Ipinagmamalaki ko ang wikang Filipino
Tunay na kayamanan nating mga Pilipino
Salamin sa napakayamang kultura ng ating bansa
Repleksiyon sa ‘ting pagkakakilanlang kahanga-hanga
Mga salita at dayalekto nati’y iba-iba man
Wikang Filipino’y susi sa ‘ting pagkakaintindihan
Tiyak nga itong kasangkapan sa komunikasyon
Dulot nito’y pagkakaisa ng ating nasyon
Di matatawaran angkin nitong kadakilaan
Noon, ngayon at magpakailanpaman
Minumulat ating mga mata sa ating kasaysayan at pinagmulan
Tila di malilimutang pamana ng mga ninuno sa sangkatauhan
Makulay na kultura, tradisyo’t paniniwala
Sa pang-araw-araw na pamumuhay nati’y makikita
Natatanging sining at panitikan, tula, kwento, dula o kanta man
Patunay sa yaman ng ‘ting imahinasyon, damdami’t karanasan bilang isang bayan
Mahal kung Wikang Filipino, ika’y biyayang tunay
Mahikang dulot mo ay sadyang walang kapantay
Ika’y nagsisilbing aming ilaw at lakas
Na aming gabay tungo sa tuwid na landas
Sa pag-usbong ng bagong henerasyon
Wikang Filipino’y sumasabay sa modernisasyon
Patuloy na nagbabago’t yumayaman
Umaangkop sa pag-unlad ng teknolohiya’t lipunan
Kaya taas noo kong ipagsisigawan sa buong mundo
Wikang Filipino, yaman ng sambayanang Pilipino
Ibabandera’t iwawagayway ating bandila
Lubos na iingatan mahal kong lahi at wika
At sa tulang ito ang aking huling habilin
Wikang Filipino ating buong pusong mahalin
Palaging gamitin sa pagkikipagtalastasan natin
Pahalagahang mabuti’t mas pag-aralan pa natin.