Return to site

PABORITONG SUMAN NI SISO

ni: JOCEL A. REDOBLADO

Sa isang tahimik na baryo na malapit sa paanan ng Bulkang Mayon, naninirahan ang batang si Siso, isang batang magalang, masayahin, matulungin at mapagmahal. Napakahilig niya sa kakanin na suman.

Tuwing sasapit ang buwan ng Agosto, labis ang galak ni Siso dahil ito ang buwan kung saan buong baryo ay gumagawa ng suman. Ipinagdiriwang nila itong buwan ng Agosto bilang “Kapistahan ng Suman.”

“Nay! Darating po ba ngayon sina Tiya Susan at Lola Sepan?”, ang galak na tanong ni Siso.

Tuwing buwan ng Agosto, dumadalaw kasi ang tiyahin niya at ang lola niya upang gumawa ng suman.

“Mamaya Siso anak, darating na sila. Kaya tulungan mo na akong ihanda ang mga gagamitin natin sa paggawa ng suman, sambit ng kanyang ina.

Ang suman na gustong gusto ni Siso ay ang suman na gawa ng kanyang Lola Sepan. Ito ay kulay lila na gawa sa malagkit, “maragadan”, gata ng niyog at asukal. Binalot sa dahon ng saging at tinalian ng tali na galing sa sako.

Pero laking pagtataka ni Siso na si Tiya Susan at ang kaibigan lamang niya ang dumating.

“Tiya Susan, nasaan po si Lola Sepan?”

“Hindi siya makakapunta Siso dahil masama ang kanyang pakiramdam, kaya si Tiya Seba na muna ang pinasama niya.

Labis ang lungkot ni Siso dahil hindi niya matitikman ang suman na gawa ni Lola Sepan.

“Huwag ka ng malungkot Siso, halika at tuturuan kita paano gumawa ng suman upang masorpresa mo si Lola Sepan”, ganyak sakanya ni Tiya Susan.

Umaliwalas ang mukha ni Siso at tinuruan nga siyang gumawa ng kanyang mga tiya at ng kanyang nanay hanggang sa nakagawa din siya ng suman.

Tuwang-tuwa si Siso dahil tamang-tama ang tamis at ang kulay ng ganyang gawa katulad ng gawa ni Lola Sepan.

“Tiya Susan, maaari mo po bang dalhan si Lola Sepan ng aking ginawang suman?, saad ni Siso.

“Aba! tiyak na matutuwa iyon si Lola Sepan, lalo na kapag nalaman niyang ikaw ang may gawa ng suman”.

At ganun nga ang nangyrai, labis ang tuwa ni Lola Sepan dahil lagi siyang inaalala ni Siso.

Tuwang tuwa din si Siso dahil sa wakas ay alam na niya kung paano gawin ang paborito niyang suman. Kaya simula noon, katulong na siya ng kanyang Lola Sepan sa paggawa ng suman tuwing sasapit ang buwan ng Agosto. At galak na galak naman si Lola Sepan dahil sa murang edad ni Siso ay pinapahalagahan niya ang kulturang kinagisnan niya.