Return to site

SANDATA NG PAMBANSANG PAGKAKAUNAWAAN

JOHN RIDAN D. DECHUSA

· Volume III Issue I

Wika ang nagsisilbing sandata ng pambansang pagkakaunawaan at nagiging tulay upang pag-ugnayin ang bawat liping may kanya-kanyang hiblang pinagmulan at pinag-ugatan. Ito ang daluyan ng mayamang kultura at tradisyon na pinanday ng ating mga ninuno sa mahabang panahon.

Hindi maipagkakaila na ang wika ay kabuhol ng kultura at tradisyon ng isang lipi o grupo ng mga tao. Ang kultura na taglay ng isang indibidwal ay repleksyon ng kanyang pagkakakilanlan, kaugalian, at wikang kanyang kinagisnan. Masasabi ang ating wika ay nakaugat sa kung anuman ang ating pinagmulan at kung anuman ang kultura na ating namana mula sa ating mga ninuno na siyang pumanday at nagpatibay sa wika ang ating ginagamit sa pakikipagkomunikasyon sa kasalukuyan. Sinasalamin ng ating kultura ang paraan ng ating pakikipagtalastasan na ang pinagmulan ay ang iba’t ibang mga palagay kung paano tayo nagkaroon ng wika at kung gaano kayaman ang kulturang ating kinagisnan na nagbunsod sa pagkakabuo ng iba’t ibang wika at wikain sa Pilipinas.

Ang Pilipinas ay binubuo ng mga ng napakaraming isla kaya nagkaroon din tayo ng iba’t ibang wika na kasangkapan natin sa pakikisalamuha at pakikipag-interaksyon. Masasabing mas nakikila ang tradisyon at kultura ng isang lugar batay sa wika nito dahil ang pagkakakilanlan ng bawat isa ay nakabatay sa kung anuman ang kanyang kinalakihang lugar na masasabing may kakaibang pamamaraan ng pagasasalita, tradisyong kinagawian at kulturang patuloy na pinayayabong. 

Mula sa mga kaisipang nabanggit sa itaas ay sinusuportahan ng pahayag ni Santiago (1979), na ang bawat wika ay may kaugnayan sa kulturang kinabubuholan nito. Higit na mabisang magagamit ang wika ng isang pook dahil sa may maayos na daloy ng komunikasyon at may pagkakaunawaan. Dagdag naman ni Santos (2009), kadalasang naririnig na magkabuhol ang wika at kultura dahil ito ay matalik na magkaugnay. Ang pagkawala ng wika ay masasabing pagkamatay na rin ng kultura dahil ang wika ang nagsisilbing pagkakilanlan ng isang kultura.

Ang pagkakaroon ng kabatiran sa mga salita at kalaunan ay naging isang ganap na wika. Kung ating hihimay-himayin ay talagang makatotohanan ang mga kaisipang nabanggit sapagkat ang bawat kultura ay may sariling mga tradisyon na hinabi ng mga nagdaang panahon at batay sa mga kinagisnang gawain ay nabuo rin ang wika na nagsilbing pagkakilanlan at siyang naging daan upang magkaroon ang isang grupo ng sariling tatak o identidad na kaiba sa ibang grupo ng tao sa lipunan.

Samakatuwid, ang wika ang nagbibigay ng puwang at anyo sa diwa at mga saloobin ng isang kultura. Ito ang nagiging tulay ng tao para pag-ugnayin ang kanilang tradisyon at kinagawain, at sa pamamagitan nito ang kultura ay higit na mapapayabong, maiintindihan at patuloy na mapahalagahan hanggang sa mga susunod pang mga henerasyon. Batay nga sa ipinahayag ni Salazar (1996) na ang wika ay imbakan at pinagkukunan ng isang kultura at itinuturing rin itong batis na impukan at salukan ng mga ideya, saloobin at kaisipan ng isang kultura.

Wika ang armas at sandata natin upang harapin ang bawat hamon ng panahon. Ito ang ating lakas upang maipahayag ang ating karunungang taglay at husay bilang mga Pilipino. Ipagmalaki ang iyong sariling wika at ang Wikang Filipino.