Return to site

WIKANG FILIPINO: BIGKIS NG KULTURA NG LAHING TAGALOG

ni: JAY-AR S. BUGAYONG

Ang wikang aking kinagisnan -

buslo ng mga mithiing nakahilig

sa dibdib ng itinatanging kamahalan;

hitik sa iba't ibang kulturang

iniluwal ng mga dayong lipi,

bagaman sa pagkakaiba'y natutong magkabuklud-buklod

sa anyo't hugis ng piling abaka,

kapag binigkis ay napag-iisa,

ang pinagmulan ng lahing Tagalog -

ang wikang Filipino…

at nahan sa bawat pulso ng ating mga ugat.

 

Wangis ito ng mga aning nakayuko sa pamimitak ng araw

at sa kalinga ng inang kalikasan'y walang atubiling bumabati;

masasalamin mandin sa silahis

ang mga biyayang natatamo't lubos na pagpapasalamat

sa Itaas ang palagiang iniuusal.

 

Higit pitong libong mga isla't

labis sa sandaang diyalekto,

sa sinapupunan ng tatlong pangunahing pulo'y matatalastas

ang paghinga at pagdighay ng bawat diwa

sa bisa ng wikang Filipinong haligi ng lahing Tagalog,

sa dipa ng karagatan ay matatarok

ang tugatog ng hangarin ng isang paslit

na hindi nangiming mangarap sa braso ng kawalang-hangganan.

 

May saliw ang kumpas ng hanging

patuloy na nagwawagayway sa watawat,

tangan ang pakikipagkapwa, pagkamapitagan

at giliw sa pagtanggap ng panauhin,

kultura ng kabutihang-asal sa habang panahon

na nagtaguyod sa lahing kayumanggi.