Pilipinas, hanggang ngayon ikaw ang perlas ng silangan;
Mga anak moy naghahangad sa lagi mong kapakanan;
Inihalal, pinagkatiwalaan para magsilbi sa sambayanan;
Sa anumang paraan, sa hirap o ginhawa, ngayon at magpakailanman.
Senado, isang institusyon ng kabutihan at kanlungan;
Tungkulin ginagampanan, diskusyon ay pinagdaraanan;
Batas ay ipanukala, pinag-usapan at pinagsang-ayunan;
Matamo lang ang pagkakaisa, kapayapaa’t kaunlaran ng bayan.
Ngunit anong nangyari, nagkairingan, nagkalamat at nahati;
Sigalot, di pagkakaunawaan, di ko mawari.
Saan hahantong, lipunan ay nagdusa, poot ang naghari.
Sana, bukas, di matitibag ang tibay nitong dakilang lahi.
Ikaw, ako, tayong lahat ay mag-isip, kumilos at magbago;
Tunay na kalayaa’t tagumpay ng bayan ay di muling magtago;
Ang Senado, sa kamalayan, kaayusan ay di kailanma’y sarado;
Pagmamahal at katiwasayan palaganapin, mangingibabaw dito.
Senado, bilang institusyon, ikaw ang sandigan at maaasahan;
Sa mga panahong ang mga Pilipino ay balisa, tuliro’t nag-aalinlangan;
Dakila mong mithi, gawin at abutin, katarungan ang mananaig;
Nang ang bansa ay makikinabang pati ang buong daigdig.