Return to site

ANG ANYO NG PANGARAP

ni: JERRYMAY QUIBRANTOS CARGAMENTO, MAEd

· Volume V Issue I

Sa isang liblib at bulubunduking lugar sa Gitnang Luzon ay matatagpuan ang isang tribo ng mga Abelling. Sila ay mayroong tahimik, payak na pamumuhay. Hitik na hitik ang kanilang lugar sa likas na yaman dahil sa kanilang pagmamahal pangangalagang ibinibigay sa kanilang mala-paraisong lugar. Likas rin sa kanila ang katangiang pagtutulungan, respeto sa kapwa, sa mga nakakatanda, at pagpapasalamat sa Maykapal sa biyaya ng langit at biyaya ng kalikasan. Kabilang sa tribo si Rosario, ang batang may mataas na pangarap. Siya ay isang batang nagsusumikap sa pag-aaral at handang tumulong sa mga magulang. Siya ay nasa ika-anim na baitang at panganay sa dalawa pa niyang mga kapatid na sina Rigor at Melor.

Gaya ng mga nakagisnang umaga, maagang bumabangon si Rosario upang tulungan ang kaniyang ina sa paghahanda ng almusal bago pumasok sa eskwela. Pagkatapos nilang kumain ay nagmano na ang tatlong magkakapatid at nagtungo na sa eskwela. May kalayuan ang eskwelahan mula sa kanilang tinitirahang tribo at kailangan nilang bagtasin ang isang ilog bago marating ang paaralan, ngunit magiliw pa rin ang tatlong magkakapatid sa pagpasok sa paaralan. Masayang tumatawid ng ilog sina Rosario, Grigor, at Melor. “Oh, mag-ingat kayong dalawa sa pagtawid, Rigor at Melor, dahan-dahan lang sa paglakad baka kayo ay mahulog” ang wika ng nakakatandang kapatid na si Rosario. “Opo, ate Rosario, kailangan nating mag-ingat. Hindi ba’t may pangarap pa tayo?” pabirong tugon ni Melor. “Ano bang pangarap mo Melor?” sambit ni Rigor. “Ako, pangarap kong kumain sa isang restorant, gusto kong makatikim ng fried chicken at spaghetti, gaya nang kinain natin noong may nagbigay ng pagkain sa eskwelahan.” Magiliw na sagot ng batang si Melor. “Ako naman, pangarap kong magkaroon ng magandang damit at aparador, para hindi na nakalagay sa karton ang mga damit natin.” Mabilis na mang tugon ni Rigor, at nagtawanan ang mga magkakapatid mula sa kanilang mga pangarap. “Ikaw ate, ano naman ang iyong pangarap?” tanong ni Melor sa kanilang ate Rosario. Tumingin si Rosario at nakita ang kaniyang repleksyon sa tubig, nakita niya ang sarili sa kaniyang pangarap. “Ako, pangarap kong maging isang doktor, para pag nagkakasakit si nanay at ang mga taga tribu ay mayroong titingin at gagamot sa kanila.” Tugon ni Rosario sa tanong ng kapatid. Muli silang nagtawanang magkakapatid at nagpatuloy ang kanilang kwentuhan sa daan. Hindi na nga namalayan ng tatlong magkakapatid na nakarating na sila sa kanilang paaralan.

Natapos ang buong araw sa paaralan at hapon na ng makauwi ang tatlong magkakapatid, dali-dali silang lumapit sa ina para mag mano. Pagkatapos ay kinuha ni Rosario ang bilao para tulungan ang ina sa pagbabayo ng palay. Habang abala si Rosario ay tinanong siya ng kanilang ina na si Aleng Delya kung maaari munang tumigil si Rosario sa pag-aaral pagkatapos ng elementarya. Natigilan si Rosario sa kaniyang ginagawa dahil sa sinabi ng ina. “Baka kasi mahirapan kana sa pag-aaral ng high school dahil sa layo ng paaralan at baka di mo kayanin ang panunukso sayo ng kulot at maitim ng mga taga nayon. Isa pa, baka hindi natin kayanin ang gastusin kapag nag-aral kana ng high school.” Muling sambit ng ina. “Pero sayang naman po inay kung titigil ako. Gusto ko po kasing makapagtapos ng pag-aaral”, malungkot na tugon ni Rosario sa kanyang ina.

Nang malapit ng makatapos sa Elementarya si Rosario ay biglang nagkaroon ng napakalubhang sakit ang kaniyang ina. Kinakailangang matingnan ng doktor ang ina ngunit wala silang pera pampagamot. Kinakailangan ding lumiban ni Rosario sa klase para alagaan ang kanyang ina, lalo pang nag-alab ang kagustuhan ni Rosario na maging isang doktor upang maalagaan ng husto ang ina. Ngunit pagkalipas ng tatlong araw, pumanaw si Aling Delya. Labis na nagdalamhati ang pamilya ni Rosario mula sa pagpanaw ng kanilang ina. Agad-agad namang bumuhos ang pakikiramay at tulong mula sa mga katribo. Sa unang araw ng burol ni Aling Delya, dumalaw ang pinuno ng tribu at pinaabot ang pakikiramay sa pamilya nila Rosario.

Dahil sa maagang pagpanaw din ng ama ni Rosario, tanging ang lola na lamang ang naiwan para umagapay sa kanila. Sa huling araw ng burol ng kaniyang ina napaisip si Rosario “Paano na ang aking pangarap? Paano na makakain si Melor sa isang restorant? Paano na ang pangarap na damit at aparador ni Rigor?” labis ang pag iyak ni Rosario hanggang sa ito’y makatulog. Kinabukasan ay libing na ng kanyang ina, masakit man para kay Rosario na namatay ang kaniyang ina ngunit wala ng magagawa si Rosario dahil hanggang doon nalang ang buhay na kinaya niya.

Sa kabila ng lahat natutong tumayo si Rosario sa sarili niyang mga paa. Namasukan siya bilang kasambahay sa isang mayamang pamilya kapalit ng pagpapaaral nila sa kanya sa high school at tulong na bigas para sa kaniyang mga kapatid. Nagsikap si Rosario na makatapos ng high school sa tulong nadin ng mayamang pamilya at ng kaniyang mga katribu. Hindi naging madali para kay Rosario na matapos ang sekondarya mula sa mga diskriminasyon dahil sa kaniyang kulay, buhok, at tribong kinabibilangan. Bagamat, naging matapang si Rosario mula sa mga diskriminasyon, pangungutya, at hirap ng pag-aaral at pagtatrabaho bilang kasambahay, nagtapos siya ng secondarya at nakatanggap ng pangatlong pinakamataas na karangalan. Nabalitaan ito ng kaniyang mga katribu at lubos nila itong ikinagalak.

Ipinagpatuloy ni Rosario ang kanyang pangarap na maging isang doktor. Sa tulong na din ng kaniyang amo at ng kaniyang mga katribu, kumuha siya ng kursong nars. Muling pinag sabay ni Rosario ang pagtatrabaho at pag-aaral ng kolehiyo. Sa unang araw ng eskwela, panay ang tingin ng lahat sa kaniya. Tinuturing siyang kakaiba dahil sa kaniyang kulot na buhok at kayumangging balat. Iba’t ibang klase ng pagtanggap ang naranasan ni Rosario, may mga natutuwa at mayroon ding mga nangungutya.

Bagamat, hindi ito hinayaan ni Rosario na maging hadlang sa kaniyang pag-aaral. Inspirasyon niya ang kaniyang dalawang kapatid, ang kanilang mga pangarap at ang tulong ng kaniyang mga ka tribu. Isang araw, umiiyak siya habang naglalakad sa Hallway ng kaniyang paaralan, nahulog niya ang kanyang libro at tinulungan siya ni Ella, ang kaniyang naging pinaka-matalik na kaibigan. “Bakit ka pala umiiyak”? tanong ni Ella kay Rosario. “Bakit kailangan kasing kutyain ang kulay ko, pinagmulan ko, may mali ba sa akin?” malamyang sagot ni Rosario. “Walang mali sa iyo, lahat tayo’y may kaniya -kaniyang taglay na ganda, kultura, at tradisyon. At hindi nababatay sa itsura ng tao ang kaniyang halaga. Isipin mo ang pangarap mo at ang mga taong mahalaga sayo.” Mahinhin na pagsasalita ni Ella para patahanin si Rosario. Maraming araw ang nakalipas at hindi na iniinda ni Rosario kung ano man ang mga sinasabing pangungutya ng iba sa kaniya. Dahil para sa kaniya mas mahalaga ang kaniyang pangarap at ang inspirasyong ibinibigay niya sa kaniyang mga ka tribo. Hindi niya nalang pinansin ang mga ito at nagpatuloy na lamang sa kaniyang pag-aaral hanggang marating na niya ang huling taon ng kaniyang kolehiyo. Ilang araw bago ang kanilang graduation, nagkaroon ng napakalaking problema si Rosario sa kanyang isusuot. Kulang ang kaniyang naipong pera pambili ng kaniyang isusuot, nalaman ito ng kanyang kapwa katutubo at tinulungan nila si Rosario para makabili ng isusuot. Muling bumuhos ang luha ni Rosario sa galak dahil sa suportang natatanggap. Muling naantig ang puso ni Rosario sa tulong na ibinigay ng kaniyang mga ka-tribo. Kaya naman bilang pagmamalaki sa kaniyang tribo at kinagisnang kultura, isinuot niya ang kasuotang pambabae ng kanilang tribo upang ipakita ang kanilang mayabong at magandang kultura. Mabilis na kumalat ang balitang ito sa kanilang tribo. Labis na naantig ang kaniyang mga katribo sa pagmamalaki ni Rosario ng kanilang kasuotan. Kaya naman, dali-daling nagbihis ang marami sa kanilang tribo at nagbihis ng kanilang kasuotan at dumalo sa graduation ni Rosario. Namangha ang mga taong nakakita sa kanilang kasuotan dahil sumasalamin ito sa kanilang mayabong na kultura.

Pagkauwi nina Rosario sa kanilang tribo, isang piging ang inihanda ng mga tao para sa kaniya. Dahil ang tagumpay ng kanilang ka-tribo ay tagumpay ng buong tribo.

Samantala, nagkaroon ng pagkakataong makapag trabaho si Rosario sa isang Ospital pagkatapos nitong magtapos bilang isang nars. Mula sa kaniyang kita sa pagtatrabaho bilang isang nars, nasustentuhan niya ang pag aaral ng kaniyang dalawang kapatid na nahinto hanggang makapagtapos siya sa kolehiyo. Naging inspirasyon din si Rosario na makapagtapos ng pag-aaral at naging daan ito upang ipagpatuloy ng kaniyang mga katribo ang kanilang pag-aaral hanggang kolehiyo. Hindi din nakalimot si Rosario sa kaniyang mga ka-tribo. Siya ay malimit na mag organisa ng mga medical mission sa kanilang lugar sa tulong ng mga doktor at kasamahang nars sa pinagtatrabahuhang ospital. Dito muling nabuhay ang pangarap ni Rosario na maging isang ganap na doktor para sa kaniyang mga ka-tribo.

Ipinagpatuloy ni Rosario ang pangarap na maging isang doktor. Nag-aral siya ng medisina, at pagkalipas ng ilang taon ay naging ganap nga siyang isang doktor. Ngayon, nakakain na ni Melor ang pangarap niyang pagkain na fried chicken at spaghetti. Samantala, si Rigor naman ay nakakapag suot na ng magagarang damit. Higit sa lahat, siya na ang nangunguna sa mga medical mission sa kanilang tribo.

Malaki ang naiambag ng mga tao sa paligid ni Rosario para siya ay maging matagumpay sa buhay. Kaya naman, tinupad niya ang kaniyang pangarap na makatulong sa kaniyang mga katribu mula sa isang maliit na klinika na kaniyang ipinatayo sa kanilang tribo. Pinili ni Rosario na magsilbi sa kaniyang mga ka-tribo dahil ito ang dahilan kung bakit siya nangarap na maging isang doktor. Handog ng kaniyang munting klinika ang libreng gamot at kunsulta na hindi natanggap ng kanilang ina noong siya ay nagkaroon ng malubhang karamdaman. Muling binalikan ni Rosario ang ilog kung saan siya unang nangarap. Tiningan niya ang kaniyang sarili mula sa kaniyang repleksyon sa tubig, Nakita niya ang batang Rosario at ang anyo ng kaniyang pangarap, pangarap na magsilbi sa kanyang kapwa.

-W A K A S-