Wikang Filipino kaloob sa atin nitong Manlilikha
Sinasambit natin mula sa pagsilang hanggang sa pagtanda
Taglay ang mayamang ugali ng Pinoy at dangal ng bansa
Kababanaagan nitong kalinangang sadya ngang biyaya.
Ang opo at oho kaysarap pakinggan tanda ng paggalang
Dagdag pa pagdamay, pakikipagkapwa’t itong bayanihan
Matimyas na himig ng mabining awit nito ngang kundiman
Ay nagpapahayag ng ating ugaling puro at dalisay.
Sa pakikibaka ng mga bayani nating magigiting
Ginamit ang wika upang mailantad itong panunupil
Ng mga banyagang sadyang mapanlupig saka mapaniil
Ang wikang Tagalog ginawang kalasag at panlaban man din.
Ang maalab nating pagmamalasakit saka pagmamahal
Sa ating pamilya maging sa’ting kapwa kahit banyaga man
Sa oras ng unos, mga kalamidad mapatutunayan
Pagdamay ng Pinoy na mula sa puso ay maaasahan.
Kaya nga’t ang Pinoy kahit saang lugar at sulok ng mundo
Kilala sa sipag, sa husay at galing ay di patatalo
Magalang ang kilos at pagtatrabaho ay displinado
Para sa pamilya ay gagawin lahat magsasakripisyo.
Puto bumbong, suman, kalamay, palitaw, espasol, kutsinta
Kakambal na nitong mga pagdiriwang dito sa’ting bansa
Sa mga festival ay naitatampok produktong ginawa
Na pinag-ugatan ating kalinangan na mayamang sadya.
Napatunayan din na ang wika natin sa’ti’y nagbubuklod
Upang ating bansa’y makamit ang laya handa ngang sumugod
Para mawakasan ang mga tiwali’t hindi naglilingkod
Ay nagkakaisa sa payapang daan ng solidong kilos.
Wikang Filipino ating tangkilikin at laging itanghal
Sapagkat biyaya, susi sa pag-unlad, pagkakakilanlan
Nito ngang mayaman na kaugalian at kabayanihan
Dangal ng kulturang taglay nitong lahing hindi mapaparam.