Return to site

EXPERIENCES, MY DOMINIE:

A NARRATIVE

GERALD A. ESPERIDION

· Volume III Issue I

Sa buhay, hindi maiiwasan ang mga sakuna. Ngunit upang mapagtagumpayan ito, kinakailangan ng matatag na pananampalataya at pagpupursigi sa buhay. Kinakailangan ng matatag na pundasyon at walang sawang paniniwala na walang anumang pagsubok ang hindi kayang pataubin. Ang kwentong ito ay nagsasalaysay sa buhay ni Juan, nag-iisang anak na lalaki nina Nanay Nena at Tatay Jose. Lima silang magkakapatid na kung saan apat dito ay mga babae at si Juan lamang ang nag-iisang lalaki kung kaya’t sa kanya nakabaling ang mga panunukso, at kung ano ano pa. Biyayang maituturing ang kanyang mga kapatid na babae sapagkat sa murang edad pa lang ay naghanapbuhay na ito. Naglalarawan na hindi hadlang ang edad, estado, maging ang kasarian ng isang tao upang makatulong at makaahon. Tunghayan ang hirap na dinanas ng mag-anak sa kwentong ito. 

-May Akda

Mga tauhan:

Nanay Nena: Ina ng limang magkakapatid – pamilya Cruz

Tatay Jose: Ama ng limang magkakapatid, magsasaka, nagkokopra

Annie: Panganay sa magkakapatid, sumama sa Tiyahin upang magtrabaho 

Jenny: Pangalawa sa magkakapatid, maagang lumuwas ng Maynila para magtrabaho

Chloe: Pangatlo sa magkakapatid, palakaibigan

Shine: Pang-apat sa magkakapatid, matangkad, mahiyain din

Juan: Bunso sa magkakapatid, mahiyain, palaging pinapaiyak sa Elementarya

Sharon at Justin: Dalawa sa matatalik na kaibigan ni Juan

Joseph, Mark at Aldrin: Ilan sa mga nanunukso sa klase, palabiro

Jessica: Isa sa mga biktima ng panunukso ng ilang mga kaklase

Gng. Santos: Isa sa mga naging guro ni Juan sa Elementarya

Sa buhay, upang matagumpayan ang anumang hamon o mga bagay-bagay, kinakailangang tayo ay maging matatag at maging handa sa anumang problema na ating haharapin.

Sa isang Barangay na kung saan naninirahan ang pamilya Cruz. Isang masayang pamilya sa kabila ng mga balakid at problemang dumaraan sa kanilang buhay. Mahirap man ay nagagawa nilang maging masayahin at maging positibo

Ating makikila si Juan, bunsong anak nila Tatay Jose at Nanay Nena. Si Juan ay bunso sa limang magkakapatid. Siya ang nag-iisang anak na lalaki ng pamilya Cruz. At dahil bunso, ito ay pinagbibigyan ng kanyang magulang sa abot ng kanilang makakaya. Makikilala din natin ang magkakapatid na sina, Annie, Jenny, Chloe, at Shine. 

Koprahan. Ito ang isa sa mga paraan upang maitaguyod ang pamilya. Isa ito sa mga paraan ng pamumuhay ng buong pamilya. Maliban pa dito’y pagsasaka din ang isa mga hanapbuhay ng pamilya. Si Tatay Jose ay masigasig at napakalakas sapagkat maliban sa sarili nilang koprahan ay nagne-negosyo din ito ng mga baboy kasama ang kanyang asawang si Nanay Nena. Iba’t ibang bayan ang kanilang napupuntahan upang mamili ng baboy, biik at ito’y kanilang ibinebenta rin sa iba pang mga bayan. 

Sapagkat may koprahan ang pamilya, sikat din si Tatay Jose na “manunuba” (nagtitinda ng tuba o lambanog) sa kanilang Barangay. Ang kinikita nila dito ay pambaon ng kanilang mga anak sa pagpasok sa paaralan, at minsan ay sina Juan at Shine ang naghahatid nito sa tindahang malapit sa kanilang paaralan. 

Maayos ang buhay ng pamilya Cruz noong unang mga panahon. Sila’y malimit ding sandalan ng ibang kapitbahay sapagkat parang sila ay nakakaangat. Ngunit minsan hindi natin inaasahan na may mga darating sa ating buhay. Mga problemang hindi natin matatakasan. Pagkakasakit, pagpapaaral at iba pa. Ito ang ilan sa mga nagdahilan kung bakit nagkautang-utang ang pamilya Cruz. Bakas sa mukha nila Tatay Jose at Nanay Nena ang hirap. At dito nagsmimula ang kwento ng mga magkakapatid, sapagkat nakikita nilang naghihirap na ang pamilya, minsan maiisip mo nalang na magsakripisyo o may magsakripisyo. 

Si Annie ang panganay sa magkakapatid. Masipag at masigasig sa pag-aaral si Annie. Naglalakad papasok sa paaralan sina Annie at Jenny, ang kanyang nakababatang kapatid. Nilalakad nila ang mahigit isang kilometro para lang makapasok sa paaralan sapagkat sila ay naninirahan malapit sa bukid. Palakaibigan ang dalawa, ngunit malimit din silang tuksuin sa klase. 

“O, tingnan n’yo, nandyan na ‘yong mga anak ni ‘Uncle Tuba’ (palayaw ni Tatay Jose),” sambit ng kanilang mga kaklase habang sila ay papasok sa paaralan sabay tawa.

“Ah... ehhh.” Hindi makaimik ang dalawang magkakapatid dahil sa sila ay nahihiya. Minsan ay napapaiyak nalang sila ngunit matatag paring pumapasok sa klase at ito’y hindi nila sinusumbong sa kanilang mga guro. 

Malimit ito ang tukso ng kanilang mga kaklase sa kanila sapagkat si Tatay Jose ay naglalako ng “tuba o lambanog” sa malapit na tindahan sa kanilang baryo. 

May mga panahon ding hinaharang sila ng kanilang mga kaklase, pinsan din nila at basta lang makapanakit. Sinusumbong rin ito nila Annie at Jenny sa kanilang mga magulang ngunit, “Hayaan nyo nalang sila nak, ang importante ay wala kayong ginagawang masama. Kung maaari ay huwag nyo nalang patulan, tsaka mas may kaya kasi sila sa atin.” Payo ni Nanay Nena sa kanyang dalawang anak.

“E, hanggang kailan po magiging ganoon ang buhay namin sa ‘school’, Nay?” Tanong ni Jenny sa kanyang ina.

“Basta mga anak ang importante, maging mabait lang kayo sa kapwa ‘nyo lalo na at hindi natin sila maabot.” Dagdag pa ni Nanay Nena.

Hindi man ito masyadong malinaw kay Jenny, naging bukas ang kalooban ng dalawang magkapatid na huwag patulan ang mga nanunukso sa kanila, bagkos ay magpakabait pa ito. 

Makalipas ang ilang taon, nasa Sekondarya na sila Annie at Jenny ngunit dahil sa hirap ng buhay, tumigil sa pag-aaral si Annie. Siya ay sinama ng kanyang tiyahin upang mamasukan at makapaghanap ng trabaho. Lumuwas ng Maynila ang magtyahin. Sa murang edad, natuto si Annie sa anumang gawaing bahay, upang matustusan ang gastusin at makapagpadala nang kahit kaunting tulong sa pamilya. Isa si Annie sa mga dahilan kung bakit ang kanyang mga kapatid ay nagpupursigi sa pag-aaral. 

Maliban sa kahirapan, isa sa mga naging problema na hinarap ng pamilya Cruz ay ang pagkakaroon ng grabeng sakit ng kanilang “Mama”. Malimit itong isugod sa ospital dahil sa kanyang karamdaman. Malimit ma “high blood” ang kanilang ina. Malimit ding kumirot ang puso nito sapagakat napag-alamang siya ay may “heart failure.” Dahil sa hirap ng buhay, hindi rin nakapagpatuloy sa sekondarya si Jenny, pangalawa sa magkakapatid.  Naisin man nyang magpatuloy sa pag-aaral upang mas magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap, mas nangibabaw ang awa at pagpupursigi upang makatulong sa pamilya at maibsan ang kahirapan nito sa kanilang pamumuhay. 

Lumuwas ng Maynila si Jenny, nakipagsapalaran at namasukan din sa pinagtatrabahuhan ng kanyang nakatatandang kapatid. Namasukan siya bilang yaya sa isang napakayamang pamilya. Nag-alaga siya ng walong buwan na batang lalaki. Hindi naging madali ang kanilang buhay sa Maynila sapagkat malayo na sila sa kanilang pamilya sa murang edad pa lamang. 

Dahil dalawa na silang nagtatrabaho, “Siguro naman magiging maayos na ang buhay natin,” sambit ni Jenny sa kanyang nakaktandang kapatid. 

“Sana nga Jenny, ‘yon lang din pinapangarap ko at makapagtapos din ang ating mga kapatid sa pag-aaral hindi gaya natin.” Sagot ni Annie.

Makalipas ang ilang taon, nag-aral narin sina Chloe at Shine. Gay din ng kanilang mga ate, napagdaanan din nila ang panunukso galing sa kanilang mga kaklase. Bagama’t marami silang mga kaibigan, hindi parin maiwasan na maging malungkot ang dalawa. 

Si Chloe ay pangatlo sa magkakapatid. Makinis, maganda, ngunit hindi gaya ng kanyang mga kapatid, siya ay may pagkapandak. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit siya tinutukso ng kanyang mga kaklase. Maliit din ang kanyang mga mata na para bang intsik. 

Si Shine naman ay payat at matangkad. Palakaibigan din ang dalawang magkapatid. Kahit malayo ang bahay nito sa paaralan, nagagawa ng kanilang mga kaklase at kaibigan na pumunta sa kanilang bahay, para manghingi ng mga buko. Masayahin silang magkakaibigan. Pero dahil tinutukso si Shine, parang naisip niyang huwag nang pumasok sa paaralan. Minsan din syang napapagalitan ng kanyang guro dahil parang nawawala ang kanyang hilig sa pag-aaral dahil sa panunukso ng kanyang mga kaklase. 

Hindi naging madali ang mga napagdaanan ng magkakapatid. Dahil dito mas lalo pa silang nagpursigi sapagkat nakikita nilang naghihirap ang kanilang mga magulang at nakatatandang kapatid.

Unang araw ni Juan sa paaralan. Mahiyain si Juan, hindi halos nagsasalita. ‘Yong para bang isang tanong isang sagot. Masasabi nating tinuruan talaga silang magkakapatid kung paano ang tamang paggalang sa kapwa, na kapag may bisita ang kanilang mga magulang sa bahay, Tita, Tito, o mga kamag-anak man nila ito, sa kwarto lang silang magkakapatid.

“Kindergarten pupil” pa lamang si Juan noon, kaya’t s’ya ay hinahatid ni Nanay Nena, at hindi nagtagal ay sumasabay na ito kay Chloe at Shine sa pagpasok. Habang nag-aaral sa isang paaralan ang magkapatid, sila nalang ang naghahatid ng ilang galon ng “tuba o lambanog” sa malapit na tindahan. Medyo sanay na si Shine sa kanyang ginagawa. Ngunit ang mahiyain na si Juan ay para bang ayaw magbitbit ng galon na may lamang “uba o lambanog”. Nahihiya syang tuksuin na naman ng mga kaklase and kung sino man sa paaralan. Dahil dito’y pag sinasamahan nya ang kanyang ate Shine ay nilalagay nya ito sa “plastic” para hindi makita ng iba kung ano ang laman nito. 

Halos tuloy tuloy syang tinutukso ng kanyang mga kaklase, minsan ay napapaiyak pa nila ito. Sapagkat nag-iisa lang din syang lalaki, malimit syang pagsabihan na, “Ah.. Bakla ka Juan! Bakla! “ Babae man o lalaki ay ito ang sinasabi ng kanyang mga kaklase. Masasabi nating matalino sa klase si Juan, sapagkat gaya ni Shine ay nakakakuha din ito ng medalya at tuwang tuwa ang kanyang mga magulang at ate rito. Sa kabila ng kanilang paghihirap ay nagsusumikap ang magkakapatid. Nagbabakasyon ang magkapati na sina Annie at Jenny kapag may sapat itong pera, at malimit itong maghanda para sa tagumpay ng kanilang kapatid, at isinasabay din tuwing kapistahan. Kapag magbakasyon ang dalawa, maraming nauuwing pasalubong ito para sa pamilya at madalas nagdadala si Juan sa klase. Sapagkat marami siyang baon ay nakikipagkaibigan sa kanya ang mga kaklase niyang madalas syang tuksuin. 

Nagtapos na sa Elementarya si Shine at si Chloe naman ay nasa Sekondarya na. Nababahala si Juan sapagkat wala na siyang kakampi kapag siya ay aapihin o tutuksuhin ng kanyang mga kaklase. Dahil masasabi nating matalino si Juan, madalas din siyang hinihingian ng sagot ng kanyang mga kaklase kapag sila ay may pagsusulit at kapag hindi ito nagbigay ng sagot ay nagagalit sila at para bang may nagawa na itong kasalanan sa kanila. Hindi nagtagal ay naging marami ang kaibigan ni Juan. Isang araw, isa sa mga kanyang kaibigan ay nagtatawanan dahil binibiro nila ang kanilang kaklase, nakitawa rin si Juan, at sa hindi inaasahang pangyayari ay umiyak ang babae nilang kaklase. Nang dumating ang kanilang guro, nagsumbong si Jessica, ang kanilang kaklase at si Juan lang ang isinumbong nito, na wala nga itong kaalam alam sapagkat nakitawa lang siya. Hindi alam ni Juan kung ano ang kanyang gagawin sapagkat pinagsabihan na siya ng kanyang guro. Sa mga araw na iyon, umiyak ng umiyak na lamang si Juan sapagkat wala na ang kanyang ate, ang mga kaibigan niyang nagbiro at nanukso kay Jessica ay nanahimik na lamang, hindi na nakapagpaliwanag si Juan. Hindi sanay si Juan sa gulo, ang tahimik pa nga niya sa klase. Nagkataon lang na nakita siyang tumatawa. Ngunit hindi nagtagal, ang ibang kaibigan ni Juan ay nagsumbong sa kanilang guro.

“Ma’am, wala naman pong kasalanan si Juan, nananahimik lang po siya kanila, at parang nakangiti lang.” Sabi ni Sharon, ang kanyang kaibigan.

“Opo, Ma’am. Sila Joseph, Mark at Aldrin lang po ang nanunukso kay Jessica, kitang kita po namin. Tapos tawa po sila ng tawa.” Dagdag pa ng isa niyang kaibigan.

“Tsaka po Ma’am kapag wala po kayo palagi din po nilang pinagtatawanan si Juan, dahil daw po sa magsasaka at nagtitinda sila ng “tuba” diyan sa malapit sa tindahan, amoy “tuba” daw po siya!” Sumbong naman ni Justin. 

“Dumito nga kayo.” Tugon ni Gng. Santos, ang kanilang tagapayo. 

“Kailan pa ito nangyayari? Tanong niya.

“Matagal na po, Ma’am. Kahit noong nasa Grade 1 palang po kami, tinutukso na po nila si Juan hindi lang po sila sinusumbong o pinapatulan kasi baka daw po pagalitan din siya.” Sambit ni Justin.

Kinausap ng masinsinan ni Gng. Santos ang mga bata upang ipaliwanag sa kanila na mali ang kanilang ginawa sa kanilang kaklase. Isa ito sa mga paraan upang maiwasto ang kanilang kamalian. Humingi sila ng paumanhin kay Gng. Santos, gayundin kay Juan at sa iba pa nilang kaklase.

“Juan, pwede mo naman sa akin sabihin ang mga ginagawa sa’yo ng kaklase mo. Sapagkat hindi pwede at hindi natin papayagan na ganyan nalang ang turing sa iyo o kanino man ng mga kaklase mo ha.” Paliwanag ni Gng. Santos kay Juan.

“Opo, Ma’am. Maraming salamat po. Pinapatawad ko naman po sila.” Sagot ni Juan. 

Simula noon, itinatak sa isip ni Juan na hindi na siya magpapaapi. At nangako siya sa kanyang sarili na mas pag-iigihan pa ang kanyang pag-aaral upang makatulong sa kanyang mga magulang at upang hindi na siya tuksuhin ng kanyang mga kaklase. 

May mga panahong tinatawag parin siyang, “Oy, anak ni Uncle Tuba o kung ano-ano pa, pero balewala nalang ito kay Juan.

Nagtapos si Juan sa Elementarya na may karangalan, bilang isa sa mga magagaling sa kanilang magkaklase. Kapag siya at tinatanong kung ano ang gusto niya maging pag nakapagtapos ng kolehiyo ay nais niya maging abogado upang mas mapalawak pa niya ang kanyang kaalaman sa mga batas sa bansa at upang maprotektahan at maging patas sa lahat ng bagay, mahirap man o mayaman, bata man o matanda, at iba pa. 

Nag-aral din siya sa Sekondarya at sabay na rin silang pumapasok ng kanyang nakatatandang kapatid na si Shine. Sa sekondarya mas naging matatag si Juan at halos lahat ng kanyang kaklase ay kaibigan niya. Madalas din siyang kunin ng kanyang mga guro upang ilaban sa mga patimpalak. May mga iba’t ibang tawag sa kanya ang kanyang mga kaklase ngunit, mas nangingibabaw ang kanyang kabutihan at naipararating na niya ito sa kanyang mga guro upang hindi na maulit ang mga nangyari sa kanya noong siya ay nasa Elementarya pa. 

Ngayon ay nakapagtapos na sila sa Kolehiyo at may sarili ng mga trabaho. Hindi man trabaho sa kung ano ang gusto niya noong nasa Elementarya siya pero mas higit pa sa kanyang inaasahan ang mga biyayang dumating sa kanya. Balak parin niyang maging Abogado at magpatuloy parin sa pag-aaral. Sadyang napatunayan ng magkakapatid na hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng kanilang mga pangarap sa buhay. Natutulungan na nila ang kanilang mga magulan. May mga dumarating mang problema sa kanilang buhay, mas nangingibabaw ang kanilang pananampalataya. 

Hindi hadlang kung ano ang mga naging pangit na karanasan mo sa buhay. Hindi hadlang ang kung ilang beses kang nadapa o itinumba ng ibang tao, ang mahalaga ay kung ilang beses at hanggang kailan ka babangon. Huwag patitinag at padadaig sa anumang hamon sa buhay. Hindi hadlang ang anumang kasarian upang mapagtagumpayan ang ating mga mithiin sa buhay. Tao ka! Bangon! Ikaw ay likha ng Panginoon! Hindi pa nagtatapos ang kwento ng mag-anak. Marami pa silang kinakaharap sa kasalukuyan, ngunit bakas sa kanilang mga mukha ang kasiyahan dahil sa tagumpay na kanilang tinatamasa. Babae ka man, lalaki, o nasa ikatlong kasarian, hindi ka nag-iisa. Mabuhay ka!