Bago pa sumikat sa Silangan ang araw na pang-umaga,
May malagom na tinig nang gumigising sa pag-asa.
Hindi sa laki at lakas nasusukat ang tibay ng isang bayan,
Kundi sa mga pusong marunong magmahal at makipaglaban.
Ang wika ay likmuan ng mga hindi napapawing alaala,
At nagsisilbing ilaw ng mga pangarap at kinabukasan.
Sa bawat salitang nulas na may angking katapatan,
May bukas na muling sumisilay, hatid ay bagong umaga.
Ang katarungan ay hindi kusang dumaratal lamang,
Na para lang hanging dagling dumadapyo at dumaraan.
Ito ay tila bulaklak na unti-unting namumukadkad,
Sa pusong mapagmalasakit at hindi mapaghangad.
May mga tinig na impit na nananatiling tahimik lamang,
Ngunit may kakayahan itong baguhin ang panahon.
Hindi sumisigaw ang puso na may taglay na kabutihan,
Bagama’t umaalingawngaw habambuhay sa dako pa roon.
Ang pagkakaisa’y hindi nangangahulugan ng pagkakatulad,
Kundi paggalang at pagpapakita ng pagmamahal sa bawat isa.
Magkakaiba man tayo sa ating mga hakbang at guhit ng palad,
Ngunit iisa pa rin ang ating landas at tinutungo ay pagkakaisa.
Ang sugatan, kapag ating inakay at iginaya sa papag ng pag-asa,
Lumalakas siya, pati na ang buong sambayanan na inaaniban niya.
Kapag ang mahina naman ang ating pinagtulungang itinayo,
Lalong tumitibay ang bayan, lahat na nga ay nagiging makatao.
Kaya ating wika ay ating pagyamanin at hayaang pumailanlang,
Upang maging tulay ng walang kamatayang pag-asa.
Sapagkat sa bawat salitang napupuno ng buti at dangal,
May mga pusong sugatang muling nabubuhay at nagiging malaya.
At kung tayo man ay aalalahanin, at hindi mababaon sa limot,
Nawa, yun ay dahil sa ating mga mabubuting ginagawa hindi lisya.
Ang pagsasabuhay ng mga aral na turo ng banal at mabuting Bathala.
Ito ang tunay na wika, patas at may pagkakaisa, ni walang pag-iimbot!