Return to site

SINO KA SA BAYAN MO, JUAN?

ni: WELMA L. SOLIS

Kamusta ka, Juan? Kumusta ka, aking bayan?

Tila yata nabubulagan o napagod nang tuluyan.

Pag-ibig mo sa baya'y di na mailarawan;

Sarili mong budhi ay iyong tinapakan.

Husay at dunong mo, anong kinahinatnan?

Bakit panlalamang ang siyang naging sukatan?

Kailan mo lilingunin ang ating Inang Bayan,

Na labis nagtiwala't umasa nang lubusan?

Juan, kapatid ko, saan ka na patungo?

Anong landas na ngayon ang tinatahak mo?

Saan dadalhin ng luha ang iyong bangkay,

Kung buhay mo ay di ayon sa tamang gabay?

Juan, bumangon ka! Bayan ay naghihintay.

Salat man sa karangyaan, buhay ang alay.

Boses ang kapangyarihan ng pusong taglay;

Bayan na sumisigaw, Diyos ang patnubay.

Hilahin mo ang tali ng pagkakaisa;

Wika'y lakas ng may mabuting adhika.

Gantimpala nito'y liwanag ng hustisya;

Makakaahon din ang bayang sinisinta.

Hakbang ng bayan ko'y tunay na inspirasyon,

Paang sanay sa lupa, ngayon ang panahon.

Dasal ng bayan ko, dinggin Mo, Panginoon,

Sa hinaing ni Juan, nawa'y makatugon.

Bibig na dati'y nakapinid at puno ng takot,

Ngayo'y namulat sa matinding pagdarahop.

Handang ipaglaban ang karapatang nilimot;

Saksi ang langit, bayan ngayo'y kinupkop.

Juan, magdiwang ka sa'yong kinabukasan.

Wika mo'y dapat dinggin ng sandaigdigan.

Kapag ang nasa loob mo'y iyong binuksan,

Maging mga karatig mo'y masasaklolohan.