Return to site

SUNTOK NG PANGARAP

RIO MERINA APOLINAR-TUBICE

Tagodtod National High School

Ang tunog ng lumang punching bag ang nagsisilbing tibok ng puso ni Rolando, tuwing hapon ng Biyernes hanggang Linggo, pagkagaling sa paaralan ay nagtutungo siya sa Dolores upang mag-ensayo kasama ang kanyang coach at kapwa batang boksingero. Sa gitna ng bukid doon nagsimula ang pangarap ng batang atleta. Sa edad na labing-lima, ang bawat patak ng kanyang pawis ay may bigat ng isang pangarap: ang maiahon ang kanyang pamilya, lalo ang kanyang ama mula sa karukhaan sa pamamagitan ng boksing. Sa kabila ng kakulangan sa buhay, kung saan ang mga simpleng bagay ay karangyaan na, hindi kailanman naging maramot ang kanyang ama sa pagsuporta sa kanyang hilig kahit pa labag ito sa kanyang kalooban noong una.

Nang mabalitaan ni Rolando ang isang malaking amateur tournament, batid niyang malaking sugal ito para sa kanila. Ang registration fee, mouthpiece, hand wraps, bagong gloves, at sapatos ay katumbas na ng pagkain nila sa loob ng isang linggo. Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, isang mahigpit na tapik sa balikat ang isinagot ng kanyang ama. Walang salita, ngunit sa mga mata ng kanyang ama ay naroon ang pangakong gagawin nito ang lahat.

Nagdoble-kayod ang matanda sa paghahanap-buhay upang maibigay ang pangarap ng anak—ang kanyang tahimik na laban bilang ama.

Dalawang araw bago ang laban, nakalatag na sa hapag ang sapat na halaga at isang pares ng pulang gloves at bagong sapatos. Nang makita ni Rolando ang mga bagong paltos at sugat sa kamay ng ama, doon niya napagtanto na ang bawat laban niya ay laban din ng magulang na handang maubos para sa kanya.

Sa araw ng paligsahan, ang pinakahihintay na pagkakataon, ang unang tapak sa ring, ang unang laban ni Rolando. Humantong si Rolando sa huling round na nabugbog ng kalaban, may pasa-pasa ang mukha, at halos gumuho na ang katawan sa pagod. Ngunit sa labas ng ring, nakatayo ang kanyang ama— maaaninag ang kaba, basang-basa ng pawis, sumisigaw, at may buong tiwalang nakatitig sa kanya. Sa sandaling iyon, ang sakit ay napalitan ng lakas. Hindi na lang sariling bisig at kamao ang gamit ng binata, kundi ang buong buhay ng sakripisyo ng kanyang ama. Sa isang huling binuwelong kanang direktang suntok—ang suntok ng kanilang pangarap—ay pinabagsak niya ang kalaban, patunay na ang pagmamahal ng magulang ang pinakamabisang lakas laban sa kahirapan.