Return to site

TIYEMPO AT TEMPO

ni: MARY GRACE B. MEDINA

Alas kwatro pa lang ng madaling araw, tumunog na ang alarm... Gising na si Ma’am Laida.

Tahimik pa ang buong kabahayan, ang kalsada’y tila natutulog pa, ngunit abala na siya sa kusina—parang sundalong may takdang misyon sa bawat umaga. Nagluto ng itlog, nagsaing sa rice cooker, at habang hinihintay na maluto ang sinaing, sinabayan niya ito ng pagtimpla nang kanyang kape. Mainit, mapait, pero nagbibigay lakas. Ang bawat lagok ay tila paalala na bawal siyang mapagod dahil may panibagong araw na kailangan niyang harapin, may mga batang kailangan niyang alagaan at may mundong kailangan niyang turuan.

Luto na ang sinaing, maingat niyang binalot ang baon ng kanyang anak na si Psy. Apat na taon na niya itong ginagawa, mula nang magsimula sa elementarya ang anak. Isang ina sa umaga, isang guro sa maghapon, at madalas, isang tahimik na umiiyak na bayani sa gabi. Hindi siya humihinto. Walang reklamo. Kasi sa kanyang mundo, ang pagmamahal ay hindi sinusukat sa pahinga kundi sa pag-aalaga.

Habang pinaplastik ang sandwich ni Psy, sumulyap siya sa orasan. Alas-singko na. At parang may kakaibang lambing ang pagkislot ng mga kamay ng relo—parang sinasabing, “Sige lang, Ma’am Laida, tuloy lang.” Ang ikot ng orasa’y tila paalala ng daloy ng buhay, na kahit gaano man tayo mapagod, patuloy lang ang takbo. Ang bawat tiktak ay gaya ng bawat hakbang sa buhay—paulit-ulit, pero dapat may direksyon, may layunin.

Oops, teka kailangan na din niyang maghanda. Naligo at dali-daling isinuot ang kanyang uniporme—blusa at palda, unipormeng guro na tila pangalawang balat na niya.

Samantala, si Psy ay kasalukuyang nagsusuklay na sa harap ng salamin. “Ma, ihahatid mo po ako?” tanong ng bata, gaya ng nakagawian. May pag-asang nakapaloob sa tanong, kahit alam ang sagot.

Ngumiti si Ma’am Laida, pero may kirot sa mata. “Anak, maaga ang flag ceremony namin. Bilisan mo na jan at ihahatid ka na ni Daddy mo para pagkatapos mo ay ako naman ang ihahatid niya. Alam mo namang hindi ako pwedeng ma-late, anak.”

Tumango lang si Psy. Sanay na. Hindi na muling nagtanong. Ngunit hindi rin maikakaila ang lungkot sa kanyang mata.

Sa paaralan, si Ma’am Laida ang tipo ng gurong walang reklamo. Kahit napakarami niyang gampanin. Siya palaging kinakausap kapag may mga kailangang ipagawa o sira sa paaralan na kailangang ipaayos (gripo, CR na barado o puno na ipapapputol o kahit kuryenteng ayaw dumaloy o basta na lang nangamoy), siya ang tatawag at kakausap sa opisyales ng SPTA, siya ang kinakailangan kapag may usapin ang kapwa guro (siya kase ang Pangulo ng Faculty). Walang araw na walang abala sa kanyang klase o kaya ay oras na dapat ng pamamahinga niya (vacant time).

Halos taon-taon na din siyang inilipat ng silid-aralan. Pagkakapaayos niya at ika nga ay pagkakapaganda, asahan mong mapapalipat at mapapaassign siya sa iba. Iimik lang ng kaunti ngunit tatalima din naman kapagkaraka. Nariyang mapunta na naman siya sa sira ang bintana o panara ng pinto o kaya ay don sa walang electric fan,gagawan niya yan ng paraan. Ayos lang palagi sa kanya. Ika eh, hayaan mo na. Gagawan na lang ng alam. Tuloy lang ang buhay. Deretso lang kasama ang pusong may malasakit at ngiti lang kahit pakiramdam niya nakalaan na lang palagi ang oras niya sa pagpapalipat lipat at pagpapalit-palit.

Tinatawag siyang “Ilaw ng silid-aralan” ng mga estudyante—dahil kahit pagod, laging may ngiti,masaya palagi ang klase kay Maam Laida, laging may bagong paraan ng pagtuturo, laging handang makinig at maghatid ng aral sa klase sa Filipino- palagi ay may bagong panitikan, may bagong kwento at may sarili siyang irerelate na pangyayari sa kwento, hanggang sa halos ay maubos na at kulangin ang oras sa klase niya. Okay lang. Aaabangan ng mga bata ang kasunod ng kanyang istorya kinabukasan.

Pero sa bawat araw na ibinubuhos niya para sa kanyang mga estudyante, may isang batang tila unti-unting nababakante sa likod ng kanyang sakripisyo—ang sariling anak. Madalas, sa tuwing may assignment si Psy, si Ma’am Laida ay nasa harap ng kanyang laptop at nagawa ng report o kaya ay lesson plan. Sa tuwing may project ang anak, siya nama’y nasa meeting o nagche-check ng test papers o dili kaya ay nakaharap sa laptop at may kailangang tapusing gawain. Hindi niya matulungan si Psy gaya ng pag-aalaga niya sa kanyang mga estudyante.

Isang gabi, nadatnan niyang nakatulog si Psy sa mesa, bukas pa ang notebook. May maliit na sulat: "Ma, okay lang na hindi mo ako natuturuan. Naiintindihan ko, kasi alam kong marami ka pang tinutulungan at kailangang turuang mga bata. Pero sana minsan, tayo naman ang magka-homework."

Nanahimik si Ma’am Laida. Hindi niya napigilang mapaupo sa tabi ng anak, yakapin ito, at sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, humagulgol at di niya napigilan ang luhang nag-uunahang pumatak sa kanyang mga mata. Hindi dahil sa pagod—sanay siya roon—kundi dahil sa guilt na pilit niyang itinatago. Nakapabigat ng kanyang dibdib. Napakasakit para sa kanya na hindi niya mapag-ukulan ng oras at matulungan ang anak.

Kinabukasan… maaga siyang gumising—mas maaga pa kaysa dati. Naghanda pa rin ng baon, nagsuot pa rin ng blusa at palda. Ngunit bago siya umalis, ginising niya si Psy. “Anak,” sabi niya, “Mamayang gabi, wala si Ma’am Laida. Si Mama lang. Lalabas tayo at kakain kung saan mo gusto.Susulitin natin ang oras.”

Ngumiti si Psy—malawak, totoo, at payapa.

Yumakap siya sa Mama niya ng mahigpit at sa sandaling iyon, hindi matatawaran ang saya ng kanyang puso. Hindi mapapantayan ang bilis ng tibok ng dibdib niya- sobrang saya at excited niya para sa paglipas ng maghapon upang mamayang gabi ay pagkakataong ukol para sa kanilang mag-Mama. Kung pwede lang hilahin ang kamay ng orasan upang masulit na niya ang moment nilang mag-anak- nilang magnanay…