Sa wakas, papasok narin ako sa paaralan. Makikita at makikilala ko na si Titser. Matututo na akong magbasa, magsulat at magbilang. Makakapaglaro na kami ni Moymoy na aking kaibigan. Aawit, sasayaw at guguhit ako ng ibat-ibang hugis tulad ng bilog, parihaba, parisukat at tatsulok. Kukulayan ko ito ng pula, asul, dilaw at marami pang iba.
Unang araw ng pasukan ngayon, maaga palang ay naririnig ko na ang mga ingay sa kusina. Krish! Krish! Krish! Naamoy ko na ang pinipritong ulam ni Nanay. Uhmmm! Mabantot ngunit nakakatakam na amoy, sigurado akong tuyo iyon. Kling! Klang! Kling! Klang! Tunog naman iyon ng mga kubyertos. Naghahain na si Nanay ng aming almusal.
Bago ako bumangon ay nagdasal muna ako kay Papa Jesus at nagpasalamat. Turo iyon ni Nanay at Tatay. Bago daw ako matulog ay hingin ko raw ang kaligtasan namin. At sa paggising naman ay dapat daw ay magpasalamat.
Inayos ko muna ang aking higaan. Kinuha ko ang paborito kong unan na pahaba na tinatawag kong hotdo-hatdog. Korteng hotdog kasi iyon. Sinubukan ko ring tupihin ang aking kumot ngunit hindi ko kinaya dahil masyado itong malaki at mahaba kaya nilukot at pinatong ko ito sa ibabaw ng unan.
Lumabas ako sa kulambo at sumilip sa may pintuaan. Nakita ako ni Nanay. Ngumiti siya at binati ako ng “magandang umaga, excited na ba ang anakko sa pagpasok sa paaralan?” Tanong niya sa akin. Tumakbo ako at niyakap ko siya habang may hawak pa siyang sandok. Kinuha ko ang kaniyang kamay at nagmano ako sa kaniya at sabay bating, “magandang umaga Nanay.” Habang nakayakap ako ay tinawag ako ni tatay na nakaharap sa mesa habang siya ay nagkakape. “Halika muna dito anak at baka matalsikan ka ng mainit na mantika.” Sumunod ako at dali-daling kumandong at sabay mano sa kaniya. “Kinakabahan po ako Tatay, paano kung masungit si Titser?” Tanong ko. “Anak ‘di ba nga napapanuod na natin si Titser sa face-book, madalas siyang nag-popost at ‘di ba tawang-tawa pa nga tayo sa huling post niya.” Paliwanag pa niya sa akin. Tumango lang ako ngunit ramdam ko parin ang kaba sa aking dibdid. “Oh siya kumain na kayo at baka mahuli pa kayo sa iskul, nakakahiya kay Titser unang araw pa naman ngayon ng pasukan.” Nagmamadaling sabi ni Nanay.
Pagpasok ko palang sa pintuan ay sinalubong na ako ni Titser at sabay bating “magandang umaga at welcome dito sa Kindergarten”. Kahit may suot na face-mask ay nakikita ko sa kaniyang mga mata ang pagngiti. Tumingin ako sa kaniya at ngumiti din ako at sabay sabing, “magandang umaga po Titser.” At nang iikot ko ang aking tingin ay nakita ko agad si Moymoy na nakaupo, tinatawag niya pala ako para tumabi sa kanya. Dali-dali akong umupo sa kanyang tabi.
Nasa harap namin ang isang batang nakatingin lang sa amin. Sinubukan ko siyang kausapin at tinanong ko ang kaniyang pangalan.” Anong pangalan mo?” Pero bakit ganon? Tumingin lang siya sa akin na parang may pagkagulat sa kaniyang mga mata, na parang hindi niya ako maintindihan. Inulit ko ang aking tanong at bahagyako itong nilakasan. Ikinumpas ko ang aking kamay at sabay sabing “hello, anong pangalan mo?” Tinanggal niya ang kaniyang face-mask at tinuro ang kaniang bibig na wala namang lumalabas na salita kundi /a/ at /a/ lang ang naririnigko. Kinumapas din niya ang kaniyang kamay at ngumiti siya sa akin. Labis ang aking pagtataka bakit kaya siya ganon? Bakit hindi siya nagsasalita?
Patuloy ang unti-unting pagdating ng aming mga kaklase. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, bahagya akong napatigil nang may biglang may humawak sa akin. Pagtingin ko ay inaabot ng bata ang kanyang tubig na para bang may gusto siyang sabihin, ngunit puro senyas lang ang kaniyang ginagawa. Mabuti nalang at dumating si Titser at siya ang nagbukas ng kaniyang inumin at muli niya itong ibinalik sa bata. Ano kayang nangyayari sa kanya? Tanong ko sa aking isipan.
Parang gusto kong lumayo sa kanya, bakit siya ganon? Hindi siya nagsasalita samantalang may mga bibig naman siya. At nang susubukan ko sanang umurong para lumayo ako sa kaniya ay bigla ulit niya akong hinawakan at inaabot sa akin ang piraso ng tsokolate. Ngumiti siya at tumango na para bang gusto niyang kunin ko iyon. Noong una ay ayaw ko pang kunin iyon ngunit tumayo siya at ipinatong sa aking kamay ang tsokolateng hawak niya. At muli siyang ngumiti. Tumingin ako kay Titser at siya ay nakatingin din sa akin. Ngumiti siya at sabay sabing “Kunin mo bigay sayo yan ni Marcos.” Doon ko lang nalaman na Marcos pala ang pangalan ng bata. Lumapit si Titser at inalalayan niya si Marcos at ipinakilala sa harap.
“Ito nga pala si Marcos Espino. Siya ay hindi makapagsalita at hindi rin siya masyadong nakakarinig. Kung kayat kailangan niyo siyang senyasan o hawakan kung gusto niyo siyang kausapin. Kinakailangan niya ang ating tulong upang makapag-aral din siya ng maayos kagaya ninyo.” Sabi pa ni Titser na wag na wag daw naming siya pagtatawan at kukutsahin dahil maswerte daw kami dahil hindi kami naging kagaya niya. Noon lang ako naliwanagan na kaya pala kakaiba siya ay dahil may ganoon pala siyang kundisyon.
Mula noon ay lagi ko nang tinutulungan si Marcos. Sa Flag ceremony kapag si Titser ang nagbi-beat sa harap ay inaayos ko ang kaniyang linya. Kapag malayo naman si Titser at gusto siyang tawagin nito ay sinesenyasan ko siya para lumapit siya kay Titser. At kapag nagkukulay naman siya ay inaabot ko kung anong kulay ang gustong ipakulay ni Titser.
Napakabait na bata ni Marcos, sa kabila ng kaniyang kapansanan ay hindi nawawala ang ngiti sa kaniyang mga labi. Hindi man siya makagsalita ay ramdam ko naman ang kaniyang pagkasabik na matuto sa loob ng klase. Sa tulong at gabay ng kaniyang mga magulang pati narin ng aming Titser ay kitang-kita ko ang kaniyang magandang kinabukasan.
Natutunan ko narin ang mga senyas na naiintindihan ni Marcos. Sa simpleng pag-kaway, pag-kindat at pag-ngiti ay nakikita ko ang senyas ng pangarap na laging sinasambit ni Titser. Ang pangarap na maaring maaabot ninuman. ‘Yan si Marcos, kahit may kapansanan ay lumalaban siya.
Aral:
“Ang tunay na lenguahe ay hindi sinasambit lamang, ito ay naiintindihan at nararamdaman.”