Minsan pa’y sinubok ang dilag na marikit,
Tabak, sibat, at espada’y ni walang hapdi’t sakit,
Kung ‘di dahil sa salita na sukdol talim at pait,
walang sariling wika na atin ngayong ginagamit.
At dahil sa kanyang ganda’y nabighani silang lahat,
lamyos ng kanyang tinig, nakapapawi ng hirap,
bantayog sa dagat silangan, araw ay pinasisikat,
pumapayapa sa dapi’t hapon ng Kanlurang salat.
Sa dami nang nagnais na siya ay maangkin,
lenguahe ng panahong una ay muntik nang limutin,
kulturang kinagisnan ng mga tao at panauhin,
naging isa at nagpakulay sa wika ngayon natin.
Kung ‘di dahil sa magigiting nating mga ninuno,
nawalan ng pagkakakilanlan at boses na pupuno,
‘ni hindi masasabing, “Pilipino sa aking puso,”
isang bayang magiting, pinipintig ng mga pulso.
Kaya naman ang wikang ating tinatangkilik
samu’t saring kultura batid sa bawat titik,
pinagbuklod na tradisyon dito isiniksik,
disenyo ng kasuotang, tila namumutiktik.
Tunay na impluyensya ng relihiyon ang makikita,
Sa balangkas ng pangungusap malimit na dinidikta,
Flores de Mayo, Fiestang nayon, ‘di ba’t kay gaganda?
Pumipinta ng ngiti at tuwa sa mukha ng balana.
‘di ba’t wika rin ang pumawi ng uhaw
Sa lunggati ng bayang ‘di noon matanaw,
Isang sulong mas matindi pa sa sikat ng haring araw,
balisa at takot ng madla sinunog at tinunaw.
Wikang gamit ngayon sa mga sayaw at awit
wikang binubukal ng Pilipinas nating kaakitakit,
siyang dapat na panghalina at hindi manliit,
sa mga wikang banyaga na ating sinasambit.