Inang bayang sinisinta, marahil ikaw ay nagtatanong
Ilan pa kaya… bakit…paano tatayo ngayong panahon ng pandemya, ang bansa ay susulong?
Sa tindi ng pagdatal, sunod-sunod na pagsubok
Pagdarahop, pagdurusa, tila apoy…tumutupok.
Inang bayang sinisinta, nasasaling ang puso mo, nahahabag sa pasakit
Biling-baliktad sa pagtulog, sa paghimlay alumpihit
Damdamin ay kinikipkip, tila di mo na malirip
Kapakanan ng bayan mo’y sa tuwina ay iniisip.
Inang bayang sinisinta, marami ng unos ang nagdaan at hindi na mabilang pa
Makadurog-puso ang paghikbi mo, sa bawat pagdatal nila
Sa kabila ng hilahil, hindi ka tumutumba
Ang lakas mo ay Poong Diyos, hindi ka nag-iisa.
Inang bayang sinisinta, paghanga at pagdakila mo ay hindi maiaalis
Saludo ang alay mo, paglingap na labis-labis
Sa iyong mga anak na frontliners nag-alay ng dugo’t-pawis
Bayani sila sa puso mo, silang lubhang nagtitiis.
Inang bayang sinisinta, pangaral mo, kalamidad lalabanan,
bagyo man o pandemya
Ito’y tatak ng bayan mong makadiyos, puno ng pag-asa
Ang pagsamo at dalangin mo, tayo’y isang lahi, lahat ay aahon
Sagip-buhay, kapit-bisig lahat ay babangon.
Inang bayang sinisinta, ang pag-aruga mo ay hindi nagtatapos
Tigib man ng tinik at pagsubok, pag-ibig mo ay taos
Ang iyo ngang pag-agapay, pagsuporta at pagdamay
Hindi maikakaila, ikaw nga’y aming Inay...