Return to site

LARONG PINOY

Rubilyn M. Lumbres

· Volume I Issue IV

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan,
Pagkabilang kong sampu nakatago na kayo"

Tagu-taguan mga bata magtago na,
Tagu-taguan lahat sila ay nataranta,
Tagu-taguan may sakit na sa ati’y napunta,
Tagu-taguan ang tanging magagawa niya,
Tagu-taguan manatili sa tahanan niya.

“Taya-tayaan! Ikaw ang Taya!”

Taya-tayaan takbo na mga bata,
Taya-tayaan ayokong maging taya,
Taya-tayaan huwag mo akong hawakan,
Taya-tayaan huwag mo akong lapitan,
Taya-tayaan ayaw kong mahawaan.

Patintero! Hindi pwedeng dumaan!

Patintero sino ang haharangan ko?
Patintero sa daan kay raming mga kawani ng gobyerno,
Patintero bawal dumaan dito,
Patintero hindi ako magpapatalo,

Patintero sa COVID-19 lalaban ako.

Bato-bato pik! Papel! Gunting! Bato!

Bato-bato pik ako ang magiging bato,
Bato-bato pik upang maging matatag ako.
Bato-bato pik ako ay isang gunting,
Bato-bato pik upang maputol na ang COVID-19.
Bato-bato pik ang papel ang gagamitin ko,
Bato-bato pik dito nakasulat laman ng isip at puso ko.

Tumbang preso! Sapul ka!

Tumbang preso sino ang matutumba?
Tumbang preso bata bata magpakatatag ka.
Tumbang preso huwag kang maging lata,
Tumbang preso sa halip maging tsinelas ka,
Tumbang preso na magpapatumba sa sakit na tinatamasa.

Sa lahat ng larong nabanggit ko,
Magiging matatag at palaban ako.
Kung anuman ang nagaganap sa ating mundo,
Hindi ito magiging hadlang sa mga pangarap ko.