Return to site

SA DULO NG MAHABANG TULAY

AMOR V. DIONISIO

· Volume II Issue I

Sa isang malayong lugar, naninirahan ang iba’t ibang uri ng mga hayop. Sagana sa halaman ang mga parang at malulusog ang mga damo sa lugar na ito. Kaya pinili ng mga hayop na dito na manahanan.

Sama-sama silang nangingingain sa madamong bahagi ng lugar tuwing umaga, at sa tanghali naman, namamahinga sila sa lilim ng mga puno.

Masaya silang namumuhay araw-araw. Masigla at malulusog silang lahat dahil sa masutansiyang mga damo at kulisap na kanilang kinakain.

Sa lahat ng mga hayop na nasa lugar na iyon, may isang pulutong ang hindi naghihiwalay. Sila ang magkakaibigang, Kamya Kambing, Bak Bak, Da Bebe, Unda Unggoy, Bik Kabayo, Kara Kalabaw at Pet Aso.

Si Kamya kambing ang mahusay na pumipili ng mga damong pwede nilang kainin. Si Bak Baka naman ang nangunguna sa kanilang pangkat dahil siya ang pinaka malaki at matanda. Mabait na taga sunod naman si Da bebe sa kanila. Subok naman sa katalinuhan si Unda Unggoy, dahil mahusay itong dumiskarte, lalo na sa paghahanap ng makakain at magagandang puwestong pahingahan nila. Si Bik Kabayo naman ang pinakamabilis tumakbo sa kanila. Napakalakas naman ng katawan ni Kara Kalabaw. Siya ang nagbubuhat ng mga mabibigat na bagay. Sa kanilang lahat, si Pet Aso ang pinaka malambing at palakaibigan.

Isang umaga, nakarating sila sa isang lugar kung saan malapit ito sa malalim na bangin. Natuklasan nila ang isang makitid at mahabang tulay. Ang tulay ay nakarugtong sa kabilang bahagi ng bundok. Nagtataka silang lahat habang pinagmamasdan ang tulay.

“Ano kaya ang makikita natin duon sa dulo ng tulay?” tanong ni Unda Unggoy. “Oo nga,” sabi naman ni Bak Baka. Hindi mawaglit sa kanilang isipan kung ano nga ba ang nanduon sa kabilang bahagi ng tulay.

Tanghali na ng sila’y tumigil sa kanilang pagkain. Habang namamahinga sa ilalim ng malaking puno, napag usapan na naman nila ang tulay.

“Hali kayo! Subukan nating tawirin ang tulay”, wika ni Kara Kalabaw. Hindi naman nag alinlangan ang iba pang mga hayop. Tumungo na sila sa kinaroroonan ng tulay.

“Hali na kayo!” masiglang sabi ni Bak Baka. Sabay-sabay silang lumakad sa bukana ng tulay ngunit hindi sila kasyang lahat, at tila marupok na ang tulay. Kaya napag pasyahan na lang nilang paisa-isa na lamang ang gagawin nila upang makatawid silang lahat.

“Mauna na ako,” sabi ni Kamya Kambing. “Sige! mauna kana.” Sagot nilang lahat. Dahan-dahang humakbang si Kamya Kambing. Umaalog ang tulay sa tuwing inihahakbang niya ang kaniyang mga paa. Nakaramdam siya ng takot. “Ayaw ko na! Hindi ko na kayang ipagpatuloy pa,” sabi niya sa kaniyang sarili na takot na takot. Bumalik nga si Kamya Kambing, hindi man lamang niya narating ang gitna ng tulay. “Bakit ka bumalik” tanong sa kaniya.” “Nadaig ako ng takot dahil sa tuwing ako ay humahakbang umuugoy ang tulay,” paliwanag niya sa lahat. Sunod na sumubok si Da Bebe. “Aba! Tiyak na marating ko ang dulo ng tulay dahil magaan lamang ako.” Sabi nito. “Hindi gagalaw ang tulay kung ako ang maglalakad dito,” sabi pa niya. Inumpasahan na nga ni Da Bebe ang kaniyang paglalakad. Tuwang-tuwa siya dahil hindi nga gumalaw ang tulay. Malapit na siya sa gitna ng makaramdam siya ng malakas na ihip ng hangin. Biglang natakot si Da Bebe, patakbo siyang bumalik sa kaniyang pinagmulan. “Nakakatakot pakinggan ang ihip ng hangin,” sabi nito sa lahat.

Nag isip sila kung itutuloy pa ba nila ang pagtawid sa tulay. “Sobra naman kayong matatakutin,” sabi ni Bik Kabayo. “Ako na ang tatawid,” dugtong pa niya. Sa isip ni Bik Kabayo tatakbo siya ng mabilis para hindi uugoy ang tulay at hindi niya marinig ang malakas na ihip ng hangin. Ginawa nga niya ito, nagtagumpay siyang marating ang gitna ng tulay ngunit bigla siyang napahinto ng makita ang malulusog na mga damo sa gilig ng tulay. “Masasarap ang mga ito,” sabi ni Bik. “Kakain na lamang ako dito at babalik na,” dugtong pa niya. Bumalik nga si Bik Kabayo at hindi na itinuloy ang kaniyang pagtawid dahil nakaramdam na siya ng sobrang pagkabusog.

“Ayaw ko ng tumawid sa dulo ng tulay,” ani ni Bik Kabayo. “Sapat na sa akin ang nabusog dahil nakakain ako ng masasarap na damo sa may gitnang bahagi ng tulay,” paliwanag pa nito.

Nagalit si Bak Baka sa ginawa ni Bik Kabayo, dahil nagpakabusog lamang ito at hindi sinubukang makarating sa dulo. Kaya bilang siya ang pinakamatanda, si Bak Baka na ang tatawid. Habang nasa kalagitnaan siya ng kaniyang paglalakad biglang lumangitngit ang tulay dahil sa subrang bigat ni Bak Baka. Natakot ng subra si Bak Baka hindi na niya maigalaw ang kaniyang mga paa. Dahan-dahan na lamang siyang humakbang paurong. Mabagal na mabagal ang kaniyang kilos para hindi maputol ang lubid ng tulay.

Nang makita ni Unda Unggoy ang nangyari kay Bak Baka dali-dali siyang umalis. Tumakas si Unda Unggoy para umiwas sa pagtawid. “Ayaw kong maranasan ang mga nagyayari sa aking mga kaibigan,” sabi niya sa sarili habang papalayo na sa kaniyang mga kaibigan.

Pinakalma nila ang takot na takot na si Bak Baka. “Huwag na nating ituloy ito,” sabi ni Kara Kalabaw. Tiyak niyang mangyari din sa kaniya ang nangyari kay Bak Baka dahil malaki din ang kaniyang katawan at mabigat ang kaniyang timbang.

“Ako na lamang ang nandito na hindi pa sumubok,” sabi ni Pet Aso. “Hayaan ninyong ipagpatuloy ko ang ating hangaring marating ang dulo ng mahabang tulay,”dugtong pa nito. Tumawid na nga ng dahan-dahan si Pet Aso. Habang nasa kalagitnaan ng kaniyang paglalakbay naramdaman niya ang pag ugoy ng tulay pero hindi niya ininda ito. Patuloy pa din siya sa kaniyang paglalakad. Inihip siya ng malakas na hangin, ngunit hindi siya nag padaig dito. Nakita din niya ang mga masasarap na damo sa gilid ngunit hindi siya kumain.

Parang maputol na nga ang mga lubid kaya mas binilisan pa niya ang paglalakad. Positibo si Pet Aso na marating ang dulo. Kaya ginawa niya ang lahat na mapaglabanan ang ano mang hadlang sa kaniyang paglalakbay.

Hindi namalayan ni Pet Aso na narating na niya ang dulo ng mahabang tulay. Hindi na niya tanaw ang kaniyang mga kaibigan sa kabilang dulo nito.

Sobrang saya ng naramdaman ni Pet Aso dahil napag tagumpayan niya ang pagtawid.

Napakagandang paligid ang sumalubong sa kaniya. Marami din ang mga puno at halaman ngunit may mga nakatayong bahay dito. “May mga taong naninirahan sa lugar na ito,” sabi ni Pet.

Sa hindi kalayuan, may isang kubo na may umuusok sa likuran ang nakita ni Pet. Lumapit si Pet Aso at nakita niya ang isang taong nagluluto. Walang takot niyang pinuntahan ang tao at sinimulan niyang lambingin ito. Natuwa ng husto ang tao sa kaniya. Pinapasok siya sa tahanan nito at pinakain pa ng masasarap na pagkain.

“Napakasaya ko dahil narating ko ang lugar na ito,”sabi ni Pet Aso. Naging matalik niyang kaibigan ang taong kumupkop sa kaniya. Magkasama sila lagi saan man ito pumunta.

Napagtanto ni Pet Aso na naging mabuti ang idinulot sa kaniya ng kaniyang pagsusumikap matawid lamang ang mahabang tulay. Ngunit na isip din niya ang kaniyang mga kasamahan na naiwan duon sa kabilang dulo ng tulay.

“Kung hindi lang sana natakot si Kam Kambing sa ugoy ng tulay,”wika ni Pet Aso. “Kung naging matapang lang sana si Da Bebe, na labanan ang ihip ng hangin,” dugtong pa niya. “Dapat hindi na lang sana ang pagkain lang ang inisip ni Bik Kabayo at kung hindi sana subrang bigat ni Bak Baka, sana magkasama kaming lahat dito,” malungkot na sabi ni Pet Aso.

Ngunit hindi mapakali si Pet Aso, hindi niya kayang mamuhay na masagana sa kabila ng katotohan na maaaring hinihintay siya ng kaniyang mga kaibigan. Tiyak niyang nagtataka ang mga ito dahil hindi na siya nakabalik pa.

Isang umaga, nakaisip ng napakagandang paraan si Pet Aso. Hinila niya ang tao malapit sa tulay. Nagulat ang tao nang makita na may luma at mahabang tulay pala sa lugar na iyon.

Nagtataka siya lalo ng magsimulang tumahol ng tumahol ng napalakas ni Pet Aso. Narinig ang tahol ni Pet hanggang sa kabilang dulo ng tulay.

“Si Pet Aso,” sabi ni Bak Baka. “Oo nga, tinig ni Pet iyon,”dugtong ni Bik Kabayo. Tuwang-tuwa silang lahat na marinig ang tinig ng kanilang kaibigan.

Kaya sabay-sabay silang lahat na sumigaw. “Meeee!!,meee!!, “sigaw ng napakalas ni Kamya Kambing. “Mooo!!,moooo!!,”sigaw naman ni Bak Baka. “Kwakkk!,kwakkk!, sabi naman ni Da Bebe.“Unga! Unga!,”dagdag naman ni Kara Kalabaw. Sumigaw din si Unda Unggoy at Bik Kabayo.

Narinig ng tao ang mga ingay sa kabilang bahagi ng tulay. Nagulat siya ngunit naunawaan niya ang ibig sabihin ni Pet Aso. “Nais mo bang tulungan ko sila?” tanong niya kay Pet. Umikot-ikot si Pet sa kaniya bilang sagot sa kaniyang tanong.

Ibinalita ng tao ang kaniyang nasaksihan sa kaniyang mga kanayon. Inaayos nila ang luma at mahabang tulay. Hinigpitan nila ang mga tali at pinalitan ang mga marurupok na bahagi ng tulay.

Sa wakas natapos na ito, masayang-masaya ang lahat lalong-lalo na si Pet Aso. Tumawid ang ibang kalalakihan at kasama si Pet. Tuwang-tuwa sila ng madatnan ang ibat’ibat mga hayop na naghihintay sa kanila. Isa-isa silang nilambing ni Pet na sobrang masaya na makita silang muli. “Pet, maraming salamat sa iyo,” ani Bak Baka.“Hindi ka naging duwag at sa kabila ng iyong takot ipinagpatuloy mo ang iyong pagtawid sa tulay,” dugtong pa nito.“Maraming salamat sa iyo Pet,” ani Unda Unggoy.“Kahit hindi kami karapatdapat, binalikan mo kami,” paliwanag pa niya. “Hindi ko kayang mamuhay na matagumpay, na alam ko namang nandito lang kayo naghihintay sa aking pagbabalik,” sagot ni Pet Aso sa kanilang lahat.

Napagpasyahan ng mga tao na isama na sila sa kanilang pagbabalik. Isa-isa nilang itinawid sa mahabang tulay ang mga hayop.

Inalagaan ng mga tao ang mga hayop at naging katuwang pa nila ang mga ito sa kanilang hanapbuhay. Masayang namuhay magkasama ang mga tao at ang mga hayop sa mapayapang nayon na may mahabang tulay.

Wakas….