Sa pagsikat ng araw sa silangang dako,
Tinig ng bayan ang naririnig ko.
Magsasaka't mangingisda pagod ang bisig,
Sa bansang malaya, iisa ang tinig.
Sa lupang puno ng likas na yaman,
Bakit hindi mapuno ang hapag kainan?
Mga ginto at perang nakukuha,
Diba sa kalikasan nagmumula?
Mga magsasakang sa lupa ay nagbubungkal,
Luha ang dilig sa pananim na bansot at matagal.
Mga mangingisdang sa alon nakikipagsapalaran,
Pagod at init ang kalaban.
Kabataang may bitbit na pangarap at ningning,
Matututo ba nang maayos sa gitna ng mga daing?
Sa gitna ng yaman, may sugat na malalim,
Isang bayang nagnanais makaahon sa dilim.
Hustisya ang sigaw sa bawat kanto at kalsada,
Hustisya para sa mga taong ambag ay pawis, dugo at luha.
Mga pangakong binitawan, sino nga ba ang dapat unang inaalala?
Sila ba na nasa itaas, o silang mga tinuruting na hampas lupa?
Tayo ang tinig ng kahapon at ngayon,
Solo sa dilim na nagbabagong panahon.
Sapagkat ang bayan ay hindi sa iilan,
Kundi sa milyung-milyong pusong may paninindigan.
Kaya't iparinig ang tinig huwag matatakot,
Ipabatid ang katotohanang dapat isagot.
Sa pagkakaisa at tapat na pagkilos,
Pag-asa ng bayan, muling aagos.
Habang ang araw ay muling sumisikat,
Ang paninindigan ay mananatiling tapat.
Sapagkat ang wikang ating pinagyayaman,
Ay ang mismung kaluluwa ng ating bayan.