilog ang matang wika ng kanyang ate. “Totoo ba yan ate? Di ba nasa bahay ka lang naman maghapon paano ka makakapunta sa isang palasyo at makakakilala ng isang prinsesa?” namamanghang tanong ni Buboy sa kanyang ate. Natawa naman si Beth sa reaksiyon ni Buboy at nagpatuloy na ito sa paglalakad patungo sa lugar ng mga batang nagbabasa.

Habang nakikinig si Buboy sa pagtuturo sa kanila, ‘di maiwasang sumagi sa isip niya ang sinabi ng kanyang nanay at ate. Tiningnan niya ang kanyang ate Beth at nakita niya itong tahimik na nagbabasa. Nasa ikaanim na baitang na ang kanyang ate Beth at mahusay na itong magbasa. Palagi niya itong nakikitang nagbabasa naririnig pa nga niya minsan na ito ay tumatawa habang nagbabasa.

Natapos na ang kanilang pag-aaral at isa-isa na silang naghanda pauwi ng bahay. “Buboy!” Mahinang tawag ng kanyang ate. “Ito ang paborito kong aklat, alam mo ba na ito ang dahilan kung bakit ako natutong magbasa.” Nakangiting saad ng kanyang ate. Tiningnan ni Buboy ang aklat na hawak ng kanyang ate. “Itong aklat na ito ang nagdala sakin sa iba’t ibang lugar na ‘di pa natin napupuntahan.” Nagniningning ang mga mata ng kanyang ate habang sinasabi iyon. Muli niyang tiningnan ang aklat, bahagya pa niyang mabasa ang nakasulat dito. Unti-unti niyang pinapantig ito “Hi-ra-ya, Hiraya,” nang mabasa ito ni Buboy ay kumunot ang kanyang noo. “Ate tungkol saan ang kwentong ito?” tanong ni Buboy. “Basta matutuklasan mo din kapag sinimulan mo na itong basahin.” nakangiting saad ng kanyang ate.

Nagpatuloy na sa paglalakad ang magkapatid hanggang sa makauwi sila ng kanilang tahanan. “ O, mga anak kumusta naman ang inyong pagbabasa?” tanong ng kanilang ina. “ Masaya po ‘Nay, ang dami po nilang bagong aklat na ipinahihiram sa amin!” masayang wika ni Beth. “Nay, matututo pa po ba akong magbasa?” Malungkot na tanong ni Buboy sa kanyang ina. Nakaramdam ng awa si Aling Maria sa kanyang bunsong anak. Dahan-dahan niya itong nilapitan at niyakap. “Oo naman anak, ang kailangan mo lamang ay maniwala sa iyong kakayahan. Ang lahat ay napag-aaralan anak, pasasaan ba’t matututuhan mo rin ang magbasa at mamahalin mo ito gaya ng ate mo.” mahabang paliwanag ni Aling Maria.

“Halina at magmeryenda na kayo mga anak.” tawag ni Aling Maria sa kanyang dalawang anak. Agad na lumapit ang dalawang bata sa hapag kainan. “Ate pagkatapos nating magmeryenda maaari bang turuan mo akong magbasa?” tanong ni Buboy sa kanyang ate. Biglang umaliwalas ang mukha ni Beth at Aling Maria sa kanilang narinig mula sa kanilang bunso. Animo’y nakarinig sila ng mahiwagang mga kataga mula sa kanilang bunso. Bata pa lamang ay gusto ng turuan ni Beth ang kanyang bunsong kapatid na magbasa, subalit hindi talaga nila ito mapilit magbasa.

Sa tuwing magsisimula na silang mag-aral pagbabasa ay bigla na lamang itong nawawala at tumatakas. Minsan umiiyak na lamang itong bigla at minsan naman ay bigla itong nakakatulog. Laging katuwiran nito na di niya maunawaan ang itinuturo sa kanya, kaya, laking tuwa nina Aling Maria at Beth na siya mismo ang nakiusap na turuang magbasa. “Masaya ako Buboy at gusto mo ng magpaturong magbasa.” wika ni Beth. “Mamayang gabi bago tayo matulog ay magsisimula na tayong magbasa Buboy” dugtong ni Beth. Agad sumang-ayon si Buboy sa kanyang ate. Tanging hiling lamang niya na sana ay maunawaan na niya ang ituturo ng kaniyang ate.

Makalipas ang ilang sandali ay natapos na din ang silang kumain ng hapunan, naghanda na ang kanyang ate sa pagtuturo sa kaniya. Kinuha nito ang ilang babasahin at napukaw ang atensyon niya ng kinuha ng kanyang ate ang aklat na ipinakita nito sa kaniya pagkagaling nila sa pagpapabasa sa kanilang barangay. Bakit kaya lagi itong dala ng kanyang ate, bakit lagi niya itong binabasa?

“Buboy handa ka na ba?” tanong ni Beth sa bunsong kapatid. “Opo, ate handa na akong matutong magbasa” tugon ni Buboy sa kanyang ate. “Pero bago tayo magsimula ng aralin sa pagbabasa nais ko munang basahin sa iyo ang paborito kong kwento sa aklat na ito” pananabik na wika ni Beth. Nagtataka man sa sayang nakikita niya sa kanyang ate ay agad namang sumang-ayon si Buboy.

Pagbuklat ni Beth ng aklat ay nagulat si Buboy sa liwanag na lumabas dito. “Ate anong nangyayari!?” gulat na tanong ni Buboy ngunit wala siyang narinig na tugon. Sa sobrang liwanag na buhat sa aklat na ito, ‘di makita ni Buboy ang kanyang ate at ang kanilang silid. “Ate, ate!” tawag ni Buboy sa kanyang ate, ngunit wala pa ding tugon mula dito. Nasisilaw man ay pinilit ni Buboy ibukas ang kanyang mga mata at nakikita niyang unti-unti nang nawawala ang liwanag. Sa pagkawala ng liwanag laking gulat ni Buboy na wala ang kanyang ate at wala din siya sa kanilang silid. Nasa isang lugar siya na hindi pa niya nararating. Isang magandang lugar na maraming pinto. Nakaramdam si Buboy ng takot. Muli niyang tinawag ang kanyang ate. “Ate! Ate!” malakas na sigaw ni Buboy ngunit wala pa ding tugon. Wala din siyang makitang tao. Mag-isa lamang siya sa lugar na iyon.

“Buboy!” Nagulat si Buboy sa isang magandang boses ng babae na tumawag sa pangalan niya. Lumingon-lingon siya ngunit di niya ito makita. Hanggang sa matuon ang kaniyang pansin sa isang napakagandang puno na may kakaibang liwanag. “Sino po kayo?” nahihintakutang tanong ni Buboy. Muling nagsalita ang mahiwagang babae. “Ako si Hiraya,” tugon ng mahiwagang babae. “Nasaan po ako? Bakit po ako napunta dito?” Magkasunod na tanong ni Buboy sa mahiwagang babae na nagpakilalang si Hiraya. “Nandito ka sa aking lugar Buboy. Dinala ka dito ng iyong kahilingan. Nandito ka dahil sa ninanais ng iyong puso” mahiwagang tugon ni Hiraya. Nalilito at nahihintakutan man ay muling nagtanong si Buboy. “Nasaan po si ate?”naiiyak na tanong ni Buboy. “Huwag kang mag-alala Buboy hindi ka mapapahamak sa lugar ko basta sundin mo lamang ang ninanais ng puso mo” tugon ni Hiraya.

“Nakikita mo ba ang mga pintuang iyan, Buboy?” tanong ni Hiraya. “Iyan ang mga pintuan na maaaring mangyari sa buhay ng isang tao. Sa bawat pintuan ay makikita mo ang mga maaaring kahinatnan o mangyayari sa iyo kapag iyong pinili.” mahabang paliwanag ni Hiraya sa kay Buboy. “Kailangan mong pumili ng tatlong pintuan na iyong papasukin Buboy. Kapag napasok mo na ang tatlong pintuan na iyon ay magkakaroon ka ng isa pang pagkakataon na piliin ang pintuang ninanais ng iyong puso.” wika pa ni Hiraya.

“Mawalang galang na po, kapag nagawa ko na po ba ang inyong mga sinabi ay makakauwi na po ako?” tanong ni Buboy. Ngumiti lamang si Hiraya. “Sa bawat silid na iyong papasukin ay makakakita ka ng isang puting ibon, kapag nagpakita na ang puting ibon, ito ang magsisilbing hudyat na kailangan mo nang umalis sa silid na iyon.” paliwanag ni Hiraya.

Nagsimula nang maglakad si Buboy. Habang tinatahak niya ang isa sa pintuang napili niya ay muling nagsalita si Hiraya. “Sundin mo lamang ang kagustuhan ng iyong puso, palagi mong piliin ang tama at ang makabubuti sa iyo.”

Nasa harap na ng unang napiling pinto si Buboy, agad niya itong pinihit at pumasok siya. Bumungad sa kaniya ang kanilang paaralan at doon nakita niya ang kanyang ate subalit maliit pa ito. Nakita niyang umiiyak ang kanyang ate dahil pinagtatawanan ito ng mga kamag-aral nito habang sinasabing “Si Beth na di marunong magbasa.” kutya ng mga mag-aaral sa kaniyang ate. Nakaramdam siya ng awa sa kanyang ate, lalapitan na sana niya ito ng biglang nagbago ang paligid napadpad naman siya sa kanilang bahay. Nakita niya ang kanyang ina na may buhat na maliit na sanggol na lalaki. Nakita din niya ang kanyang ate na umiiyak sa kaniyang nanay. “Nanay ayaw ko na pong pumasok, ayaw ko na pong mag-aral.” sabi ng kanyang ate habang umiiyak. “Hindi maaari anak, kailangan mong mag-aral dahil yan ang magdadala sa iyo sa mga pangarap mo.” paliwanag ng kanyang ina sa kanyang ate Beth. Biglang huminto si Beth sa pag-iyak nang biglang may inilabas na regalo ang kanyang ina at iniabot ito kay Beth. “O ito ang regalo ko sa iyo anak siguradong magugustuhan mo ito.” nakangiting wika ni Nanay kay ate Beth.

Biglang nagningning ang mga mata ng kaniyang ate at dahan-dahang binuksan ang regalo ng kanyang ina. Nagulat din si Buboy sa regalo ng kaniyang ina. Ito ‘yung aklat na paborito ng kanyang ate. Lalapitan na sana niya ang kanyang nanay at ate nang biglang nagbago muli ang paligid. Nasa isang paaralan muli siya at nakita niya ang isang guro na matiyagang nagtuturo sa mga batang ‘di marunong magbasa. Biglang may tumawag sa pangalan ng gurong ito at laking gulat niya ng marinig ang pangalan nito. “Binibining Beth magandang araw po!” wika ng isang mag-aaral. Napatingin si Buboy sa suot na ID ng gurong iyon at laking gulat niya na ang gurong iyon ay ang kaniyang ate Beth. Duon niya napagtanto na ang mga pangyayari na nakikita niya ay ang nakaraan at ang kasalukuyan. Sa kaniyang pagkagulat ay biglang may lumitaw na ibong puti at ‘don niya naalala ang bilin ni Hiraya. Bigla ding lumitaw ang mga pintuan.

Kailangan niya muling pumili ng ikalawang silid na papasukin. Nakapili na siya ng ikalawang pinto at nagsimula na siyang lumakad patungo dito. Pagbukas niya ng ikalawang pintuan ay bumungad sa kaniya ang isang lugar na di pa niya nararating nakita niya ang mga batang may hawak na lata at nanlilimos. May nakita siyang dalawang magkapatid na halos kasing edad nila ng kanyang ate. Naririnig niya ang usapan ng mga ito. “Ate nagugutom na po ako.” wika ng batang lalaki sa kanyang ate. “Kaunting tiis lang Buboy may magbibigay din sa atin ng limos.” Napapaawang sagot ng batang babae sa kanyang kapatid. “Kung sinunod ko lamang sina nanay at tatay di sana sila napahamak.” naiiyak na saad ng batang babae. “Kaya Buboy kung mabibigyan lamang ulit tayo ng pagkakataon ay di ko na ito sasayangin, mag-aaral na akong mabuti at susundin ko palagi ang utos nina nanay at tatay para sa ikabubuti ko. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako marunong magbasa dahil mas inuna ko pa ang maglaro at magbulakbol.” malungkot na sabi ng batang babae.

Kakaibang lungkot ang naramdaman ni Buboy habang nakikita niya na naghihirap ang dalawang batang magkapatid. Hahakbang na sana siya nang magpakita ang ibong puti, hudyat na para siya ay umalis sa silid na iyon. Paglabas niya sa ikalawang silid ay di pa din maiwasan ang lungkot na nararamdaman niya. Iniisip niya na paano kung sila ng ate niya ang nasa ganoong kalagayan. Oras na para pumili ng huling pintuan na kanyang papasukin.

Lalapit na sana siya sa huling pintuang napili nang biglang lumitaw si Hiraya. “Buboy, ito na ang huling pintuan na iyong papasukin pagkatapos ng silid na iyan ay kailangan mong pumili ng isa mula sa tatlong pintuan na iyong pinasok.” paalala ni Hiraya kay Buboy. “Mawalang-galang na po Hiraya, maaari po bang ‘di na ako pumasok sa ikatlong pintuan? Sa mga nasaksihan ko po na maaaring mangyari sa akin at sa aming buhay alam ko na po ang aking nararapat gawin. ‘Di ko na po susuwayin ang utos ng aking ina, di na din po ako maglalaro at tatakas sa pag-aaral. Mag-aaral na po akong bumasa.” maluha-luhang pakiusap ni Buboy kay Hiraya. Ngumiti si Hiraya at biglang bumukas ang isang pintuan at bumungad ang isang di pangkaraniwang liwanag. Biglang hinigop nito si Buboy. Sumigaw ng malakas si Buboy at nagpaikot-ikot siya sa loob ng silid ng pintong iyon.

“Buboy! Buboy! Gising! Gumising ka! Nananaginip ka.” tawag ni Beth habang tinatapik ang balikat ni Buboy. “Ate!” sigaw ni Buboy at niyakap nang mahigpit ang kanyang ate. “Akala ko ay ‘di na ako makakauwi ate!” iyak ni Buboy. “Pangako ate, di na ako tatamaring mag-aral, lagi na akong susunod sa inyo ni nanay. Mag-aaral na akong mabuti. Magbabasa na ako palagi.” mahabang wika ni Buboy habang nakayakap sa kanyang ate. “Mukhang maganda ang iyong panaginip Buboy.” nakangiting wika ni Beth. Alam ni Beth na nakilala ni Buboy si Hiraya kaya masaya siyang may natutunang aral ang kanyang kapatid. Sinulyapan ni Beth ang kanyang aklat at umusal ng isang pasasalamat.

Pagkalipas ng ilang buwan ay magaling na magbasa si Buboy. ‘Di na siya tumatakas sa pag-aaral. Isa na din siya sa mga batang tumutulong sa iba pang bata na nahihirapang magbasa. Napatunayan na din ni Buboy na kapag marunong kang magbasa tunay na nakararating ka sa iba’t ibang lugar na di mo pa nakikita.

Kasanayang Pampagkatuto:

GMRC 4

1. Naisasabuhay ang pagpapahalaga sa sarili sa pamamagitan ng pagbibigay-halaga sa mga sariling kakayahan na wala sa ibang nilalang (hal. kakayahang magpasiya, umunawa ng damdamin ng iba)

a. Nailalarawan ang mga katangian ng tao na nagpapabukod-tangi sa kaniya sa ibang nilalang

b. Naipaliliwanag na ang sariling kakayahang mag-isip at magmahal na natatangi sa tao ay magagamit niya upang mapabuti ang kaniyang mga gawi at pakikipagugnayan sa kapuwa

c. Nakapag-aangkop ng mga kilos na nagpapakita ng kakayahang mag-isip at magmahal ng tao bilang bahagi ng kaniyang pagkabukod-tangi