Wis…wis…wis…wis!
Ginising ako ng tunog ng walis tingting ni lola.
“Haaay!” hikab ko habang iminumulat ang aking inaantok pang mga mata at nag-iinat-inat habang patuloy na naririnig ang pagwawalis ni lola sa labas ng aming bahay. Bumangon at dahan-dahang inihahakbang ang mga paa patungo sa bintana at ito’y binuksan.
“Hmmmmm”
Malamig ang simoy ng hangin, kay gandang pagmasdan ng mga namumukadkad at makukulay na mga bulaklak at berdeng halaman sa hardin ni lola. Maraming paru-paro at bubuyog ang nagdadapuan sa mga ito. Mga ibon na araw-araw siya’y binibisita at inaawitan. Mga huni nito’y tila magandang awitin sa umaga. Kasabay, ang pagtilaok ng mga matitikas na tandang manok sa likod ng aming bakuran. Isang napakagandang ngang umaga!
“Lola! Lola! Lola”, papansing sigaw ko kay lola sabay ngiti habang nakadungaw sa bintana.
Isang masayang ngiti niya ang tugon sa akin habang abala sa kanyang pagwawalis.
Araw-araw lagi kong naririnig ang tunog ng kanyang walis. Palagi siya sa kanyang hardin at gusto niya laging malinis ang palibot ng aming bakuran.
Dali-dali akong lumabas ng bahay para puntahan, batiin, at yakapin siya.
“Wow…ang ganda ng hardin mo lola. Malinis at maraming makukulay at nakakabighaning bulaklak. Kay gandang pagmasdan po! Kahali-halina!” pagmamanghang sabi ko.
“Maraming salamat apo ko! Ako’y natutuwa at nagugustuhan mo. Palagi mo sanang tandaan apo na pahalagahan natin ang mga biyaya na ibinigay sa atin ng Poong Maykapal. Ito ay nagbibigay sa atin ng kaligayahan araw-araw,” paliwanag ni Lola Oyet.
Pagkatapos mag-walis, kinuha ni lola ang kanyang mga kasangkapang panghalaman. Tinulungan ko na rin siya sa pagbubuhat ng mga ito. Mayroon siyang asarol, dulos, gunting, regadera, pala, kalaykay, at marami pang iba.
“Pia, pakiabot nga apo ng dulos?” utos ni lola sa akin.
“Opo, lola! Para saan po ito?” pagtatanong ko.
“Ginagamit itong pangbunot ng mga damo at pinapaluwag ang mga lupa sa paligid ng halaman. Tulad ng ginagawa ko, tingnan mo apo kung paano. Ginagamit ko rin ito sa paglipat ng mga punla. Halika!” pagtuturo niya.
Pagkatapos, binuhat niya ang regadera na puno ng tubig. Diniligan niya ang kanyang mga halaman at mga bagong lipat na punla.
“Heto pa po lola,” sabay turo ko sa mga halaman na hindi pa nadidiligan.
“Tulungan ko na po kayo!” pangungulit ko.
At, nilagyan niya rin ng mga pataba ang mga ito.
“Lola, bakit po kailangan lagyan ng pataba?” pangungusisa ko.
“Para mas lalong gumanda at mamulaklak ang aking mga halaman,” tugon niya.
Kinakausap at kinakantahan rin niya ang mga halaman.
“La…la…la…” pakanta-kanta siya habang inaayos ang mga ito.
“Ah, kaya pala malulusog ang halaman niyo lola, eto pala ang sekreto niyo!” manghang-mangha ako.
“Ano po pangalan nitong mga bulaklak mo lola?” tanong ko.
“Ito ay Rosas, Gumamela, Bougainvella, Santan, Sampaguita, Orchids, at marami pang iba,” habang tinuturo niya isa-isa ang mga ito.
Ngunit, isang araw…
May napansin ako, bakit nagbago na ang hardin ni lola? Bakit hindi na namumulaklak ang mga halaman niya. Wala nang bango…wala ng sigla…wala na ang makukulay at mga namumukadkad na bulaklak…tuyo, nalalanta! Ang mga berdeng dahon ay tila naging dilaw na. Bakit? Anong nangyari? Hindi ko na rin naririnig ang wiswis ng walis ni lola.
“Mama, ano po nangyari sa hardin ni lola?” pag-uusisa ko.
“Anak, nalulungkot rin ang mga bulaklak dahil maysakit ang lola mo,” malungkot na tugon ng aking ina.
“Po? Anong nangyari kay lola mama?” pangungulit ko.
Dali-dali kong pinuntahan si lola sa kwarto niya.
“Lola, ano po nangyari sa inyo? Magpagaling po kayo,” humahagulhol ako sa iyak.
“Opo, apo! Salamat sa pag-aalala mo. May sakit ang lola, kailangan ko muna magpahinga at magpalakas muli,” mahinang tugon niya.
“Lola, hayaan niyo po, aalagaan ko po kayo at ako na rin po muna ang mag-aalaga sa mga halaman mo po,” ngiting pagkukumbinsi ko sa aking lola.
Lahat ng tinuro ni lola sa akin ay ginawa ko, nagtanggal ng damo, nagdilig ng halaman, naglagay ng abono, at kinakausap ko rin araw-araw ang kanyang mga halaman at inaawitan.
“Sana’y bumalik na rin kayo sa dati. Tiyak na matutuwa si Lola pag nakita niya na namumulaklak na ulit kayo,” panambitan ko.
La…la…la…la…
At, unti-unti naring bumabalik ang ganda ng hardin ni lola. Napalundag ako sa tuwa.
“Wow…ang ganda! Tiyak magugustuhan ito ni lola. Sana gumaling na po siya Panginoon Diyos,” pagsusumamo ko.
Dali-dali kong pinuntahan si Lola sa kanyang kwarto para ikwento ang nangyari sa kanyang hardin.
Dinalhan ko siya ng makukulay na bulaklak mula sa kanyang hardin.
“Lola, mano po. Heto po para sainyo,” malambing na banggit ko sa kanya habang iniaabot ang mga magagandang bulaklak.
“Salamat, apo ko!” tuwang-tuwa ang lola.
Nagsimula na rin akong mag-kwento ng mga ginawa ko sa hardin niya.
“Maraming salamat po, Panginoon! Unti-unti na pong gumagaling ang lola ko,” sambit ko sa sarili.