Wika mo, wika ko, sagisag nitong bayan,
Sa bawat sulok ng kapuluan ay may sari-saring pangalan.
Magkakaiba man ang wikang ating kinagisnan,
Iisa ang layunin, pagkakaisa ng sambayanan.
Noon pa man ay ito na ang ating kinamulatan,
Wikang sinambit sa lupang sinilangan.
Hanggang ngayon ay patuloy pinagyayaman,
Simbolo ng katatagan at dangal ng sambayanan.
Ang wika ng bayan ay dapat ikarangal,
Sandigan ng katotohanan at matibay na dangal.
Bawat araw, ating isapuso at ipaglaban,
Ang kahalagahan ng wikang tinuturan.
Huwag ikahiya, ang wikang kinamulatan,
Bahagi ito ng ating pagkatao at kasaysayan.
Hindi dapat hayaang yurakan ninuman,
Pagkat ito ang puso ng ating pagkamamamayan.
Kung minsan man tayo'y makalimot sa wikang inuusal,
Alalahanin natin ang aral ni Gat. Jose Rizal.
Na ang sariling wika'y, dapat mahalin nang tunay,
Sapagkat kaunlaran ng bayan, dito nakasalalay.
Kaya Wika nati’y, ipagmalaki sa mundong ibabaw,
Tangkilikin, mahalin at huwag bumitaw.
Ito ang naging susi sa pagbabago ng bayan,
At ilaw sa landas ng pagkakaisa ng mga mamamayan.
Magkapit-bisig at magkaisa, saan mang panig nitong daigdig,
Magkakaiba man ang wika at bukambibig.
Naging tinig at lakas naman ito ng lipunan,
Na naghahatid ng pag-asa sa bawat mamamayan.
Taas-noo, kahit kanino at ipagsigawan sa mundo,
Pilipino tayo, may wikang malaya, dangal at pagkatao.
Ang boses ng bayan ay wika ng pag-asa,
Na nagtataguyod ng hustisya, kapayapaan, at pagkakaisa.