Noon pagsapit ng umaga kami ay hindi magkandaugaga,
Sa pagpasok sa eskwela kaming lahat ay alagang-alaga,
Natututo sa mga araling turo ng gurong mapag-aruga,
Kaya naman lahat ng mga bata ay masipag at nagtitiyaga.
Pagdating sa hapon masaya kaming naglalaro sa labas,
Takbuhan, taya-tayaan at patintero lahat kami ay pandalas.
Init ng sikat ng araw ay aming danas na danas,
Kaming lahat ay walang sinasayang na oras,
Habang kami ay naglalaro sa labas.
Ngayon ay Marso na at lahat kami ay nagagalak,
Sapagkat diplomang aming pinaghirapan ay maaari ng mahawak.
Pinaghirapan ng ilang buwan at mga pangarap na hindi mawawasak,
Ang siyang inaasam ng mga magulang habang sila ay pumapalakpak.
Ngunit lahat ng ito ay bigla na lamang nawala,
Sapagkat sa isang iglap may sakit na pumakawala,
Sa COVID-19, bata, matanda, lahat ay nabahala.
Enhance community quarantine ay bigla na lamang nagsimula.
Pagpasok sa eskwela ay siya munang ipinatigil,
Upang paglaganap ng COVID-19 ay mapigil.
Mga tao sa loob ng kanilang tahanan muna titigil,
Kasama kaming mga batang sa paglalaro ay gigil na gigil.
Tara pumasok na tayo! Tara laro tayo!
Mga salitang bigla na lang naglaho.
Ang dating mga kalaro ngayon ay kanya kanya na ang tago.
Di ko lubusang maisip na ang mundo ay biglang nagbago,
Pagbabagong sana ay magmulat na sa pag-iisip ng mga tao.