Return to site

PUNYAL NG KAHAPON, HINASA NG PANAHON

MARY ROSE A. GARFIL

· Volume V Issue I

“Keri”, “Was anda”

“Werla na si ermat”, dagdag pa ng isa

Ito’y mga salitang maririnig natin sa masa

Mga salitang, hindi nakagisnan ng mga taong nauna

 

Wika nati’y sadyang mapagbago

Sumusunod ito sa paglago at pag-unlad ng mundo

Kaakibat sa paglinang ng karunungang pantao

Kaalaman sa Wikang Filipino’y, mahalagang totoo

 

Sa paglipas ng panaho’y patuloy na hinahasa

Wikang nakagisnan mula pagkabata hanggang sapagtanda

Sa gitna ng globalisasyon ito rin ay sandata—

Sa moderno mang panaho’y nagsisilbing kasangga

 

Sa makabagong henerasyon, nagdudulot ng pagbabago

Hindi mawari kung ito’y ikakasiya o ikakapanlumo

Wikang nakamulatan ay tila ba naging halo-halo

Katutubong wika’y napalitan na ba ng wikang conyo?

 

Makipagsabayan sa salitang kakaiba ay ‘di masama

“Kung ika’y mabagal, ika’y mapag-iiwanan”, ika nga nila

Ngunit sariling wika ay ‘wag limutin,

Bagkus ay paigtingin, pagyamanin, tangkiliki’t gamitin.

 

Yugto man ng wika sa mundo ay naging mahirap,

Sa kaibuturan ‘siyang humubog ng pag-asa’t pangarap.

Nagsisilbing ilaw sa pagtahak ng tuwid na landas

Lunsaran ng pagpupunyagi sa mundong mapangahas

 

Katulad ng pakikibaka ng ating mga bayani

Nang sa gayo’y kalayaan ay makamit at mapursigi

Gamitin natin ang katutubong wika at huwag hayaangmamatay

Tangkilikin at gawing sangga sa pakikihamok sa hamonng buhay

 

Katutubong wika, paunlarin, huwag kalimutan

Punyal ng karunungan, mapanghahawakan saanumang laban

Kung sa wikang Filipino nakamit ang kasarinlan

Ito rin ang makakatulong sa ating pagpupunyagi upangmaiahon ang bayan

 

Anumang pagdaanan ay malalagpasan

Nasa bansa ka man o dumayo sa lugar na dayuhan

Wikang kinagisnan ay isa-puso’t itanim sa isipan

Pangarap mo’y tunay na maisasakatuparan

 

Pagpupunyagi, kasama ang bayang kinalakhan

Punyal ng kahapon tangkilikin at huwag kalimutan

Wikang Filipino na ating namulatan

Patuloy na hinahasa ng panahon, mag-iba man ang henerasyon.