Bata pa si Hiyas ay bantad na sa kanyang isipan ang hatid na kagalakan ng “Pahiyas” sa Lucban, Quezon. Kaabang-abang ang mga palawit sa dingding, sulok, ventinilla at kanto ng mga bahay sampu ng nga poste at iskinita sa naturang lugar. Makukulay na palamuti tingkad marahil dahil sa ito ay gawa sa binayong bigas. Nag-uumapaw sa galak ang mamamayan ng Quezon. Ulo ng saya sa kanila si Hiyas dahil ang pagdiriwang na yaon ang pumapawi sa imbi na kanyang nararamdaman. Para sa kanya dal ana marahil ng pagkahumaling niya sa patimpalak na Diyosa ng Pahiyas. Sa anuma’t anggulong tingin ay isang suntok sa buwan ang maging isa sa kalahok sapagkat bukod sa nanlilimahid na grasa at putik sa kanyang katawan, pumapaimbabaw pa ang sulasok ng basura sa kanya.
Uminog ang mundo bumulas si Hiyas. Ang balingkinitang taglay ay angas para sa alindog ng isang diwata o diyosa. Maging si Venus ang diyosa ng kagandahan ay taob sa anyo ng mukha ni Hiyas. Yaong kababaang loob na latay sa katauhan ni Hiyas ay siphayo ng bukas palad na pantasya ng mga kalalakihang hanap ay mapagkandiling ilaw ng tahanan na nais nila sa pagbuo ng pamilya. Matiyaga, henyo, makamasa at may takot sa diyos si Hiyas. Ano pa ang kasalatang pinipinto ng mata ng pamantayang panlipunan sa pagiging “Diyosa ng Pahiyas?”
Haysst……hinapis ni Hiyas ang kanyang mukha upang mahimasmasan ang sarili sa kamalayang ang pagiging isang kandidata sa naturang patimpalak ay bituin sa mundo ng kawalan.
Mayo 15, halos magkandaugaga ang lahat sa Lucban, Quezon hudyat ng pagdiriwang ng “Pahiyas.” Ito’y araw na kung ituring rin ni Aling Pahi na ispesyal dahil sa kaarawan ito ng kaisa-isa niyang anak na si Hiyas, suhay ni San Isidro De Labrador, ang itinuturing ni Aling Pahi na tagapaghatid sa maykapal ng hiling niyang magkaanak kahit noon pa man ay naabisuhan na siya ng manggagamot na hindi magkakaanak. Si Hiyas na lamang ang tanging aliw niya bago pa man naaksidente ang asawa.
Maagang bumangon si Hiyas upang harapin ang umagang puno ng pakikitalad. Araw-araw ganito ang kanyang nakagawian sapagkat kung mahuhuli siya sa pagbangon ay malaking kawalan ang maunahan siya sa paggambol ng basura. Kapag nagyari iyon ay wala silang kakainin. Wala na rin sa kanyang ulirat na ang araw na ito ay araw ng kanyang kapanganakan dahil sa pag-inog ng panahon wala naman siyang ispesyal na paghahanda na naranasan. Bantad na sa kanyang kamalayan ang nanlilimahid na itsura sa pangangalaykay ng basura. Ito ang kanyang pinagkakaabalahan kahit pa kaarawan niya.
Abalang-abala si Aling Pahi sa pagbayo ng kakarampot na bigas upang nahulma ito sa hugis dahon bilang sagisag ng pagpapala mula kay San Isidro De Labrador ang patron ng pag-aani. Batid niyang kaarawan ng kanyang anak kaalinsabay ng pagdiriwang ng “Pahiyas” sa Lucban,Quezon. Datapwa’t masigabo ang turit ng kanyang ginagawa hindi para gawing kakanin ang bigas na inihulmang dahon, taliwas din naman para gawing palamuti sa kanilang bahay na inaaglahi sapagkat gawa lamang ito sa pinagtagpi-tagping piraso ng plywood at karton na nalikom lamang nila sa basurahan.
Dapit-hapon na nang makauwi si Hiyas mula sa pangangalaykay ng basura. Gaya ng dati wala pasiyang makakain sapagkat ang pagpapalit ng botelyang plastik at piraso ng mga bakal na kanyang nakalap ay ipapalit pa lamang niya ng pera sa mangangalakal. Uminom na lamang si Hiyas ng isang basong tubig para maibsan ang pangangalam ng sikmura.
Mula sa tanawan nakita niya ang kanyang ina na nakangiti bitbit ang kasuotang kanyang hinabi gamit lamang ang hibla ng saging, sako at piraso ng alambre na nagsilbing karayom. Natatagpian ng kiping ang kasuotan. “ Maligayang kaarawan anak!” ani aling Pahi. “Maraming salamat Inay!” ani ni Hiyas.
Dali-daling isinuot ni Hiyas ang naturang kasuotan. Kung tutuusin ay mahuhuli na siya sa pagdating sa Plazuela sapagkat malayong- malayo pa ito mula sa kanilang tahanan. Hindi tumigil sa pagkaripas si Hiyas, himalang hindi siya sinasapnan ng pagal at ang kanyang paglakad ay animo’y sintulin ng hangin, Hindi niya alintana ang mga matatarik na bangin na muntikan siyang madulas at ang mga matatalim na bato na kanyang dinaanan ay hindi niya ramdam ang gasgas ng mga ito maging ang kadilimang bumabalot sa daraaanan ay hindi siya nabulagan sapagkat ang kislap ng kiping sa kanyang kasuotan ang tangi niyang naging tanglaw. Ang mga mababangis na ahas at insekto ay biglang nagsintabi, animo’y diyosa ang dumadaan kaya yumukod pa ang mga naturan sampu ng mga halaman at damo sa daraanan. Maging ang mga tinik ay ito pa ang gumilid para sa kanya. May mga bumabagsak pang bato mula sa bundok sa tabi ng kanyang dinaraanan ngunit hindi siya napatda kahit napakatigas pa ng mga ito. Hindi siya tumatakbo ngunit ramdam niyang gagahigante ang bawat hakbang niya habang suot ang kasuotan. Nakuha na lamang niya ang ulirat na nakarating kaagad siya sa plazuela upang sumali sa patimpalak ng “Diyosa ng Pahiyas.” Atubili siya sapagkat halos ang mga kalahok ay may kasuotang punong-puno ng pakinang. May mga sequence na nagbibigay kaantasan ng pagiging sosyal o alta de sosyedad. Mamahalin ang mga sutla o telang ginamit maging ang mga beads nito. Katangi-tangi na si Hiyas lamang ang may kasuotang kapos sa sa kislap at wala wala talagang kinang. Dahil siya nga ang pinakahuling dumating, si Hiyas ang huling rumampa.
Hindi inaasahan ni Hiyas na halos lahat ng manonood ay binalutan ng pagsinhang galak at at di magkamayaw sa kanyang ganda na kahit walang kolorete sa mukha ay kakaiba ang sinag sa kanyang kasuotan na tumatama sa kanyang mukha mula sa mga kiping na itinagpi ng kanyang ina sa kasuotan. Maging ang mga hurado o inampalan ay gulilat sa kakaibang kislap na sumisigid sa mga kiping ng kasuotan ni Hiyas. Takang-taka si Hiyas kung bakit ganoon na lamang ang mainit na pagkapungko ng paghanga nila sa kanya sampu ng kanyang kasuotan. Ang mga kislap, ningning at Liwanag na pumapaimbuyong sa buo niyang katawan mula sa kanyang kasuotan ay katangi-tangi. Malamig sa mata, nakakapanatag at nakakahalina na animo’y habang tinititigan ay may himig na nanunuot sa tainga ng mga hurado at manonood na tunog kalikasan ng talon at batis, ibong sumisipol at lawiswis ng kawayan o langitngit ng mga punong kahoy sinamahan pa ng yakap ng hanging mahalumigmig.
Magbubukang-liwayway nang inanunsyo ang nagwagi bilang “Diyosa Ng Pahiyas.” Lalong tumingkad ang kagandahan ni Hiyas nang ngumiti at tawagin ang kanyang pangalan na makokoronahang “Diyosa NG Pahiyas.” Lahat ay namangha sa ningning at Liwanag na tangi kay Hiyas lamang nagmumula.
Sukbit ang dalawang daang libong piso na napanalunan, walang kagatal-gatal siyang tumalilis patungong bahay. Sa daraanan niya ay binati si Hiyas ng mga tao. Doon naabutan niya ang kanyang in a na nakaluhod at nagdarasal sa maykapal sambit din ang kanilang patron na si San Isidro De Labrador. “Inay maraming salamat po sa inyong hinabing kasuotan!”wika ni Hiyas. “Halika at Samahan mo akong pasalamatan ang Diyos sampu ng kanyang mga tagapanalig na si San Isidro De Labrador!” wika ni Aling Pahi.
Ginamit ni Hiyas at Aling Pahi ang napanalunan halaga sa maliit na negosyo. Patuloy itong lumago nang lumago habang walang puknat silang nag-aalay ng pasasalamat sa lumikha at kay San Isidro De Labrador. Marapat nga na ang kapistahang sinasaliwan ng masaganang ani ng mga Pilipino ay katumbas ng masigabong pasasalamat. Ang Suhay ng Kiping ay nakaantabay sa mga taong yumayakap sa Kulturang tradisyunal ng mga Pilipino may basbas para sa lahing kayumanggi.