Kung ating gugunitain kahapong nagdaan,
Ang wikang Filipino noo’y gamit na ng ‘ting kanununuan;
Mula pa sa panahon ng rebolusyon o himagsikan
Mga aklat, pahayagan at iba pang babasahin nalimbag ng lubusan
Itong “Liwanag at Dilim” na akda ni Emilio Jacinto
“Sa Aking Mga Kabata” ni Gat. Jose Rizal na matalino;
“Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio,
Naipamahagi, nasumpungan at binasa ng Lahing Pilipino.
At sa pagbabasa nag-ugat iring silakbo,
Napukaw, nagising natutulog na damdaming Pilipino;
Sila’y pawang nagkaisang humingi ng pagbabago,
Sa katiwaliang pamamalakad ng mga Kastilang dayo
At sa malawakang Rebolusyong naganap,
Nagbuwis ng buhay mga Propagandistang tanyag;
Mahigpit na inusig mga dayuhang sutil at sukab
Sa lunggating ipagtanggol ang naamis na bayang liyag
Walang pasubali ang Wikang rebolusyon
Ay ginagamit sa kasalukuyang panahon
Mayamang wika natin umunlad, sumusulong at yumayabong
Simbolo at anino ng pagkakakilanlan ng lahi nagbubuklod sa atin noon at ngayon
Kaya nararapat lamang na itaguyod at gamitin ninuman
Itong Wikang Filipino-isang mabisang kasangkapan
Sa pag-angat at pagsulong ng bansa kong minamahal
Na nagsasarili na, mapayapa at may Kasarinlan