ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa morpolohikal na varyasyon ng pasalitang diskurso sa wikang Minásbaté sa Munisipalidad ng Balud ayon sa bokabularyong ginamit sa komunikasyon. Binigyang-pansin dito ang pagsiyasat sa varayti ng nasabing wika ayon sa bokabularyo, pagbuo ng mga salita at gamit sa pangungusap. Nilayon ding maipaliwanag ang morpolohikal na varyasyon ng nasaad na wika at ang mga salik na nakaiimpluwensya rito. Mula sa mga nakalap na datos, nakabuo ang mananaliksik ng talatinigan sa wikang Minásbaté na may tumbasan sa wikang Filipino. Ang mananaliksik ay gumamit ng kwalitatibong paraan ng pag-aaral. Ang pakikipanayam ang pangunahing teknik na ginamit sa pangangalap ng mga datos at paglikom ng mga impormasyon. Kinapanayam ang 30 mamamayan mula sa anim na mga barangay ng Munisipalidad ng Balud, lalawigan ng Masbate. Tungo sa organisadong daloy ng panayam, gumamit ng binalangkas na gabay na tanong. Batay sa naging resulta ng pag- aaral, nagkaroon ng varyasyon sa pasalitang diskurso mula sa anim na barangay ng Balud ang wikang Minásbaté. Ang mga varayti ng nasabing wika ay nakitaan ng mga payak na salita, pag-uulit na parsyal at ganap, pagtatambal na parsyal at ganap. Ginamit din sa komprehensibong pangungusap ang mga salita batay sa bahagi ng pananalita at nagkaroon ng iba’t ibang salik na nakaiimpluwensya sa varyasyon nito. Inipon at sinuri batay sa gamit ang mga bokabularyong Minásbaté na ginamit sa komunikasyon. Isinagawa ito bilang batayan ng isang talatinigan sa wikang Minásbaté na may tumbas sa wikang Filipino. Inirerekomenda ng mananaliksik na ang awtput na binuo ay gamitin ng mga guro at mag-aaral sa mga simulain sa pag-aaral at pagtuturo ng wika at kultura. Maging gabay at lunsaran ng mga susunod na mananaliksik na may kaugnay na paksa.
Susing Salita: Minásbaté, Morpolohikal na Varyasyon, Pasalitang Diskurso, Talatinigan
INTRODUKSIYON
Malaki ang papel na ginagampanan ng wika sa buhay ng tao. Wika ang namamagitan sa bawat isa upang magkaroon ng pagkakaunawaan at maipabatid sa iba ang kanyang damdamin, naiisip at ninanais. Ito ang behikulong makapangyarihan sa pakikipag-ugnayang sosyal na may malaking papel sa pagdukal ng karunungan o kamalayan. Isang instrumentong nagbibigay-linaw sa kung ano ang pinagmulan o kasaysayan ng isang indibidwal o pangkat ng tao.
Mahalagang may kakayahan ang isang tao sa paggamit ng wika na naaayon sa lipunang ginagalawan upang maisakatuparan ang pagpaparating ng tamang mensahe. Sa sosyolingwistikong pagtingin, ang varayti ng wika ay nararapat bigyang-tuon sapagkat ayon kay Tollefson (1991), na nagbigay ng tipolohiya ng mga pangkat ng wika batay sa mga istrukturang katangian ng mga varayti ng wika sa antas ng multilinggwalismo at ang gamit ng mga varyasyon ng mga ito. Nagkakaroon ng pagkakaiba-iba ang isang wika kaugnay ng dalawang mahalagang salik – ang heograpikal at sosyal. Sa kontekstong heograpikal, nagkakaroon ng pagkakaiba sa tono, bokabularyo o grammar ng wika ang tagapagsalita. Samantalang ang pagkakaiba-iba ng wika sa iba’t ibang interes o gawain, propesyon, pamumuhay at iba pa ay tumutukoy sa kontekstong sosyal [7].
Kapansin-pansin ang pagkaiba-ibang ito sa mga varayti ng wika. Ang varayti ng wika ay tumutukoy sa iba - ibang uri ng parehong wika na ginagamit ng iba’t ibang grupo na may varyasyong panloob sanhi ng lugar na kinaroroonan ng partikular na grupo ng mga tagapagsalita o grupong kinabibilangan [4]. Nagkaroon ng linggwistikong baryasyon ang wika sa isang speech community dulot ng katayuang sosyal, lahi, trabaho, kasarian at iba pa. Speech community ang tawag sa grupo ng tao na gumagamit ng parehong uri ng wika, nagbabahaginan ng espesipikong tuntunin sa pagsasalita at nagbibigay interpretasyon gamit ang isang wika. Masasabi ring speech community ang grupo ng mga taong naninirahan sa parehong lipunan na may kani- kanilang sub-grupo na nagtataglay ng sariling wikang ginagamit ngunit nagsasalita rin ng wikang komon kung bahagi nang malaking grupong kinabibilangan. Ekspresyon ito ng kultura dahil ang wika ay panlipunan.
Bilang bansang binubuo ng maraming kapuloan, ang Pilipinas ay mayaman sa iba’t ibang wika at diyalekto. Isa sa mga lugar na kakikitaan nito ay ay probinsya ng Masbate. Ang Masbate ay isang isla na lalawigan na matatagpuan sa gitna ng kapuluan ng Pilipinas. Binubuo ito ng isang mainland na hugis wedge (Masbate), dalawang pangunahing isla (Ticao at Burias) at 14 na maliliit na isla. Ang hangganan nito Ito ay matatagpuan sa hilaga ng Bicol Mainland, sa timog ng Visayan Sea, sa kanluran ng Sibuyan Sea at sa silangan ng Burias Pass, Ticao Pass at Samar Sea.
Ang lalawigan ay sumasaklaw sa kabuoang lawak ng lupain na 4,047.7 kilometro kuwadrado. Ito ay politikal na nahahati sa tatlong distrito ng kongreso, 20 munisipalidad, isang lungsod at 550 barangay. Ang Masbate ay may populasyon na 707,668 noong 2000 census, lumalaki sa average na rate na 1.71 porsiyento mula 1995 hanggang 2000. Ang lalawigan ay may average na density ng populasyon na 174.8 katao kada kilometro kuwadrado [5].
Ang lalawigan ng Masbate gaya ng ibang lugar ay tahanan din ng mga wika at wikain. Ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) (2022), Bikol ang opisyal na wika ng Masbate katulad ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Sorsogon. Mayroon ding ibang wikang ginagamit ang iba pang grupo sa rehiyon ng Bikol, sa Camarines Norte ay ginagamit ang wikang Tagalog at Manidė. Sa Camarines Sur naman na may iba’t ibang grupong Agta ay gumagamit ng Agtâ, Isaróg, Agtâ Irigà, Agtâ Irayà, at Rinkonàda. Ang Wikang Filipino at Ingles ay mabilis ding natutuhan ng mga Bikolano na siyang ginagamit na mga wikang panturo sa paaralan. Varayti ng Bikol ang Bikol Catanduanes na may halong Bisaya. Ginagamit ito sa mga bayan ng Panganiban, Viga, Bagamanoc, Pandan, Payo at Caramoan sa Catanduanes. Ang mga nagsasalita nito ay tinatawag ayon sa lugar na kanilang pinagmulan, gaya ng Payonhon para sa mga taga-Panganiban, Minásbaté para sa mga taga- Masbate, atbp. [3].
Dahil sa heograpikong lokasyon, ang Masbate ay itinuturing na isang melting pot ng mga wika at kultura. Ang terminong 'Minásbaté' ay ginagamit din minsan upang makilala ang wika mula sa mga tao. Ang Minasbaté (msb) ay isang miyembro ng Central Philippines at ng Bisayan subgroup ng Austronesian family of languages. Ito ay sinasalita sa Masbate at ilang bahagi sa Sorsogon [6].
Ayon sa pinakahuling ulat ng Ethnologue (Eberhard, D., Simons, G., Fennig, C., (2021) tungkol sa mga wika sa mundo, mayroon itong kabuoang 724, 000 sispiker (UNSD 2005) na may 474,000 na gumagamit na nagsasalita nito bilang kanilang unang wika at humigit-kumulang 250,000 tagapagsalita ang gumagamit nito bilang kanilang pangalawang wika. Pinakamalapit na nauugnay ang Minásbaté sa Capiznon, na may 79% na pagkakatulad ng leksikal at Hiligaynon na may 76% na pagkakatulad ng leksikal. Ito rin ay malapit na nauugnay sa Sorsoganon; ang wika ng Sorsogon. Ito ay dahil ang Masbate ay dating bahagi ng Sorsogon Province at pinamamahalaan mula sa Sorsogon City hanggang 1920’s. Gayunpaman, ang kamakailang paghahambing ng leksikal ng mga barayti ng pananalita na sinasalita sa limang bayan ng Masbate ay nagpakita na ang Minásbaté ay lubos na naiimpluwensyahan ng Waray, na sinusundan ng Hiligaynon, Cebuano at Bicolano.
Patunay lamang ang mga naunang pahayag na dulot ng pisikal na lokasyon o heograpikal na katayuan ng probinsya ng Masbate, hindi maiiwasang magkaroon ng varayti ng wika sanhi ang iba’t ibang salik nito. Batid ng mananaliksik ang malawakang suliranin sa kaisahan ng salitang ginagamit sa probinsya ng Masbate dulot ng iba’t ibang varayti na mayroon ang bawat munisipalidad. Bunsod nito, ang kagustuhan ng mananaliksik na mabigyang-pansin ang pag-aaral sa morpolohikal na varyasyon sa pasalitang diskurso gamit ang kanluraning dayalekto ng Masbate ang bayan ng Balud na siyang sentro ng pag-aaral. Ang mga bokabularyong Minásbaté na ginamit sa panayam ay tinumbasan sa Filipino para sa binuong talatinigan na magagamit bilang gabay sa patuloy na pagreserba sa pamanang wika.
see PDF attachment for more information