Return to site

SA WIKANG BUMIBIGKIS

ni: EMERLYN C. ABRENICA

Selebrasyong dahilan ng pagsasama-sama ng pamilya,

Handog na gabi ng tula, awit, at masiglang saya.

Programang titipunin ang bawat tinig ng barangay—

Mga ngiting sabay-sabay na umaasang magtagumpay.

Mga sakunang dumarating, unos na hindi pinipili,

Ngunit dito, tayo’y nagiging iisa sa bawat sandali.

Sinong mag-aakala, sa gitna ng unos at gulo,

Isang wika pala ang magiging ating sagisag at puso.

Salitang sinasambit ng mga labi,

Salitang sa dusa’t ligaya’y hindi nagsasabi ng pagkampi.

Nagmumula sa pusong minsang sugatan,

Ngayo'y tinig ng tapang at pagkakaintindihan.

Sinong mag-aakala, isang wika ang mangunguna,

Sa bawat kalampag ng puso’t sigaw ng masa.

Wikang sumisigaw ng tulong at kasama,

Wikang nagbubukas ng daan tungo sa pag-asa.

Wikang bumubulong ng awa at kalinga,

Wikang nagpaparamdam ng yakap sa gitna ng ligalig at giyera.

Wikang nagtatahi sa wasak na alaala,

Wikang walang iniiwan—kahit sino, kahit kailan pa.

Isang mensahe, isang tawag,

Sa gitna ng unos, ito’y ating sandata’t sagwan.

Ano mang social media platform, maihahayag,

Pagkakaisa’y di nauubos habang tayo’y naglalakbay.

Ikaw ay may kasangga sa hamon at sa tagumpay,

Sa bawat pagbangon, may tinig na sasabay.

Di ka nag-iisa, mahal kong kababayan—

Ang ating wika ang tulay sa kinabukasan.