ABSTRAK
Ang pag-aaral na pinamagatang “Mga Estratehiya at Karanasan sa Pagtuturo ng Filipino sa Baitang 7 at 8: Hamon sa mga Non-Filipino Major sa Pampublikong Paaralan sa Sekundarya” ay naglalayong sagutin ang mga sumusunod na suliranin: (1) matukoy ang antas ng mga estratehiyang ginagamit ng mga guro na may non-Filipino major sa pagtuturo ng Filipino sa Junior High School batay sa pagtuturo ng nilalaman, pamamahala ng silid-aralan, at pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral; (2) malaman kung may makabuluhang pagkakaiba sa antas ng mga estratehiyang ginagamit ng mga guro batay sa mga nabanggit na aspeto; (3) matukoy ang antas ng karanasan ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino batay sa kaalaman sa asignatura, paggamit ng mga materyales, pamamahala ng klase, at pag-aangkop ng mga estratehiya; at (4) malaman kung may makabuluhang pagkakaiba sa antas ng karanasan ng mga guro batay sa apat na baryabol. Ang mga baryabol sa pag-aaral ay binubuo ng mga estratehiya sa pagtuturo na kinabibilangan ng pagtuturo ng nilalaman, pamamahala ng silid-aralan, at pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral, at ng mga karanasan sa pagtuturo na kinabibilangan ng kaalaman sa asignatura, paggamit ng mga materyales, pamamahala ng klase, at pag-aangkop ng mga estratehiya. Ang mga respondente ng pag-aaral ay binubuo ng tatlumpu’t limang (35) non-Filipino major na guro, labindalawang (12) pinuno ng Departamento ng Filipino, labindalawang (12) punong-guro, at limang (5) juror, na may kabuuang bilang na animnapu’t apat (64). Gumamit ang pag-aaral ng deskriptibong disenyo sa pamamagitan ng pamamaraang sarbey at ginamit ang isang balidado at istrakturadong talatanungan bilang pangunahing kasangkapan sa pangangalap ng datos. Isinagawa ang pag-aaral sa mga piling pampublikong sekundaryang paaralan sa Ikalawang Distrito ng Albay sa taong panuruan 2025–2026.
Ayon sa isinagawang pag-aaral, natuklasan na sa antas ng mga estratehiyang ginagamit ng mga guro na may non-Filipino major sa pagtuturo ng Filipino sa Junior High School, ang pagtuturo ng nilalaman ang may pinakamataas na average na 3.67 at pagkakalarawan na Palagiang Ginagamit, samantalang ang pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral ang may pinakamababang average na 3.62 at pagkakalarawan na Palagiang Ginagamit. Ipinakita rin ng pagsusuri na walang makabuluhang agwat ng pagkakaiba sa antas ng mga estratehiyang ginagamit ng mga guro batay sa mga baryabol sapagkat ang computed value na 4.05 ay mas mababa kaysa sa tabular value na 5.991 sa 0.05 antas ng kabuluhan. Samantala, sa antas ng karanasan ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino, ang pag-aangkop ng mga estratehiya ang may pinakamataas na average na 3.55 at pagkakalarawan na Palagiang Ginagamit, habang ang kaalaman sa asignatura ang may pinakamababang average na 3.31 at pagkakalarawan na Kadalasang Ginagamit. Ipinakita rin ng resulta na may makabuluhang agwat ng pagkakaiba sa antas ng karanasan ng mga guro batay sa mga baryabol sapagkat ang computed H value na 13.936 ay mas mataas kaysa sa tabular χ² value na 7.815 sa 0.05 antas ng kabuluhan. Bukod dito, ang binuong Gabay sa Pagtuturo: Banghay-Aralin sa Filipino 7 at 8 ay nakatanggap ng pangkalahatang ebalwasyon na may weighted mean na nasa saklaw na 3.50–4.00, at pagkakalarawan na Tanggap na Tanggap mula sa mga juror.
Base sa mga natuklasan at konklusyon, ang pag-aaral na ito ay nagrerekomenda na Dapat Magpatupad ang mga Administrador at Taga pamahala ng Paaralan ng mentoring at peer-coaching program; Suportahan propesyonal na pag-unlad ng mga guro sa pagbibigay ng training scholarships o DepEd-initiated capacity-building programs; Magkaroon ng mga hakbang sa pagpapalaganap ng libreng resources ng mga kagamitang pampagtuturo na magagamit ng mga guro sa makabagong pagtuturo ng Filipino sa kasalukuyan; Palawakin ang paggamit ng inobatibong estratehiya sa pagtuturo; Dumalo sa mga karagdagang pagsasanay (LAC sessions at in-service training); Maglaan ng sapat na mga materyales sapagtuturo at kagamitan sa Filipino at Gamitin ang inihandang Gabay sa Pagtuturo bilang supplementary material.
PANIMULA
Ang pagtuturo ng Filipino ay isang mahalagang bahagi ng edukasyon sa Pilipinas dahil nakatutulong ito sa mga mag- aaral na matutunan at pahalagahan ang ating wika at kultura. Ito rin ay susi sa pag-unlad ng mamamayan at pamayanan. Ito ay isang malaking hamon sa mga non-Filipino major na mga nagtuturo ng Filipino gamit ang makabago at malikhaing pamamaraan ng pagtuturo.
Sa Bagong Konstitusyon ng Pilipinas taong 1987, nakasaad sa Artikulo XIV, Seksyon 6, na ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Habang ito’y nililinang, dapat rin na ito’y payabungin at pagyamanin pa, sa salig na umiiral na wika sa Pilipinas at sa ibang pang mga wika. Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat na magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang puspusang itaguyod ang paggamit ng Wikang Filipino bilang opisyal na wikang pang komunikasyon at bilang midyum sa pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.
Ang DepEd Advisory No. 380, s. 2012 Hasaan 3: Pambansang Komprehensiya sa Pagpapaigting ng Kadalubsaan sa Wika, Panitikan, at Teknolohiya na may tema Ang Filipino sa Nagbabagong Kalakaran: Pagkinis at Paghugis Tungo sa Pagpapanibagong-bihis at DepEd No. 021, s. 2019 Policy Guidelines on the K to 12 Basic Education Program ay naglalayong palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa wika, panitikan, kultura, at teknolohiya.
Ayon sa DepEd Order No. 42, s. 2017, pinamagatang National Adoption and Implementation of the Philippine Professional Standards for Teachers (PPST). Kinikilala ng kautusang ito ang mahalagang papel ng de-kalidad na pagtuturo sa pagpapabuti ng pagganap ng mga estudyante at naglalayong magbigay ng balangkas para sa pagpapaunlad ng mga guro na naaayon sa reporma sa edukasyon na K to 12 at sa pandaigdigang pamantayan.
Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa pagsusuri ng mga karanasan at estratehiyang ginagamit ng mga non-Filipino major na guro sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa Junior High School. Layunin nitong alamin ang mga hamon na kanilang kinakaharap at ang mga paraan kung paano nila iangkop ang kanilang pagtuturo upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral.
see PDF attachment for more information