Tahimik at maaliwalas ang paligid sa bahay ni Aling Apeng. Na matatagpuan sa pinakamalayong lugar sa bayan ng Santa Maria. Bukang liwayway pa lamang ay gising sa siya upang ipaghanda ng masarap na almusal ang kaniyang mga anak. Matanda na si Aling Apeng kung kaya’t mabagal na siya sa kaniyang mga pag-gawa. Minabuti niyang gumising ng maaga upang maumpisahan na kaagad ang kaniyang mga gawain.
Nag-iisa na lamang si Aling Apeng sa pagtataguyod sa kaniyang mga anak dahil maaga siyang iniwan ng kaniyang yumaong asawa. Hanggang sa hindi na niya kayang magtrabaho pa sa kaniyang bukirin. Mabuti na lamang at malaki na ang kaniyang mga anak na lalaki. Ang tatlong anak niyang lalaki ang naghahanap buhay na para sa kanilang lima. Kasama ang nag iisang anak niyang babae. Nabubuhay sila sa pamamagitan ng pagsasaka sa bukid.
Masipag ang tatlo niyang mga anak. Araw-araw sila sa bukid. May mga panahon din na duon na lamang sila nagpapaabot ng ilang araw dahil nahihirapan silang umuwi dahil malayo ang kanilang bukirin sa kanilang tahanan.
Si Pila ang bunso niyang anak na kasa-kasama niya sa bahay. Kapansin pansin ang hindi magandang gawi na ipinapakita ni Pila sa kaniyang Ina. Madalas lamang itong nakakulong sa kaniyang silid. Hindi ito tumutulong sa gawaing bahay. Madalas itong nasa loob lamang ng kaniyang silid. Lumalabas lamang ito kapag kumukuha siya ng pagkain sa kusina. Nagagalit pa ito kapag hindi kaagad nakapag luto si Aling Apeng ng kanilang pagkain.
Dahil dito sinisikap ni Aling Apeng na matugunan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak lalong lalo na para sa kaniyang bunso na si Pila. Hindi iniinda ni Aling Apeng and hirap tuwing gumigising siya ng madaling araw. Nahihirapan ang katawan niya ngunit hindi ito alintana sa kaniya sapagkat ayaw niyang magalit sa kaniya ang bunso niyang anak.Mahal na mahal ni Aling Apeng ang kaniyang magandang dalaga.
Kilala sa kanilang lugar si Pila dahil sa kaniyang maputi at sobrang kinis na mga balat. Ngunit noong ito ay nag dalaga na hindi na ito lumalabas sa kaniyang silid. Palaging tinatanong ng mga tao si Aling Apeng kung kumusta na si Pila. “Nasa bahay,” yan lamang ang sagot ni Aling Apeng sa kanila.
Isang araw naki-usap si Aling Apeng sa kaniyang anak. “Anak maaari bang ikaw muna ang maghanda ng inyong almusal bukas? Aalis ng maaga ang iyong mga kapatid ipaghanda mo sila ng maraming pagkain para sa tatlong araw nilang pananatili sa bukid.” Malumanay na pakiusap ng Ina. “Masama ang aking pakiramdam,” dugtong pa nito. “ Ano ka ba Inay,” pasigaw na sagot ni Pila. “Alam mo namang ayaw kong lumabas ng aking silid,” sabi pa niya. “Bakit nga ba anak ayaw mong lumabas ng iyong silid hindi kaba nalulungkot at palagi ka lang nag iisa?” tanong ng Ina sa nagagalit ng anak. “Ayaw kong lumabas at mag trabaho kasi baka masira ang maganda kong balat,” pagmamalaki nito sa Ina. “Anak subukan mong lumabas upang maging masaya ka at magiging masaya din ang ibang tao na makita ka ulit,” pakiusap pa ng Ina sa anak. “Basta ayaw ko at ayaw ko din tumulong sayo dito lang ako sa loob,” wika nito sabay pasok na sa kaniyang silid.
Wala na ngang nagawa si Aling Apeng sa inasal at ipinakita ng anak. Masyado siyang nalungkot para sa kaniyang anak at sa mga pagbabago nito. Malayo na ang dating Pila na minahal niya ng lubos. Masyado na itong nakatuon sa pag aalaga sa kaniyang mga balat. Kinalimutan na rin niya ang pagtulong sa Ina na nagtatrabaho kahit may sakit. Napilitan si Aleng Apeng sa gumising ng maaga para may mabaon ang kaniyang mga anak na lalaki.
Umalis na ang mga anak na lalaki ni Aling Apeng. Ngunit bago sila umalis ibinilin nila kay Pila ang pag alaga sa Ina dahil masama ang pakiramdam ni Aling Apeng. “Opo, ako na po ang bahala kay Ina,” pangako ni Pila sa mga kapatid. Narinig naman ni Aling Apeng ang anak kaya lumapit siya upang kausapin ito. Ngunit hindi pa man nakalapit si Aling Apeng pumasok na sa loob ng kaniyang silid si Pila.
Walang kaalam alam si Pila sa mga pangyayari sa kaniyang paligid dahil abala siya sa loob ng kaniyang silid at sa pag aalaga ng kanyang balat.
Nakalimutan na ni Pila ang pangako niya sa kaniyang mga kapatid at hindi na rin niya naalala ang pakiusap ng kaniyang Ina sa kaniya.
Tanghali na at nakaramdam na siya ng gutom kaya lumabas na siya ng kaniyang silid. Nagtaka si Pila dahil sa sobrang tahimik ng kanilang bahay. May nadatnan siyang pagkain sa hapag ngunit malamig na ang mga ito. Hinanap niya ang kaniyang Ina.
Laking gulat na lamang niya ng makitang nakahandusay sa sahig ang Ina, hawak ang isang pinggan ng kanin. Ito ang pagkain na dapat sana ay para sa kaniya. Hindi na nagawang ihatid ng Ina sa kaniya ang pagkain bumagsak na ito sa sahig dahil nahirapan itong huminga at tuluyan na siyang nalagutan ng hininga.
Sumigaw ng malakas si Pila. “Inay bumangon ka,” paghihinagpis ni Pila. “Gumising ka Inay,” sabi ni Pila habang yakap ang malamig ng katawan ng Ina. Batid ni Pila na kung gumising lang siya ng maaga at tinulungan ang ina buhay pa sana ito. Lubha man ang pagsisi niya hindi na niya maibabalik pa ang buhay ng Ina.
Lumipas ang mga araw at naihatid na ng kaniyang mga anak na lalaki si Aling Apeng sa kaniyang libingan. Hindi nakipaglibing si Pila nanatili lamang ito sa kaniyang silid nakaupo sa gilid ng mesa at walang tigil sa kakaiyak. Tuwing pumapatak ang luha niya gumuguhit ito sa maputi at makinis niyang balat. May kulay pula at asul itong tila marka na nag mumula sa kaniyang mga luha. Hindi nagsasalita si Pila. Kahit sino pa ang gustong kumausap sa kaniya. Lubhang nag alala na ang kaniyang mga kapatid sa kaniya.
Dahil sa kalungkutan niya hinangad na lamang niyang maging balat na lamang siya. “Gawin mo na lamang akong balat,” sabi niya habang nakatingala sa langit. Paulit-ulit niya itong sinasambit na walang tigil habang nakaluhod sa sahig.
Binuksan ng mga magkakapatid na lalaki ang silid ng kanilang bunsong kapatid. Nais nilang maka usap ito upang ipaliwanag na gusto nilang bumalik sa dati, ang kapatid nilang masihayin at kaibigan ng lahat. Nagbibigay siya ng sigla sa mga tao dahil lahat sila ay natutuwa sa angking kagandahan. Lalo na kapagnakikita nila ang maputi at makinis na balat ni Pila.
Ngunit laking gulat nila dahil wala si Pila sa silid. Hinanap nila ito sa lahat ng sulok ng kaniyang silid dahil batid nilang hindi ito lumabas. Wala nga si Pila ngunit napansin nila ang isang bagay na tila mga balat ni Pila sa gilid ng maliit na mesa. “Si Pila nga ito,” sabi ng panganay na lalaki. “Tiyak ako dahil ganito ang mga guhit na nakita ko sa balat ni Pila noong huli ko siyang nakita,” dugtong ng isa naman nilang kapatid.
Umiyak silang tatlo, nalungkot sa masaklap na kinahinatnan ng kanilang kapatid. Maging ang mga tao sa kanilang lugar nalulungkot din. Upang maibsan ang kalungkutan ng lahat. Minabuti ng mga mag kakapatid na ibahagi sa kanilang mga kanayon ang isang magandang alaala ni Pila. Hinati hati nila ito sa maliit na piraso at ipinamigay sa lahat.
“Nais naming maalala ninyo ang aming kapatid sa kaniyang kagandahan. Hindi man natin tiyak ang kaniyang kinaroronan ang bagay na ito ang magpaalala sa atin sa kaniya,” wika ng panganay na anak ni Aling Apeng. “Ito ang makinis at maputing bagay, tawagin natin itong papel bilang paggunita sa buhay ni Pila,” masayang wika ng panganay na anak.
“Iguhit ninyo sa papel na ito ang mga bagay na maglalawaran kay Pila,” dugtong pa nito. Natuwa ang mga tao sa maputi, makinis at manipis na bagay na binigay sa kanila. “Ito nga si Pila dahil sa kaniyang kagandahan. Iguguhit ko dito ang isang napakagandang bulaklak at kukulayan ko ng puti ang mga talulot bilang pag alala sa kaniyang puting balat.”sabi ng isang matandang babae. “Iguguhit ko naman ang mga berdeng puno sa ating paligid na madalas noong pasyalan ni Pila,” sabi naman ng isang matandang lalaki. “Makikita dito sa papel ang luntian at malinis na ilog na madalas naming paliguan ni Pila,” wika naman ng dating kaibigan ni Pila. “Iguguhit ko naman dito ang maliit na silid ni Pila,” sabi ng kapitbahay na matalik na kaibigan nila.
Habang abala ang lahat sa kanilang mga ginagawa. Iginuhit din ng tatlong magkapatid ang larawan ni Pila kasama ang kanilang Ina at isinabit ito sa kanilang kusina. Iningatan ng magkapatid at ng mga tao sa nayon ang papel na iniwan ni Pila sa kanila.