Return to site

SI GABO AT ANG MAHIWAGANG CELLPHONE

ni: BABY AMOR A. ANICO

Si Gabo ay isang matalinong bata.Nangunguna siya sa klase.Pero nang magkaroon na siya ng cellphone, unti-unti na siyang nagbago. Naging mahilig na siyang maglaro ng online games gamit ang kanyang cellphone.Sa halip na mag-aral, halos buong araw at gabi siyang nakatutok sa screen. Hindi na niya napapansin na nasasayang ma pala niya ang kanyang oras sa paggamit ng cellphone. Dahil dito, bumaba ang kanyang mga marka dahil palagi siyang puyat at inantok sa klase.

Isang gabi, habang naglalaro, biglang kumislap ang kanyang cellphone. Lumabas dito ang isang maliit na diwata na nagngangalang Mariposa.

“Gabo”, sabi ng diwata, “Ako ang tagapagbantay ng oras. Kapag ipinagpatuloy mo ang labis na paggamit ng cellphone, dadlhin kita sa Mundo ng Nawawalang Pangarap.”

Bago pa makapagsalita si Gabo, napalibutan siya ng makukulay na liwanag. Pagdilat niya, nasa isang kakaibang mundo na siya. Nakita niya roon ang maraming batang nakayuko sa kani-kanilang gadget. Walang silang guro, wala silang kaibigan, at unti-unti nang naglalaho ang kanilang mga aklat.

Nalungkot si Gabo. .“Ayokomg manatili rito” sabi niya. Ngumiti ang diwata. May isang paraan lamang upang makabalik. Patunayan mong kaya mong unahin ang pag-aaral at ang iyong pamilya

Pagmulat ni Gabo, nasa kanyang silid na siya. Akala niya ay panaginip lamang ang lahat. Ngunit napansin niyang may maliit na bituin na nakaukit sa likod ng kanyang cellphone.

Mula noon, ginagamit na lamang niya ang cellphone pagkatapos ng kanyang takdang-aralin. Mas naging masipag siya sa pag-aaral. Mas madalas na siyang nakikipagkuwentuhan sa kanyang pamilya.

Ngunit isang gabi, muling kumislap ang bituin sa kanyang cellphone.

Isang mensahe ang lumabas.

“Salamat Gabo. Nailigtas mo ang iyong sarili. Ngayon, tulungan mo naman ang iba bago sila tuluyang mawala sa Mundo ng Nawawalang Pangarap.”

Napangiti si Gabo. Simula noon, hinihikayat na rin niya ang kanyang mga kaklase na gamitin ang gadget nang may disiplina.

Sa huli, napagtanto niya na may tamang oras at panahon para sa lahat ng bagay dito sa mundong ating kinagagalawan.