Return to site

KAYAMANAN

MA. THERESA C. RAMOS

· Volume II Issue III

Maganda, seksi at matalino. Mga katangian na akala ko meron ako. Kasi, naniwala ako kina nanay at tatay. Sabi kasi nila, ako ang pinakamaganda at pinakamatalino. Sa totoo lang, napakasarap pakinggan, feel ko totoong- totoo lahat.

Nang nag-aral ako sa elementary, highschool at kolehiyo, nakita ko ang malaking kasinungalingan sa mga sinabi nina Nanay at Tatay. Di lang pala ako ang maganda, seksi at matalino, marami pala kami. Siguro sinabi lang nila yun sa akin nung bata ako para di ako magpabili ng bagong laruan, sina nanay talaga, pinaasa lang ako. Umasa naman ako.

Naranasan ko sa eskuwelahan na buskahin ng mga kaklase ko mula sa kulay ng balat kong morena, sa aking pagiging maliit, sa pagsulat ko na talagang pangit, sa pagiging lampa, at pagiging mahina sa Math.

Ano ba yan lahat na lang di ko kaya, ano pa ang kaya ko? Kawawa naman pala ako, tampulan ng tukso, nakakapanghina ng loob, minsan ayoko na pumasok, pero palaging nandiyan sina nanay at tatay, taga-push ko. Laban lang anak, kaya mo yan. Huwag mo na silang pansinin ang importante mahal ka namin. Pero di ko pa rin maalis sa isipan ko ang mga karanasang naging dahilan kung bakit ganito ako ngayon. Siguro nakatulong din sa akin ang mga pang-aasar nila, buti na lang di ko sila pinatulan.

Naalala ko tuloy ang teacher ko sa elementary pag pinapasulat kami sa blackboard, ayoko talagang tumayo. Bakit? Kasi nga pangit akong sumulat. Kaya sabi nila noon sa akin, kinalaykay daw ng manok ang sulat ko. Sabi ko pa nun sa sarili ko, ano bang ibig sabihin ng kinalaykay ng manok, e wala naman kaming manok sa bahay, ano ba ang ibig sabihin nun. Hindi ko talaga maintindihan, umiyak talaga ako noon ke nanay, kahit di ko talaga naiintindihan ang ibig nilang sabihin. Sabi niya hayaan mo na anak, mabait ka naman, ok nayun. Ano yun, puri ba o insulto, anong kinalaman ng sulat ko sa kabaitan ko. Kaloka talaga si nanay, gagawin ang lahat, mapagaan lang ang loob ko. Kaya sabi ko noon, aayusin ko na ang pagsusulat ko. Nagbago din naman ang sulat ko, in fairness, kaso marami pa ring mas maganda ang sulat sa akin, pero at least ngayon marami na kami na nakakabasa ng sulat ko. Nice one!! Wow!! Improving!!

Wag mo lang akong asahang mag drawing, naku patatawarin, wala talaga akong talent sa drawing. Ang lahat sa akin stick lang. Nakakahiya talaga! Sila may katawan ang drawing, ako stick lang drawing ko, pati ung kulay, di pa pantay, ano ba yan. Pati linya di ko mapantay, ano ba yan, duling, straight line, di ma drawing. Kaya sabi ko sa mga kaklase ko magsusulat na lang, wag ninyo na ako pag drawingin, wala talaga kayong mapapala sa akin. Kaya sa arts, wala, suko na ako dun. Di talaga kaya ng powers ko, pero inaral ko pa rin, awa ni Lord, nagbago naman may katawan na ang tao ko ngayon, straight na ang line at di na lampas ang guhit. Buti na lang nag praktis akong mabuti, nakukuha naman pala sa praktis at dasal. Di nga lang katulad sa iba na talagang magaling, pero at least nagbago na. Sabi nga nila, practice makes perfect.

Pati sa sports, ay naku. Gusto ko sa sports, kaso ayaw ng sports sa akin. Nandyang sa volleyball, natamaan ako ng bola sa mukha. Kaya din na ako sumali ulit. Sa badminton, di ko naman matamaan ang bola, sa running nadadapa naman ako. Ano ba yan? Kawawa naman ako talaga.

Buti na lang marunong akong kumanta at mag banduria, nawala ang takot ko sa pagsali sa mga program.

Pati sa Math, naku, pinagkaitan talaga ako. Batid ko sa sarili ko, hindi ako magaling sa Math kahit noong elementary pa ako. Naalala ko na naman ung teacher ko ng Grade 3, sa Math. Multiplication ang topic, di ko talaga ma solve, kasi di ko pa nga saulado ang multiplication table. Tinawag ba naman ako, of all people sa room, ako pa talaga. E halos magtago na nga ang mukha ko sa table para lang di niya ako mapansin, ako pa talaga. E di wow. Sa madaling salita, tinawag ako, at ano pa, e di di ko nasagot, nagalit ang lola mo. Sermon too the max talaga. Wagas! Uuwi na lang kami, may baon pa akong sermon. Sinabi ko din yun sa nanay ko. Eto na naman, sabi niya, mag memorize ka kasi ng multiplication table. Ang hirap kaya, table 3-10. Ikaw na, mamemorize ko agad un lahat. Kaya ang solusyon, araw araw talaga nag memorize ako, paulit ulit talaga. Hanggang sa na memorize ko na. Matagal pero at least memorized ko na.

Nung highschool ako, eto na naman ang Math, ayaw talaga akong iwan, kahit anong gawin ko. Lahat ng kaklase ko sinabihan na makukuha na ang card bukas. OMG, ako na lang ang di natatawag, LAGOT na bagsak ako. Tinawag ako ng guro namin sa Math. O Thess, isama mo ang Tatay mo bukas sa school, siya ang kukuha ng card mo. Sabi ko, bakit po Sir. Sabi niya bukas mo na malalaman.

Nang umuwi ako ng bahay, naalala ko sabi ng teacher ko dati, pag di pinatawag ang magulang mo, pasado ka sa lahat ng subject, pag pinatawg ibig sabihin may bagsak ka. Lagot na. Pano ko kaya sasabihin kina tatay ito. Sino kaya ang kukuha ng card ko. Bahala na nga.

Dumating si Tatay, ang ganda pa ng ngiti ko. Tay, sama ka po bukas sa akin sa skul. O bakit, may problema ba, sabi pa ni tatay. Sabi ko wala pong problema. Basta pinapatawag ka lang may sasabihin lang sa iyo si Sir. Sige sasamahan kita bukas.

Nang papunta na kami sa school, kinabukasan, napakalakas ng kabog ng puso ko, parang ayoko na pumasok. Pero, nandun na kami pumasok na rin ako kasama si Tatay. Halos nakayuko ako, lumapit si Tatay sa teacher ko. Nag-usap sila, pagkatapos ng ilang minuto, nagpaalam na si tatay ke Sir. Nang lumabas kami ng classroom, ramdam ko bagsak ako. Pero di un pinahalata ni Tatay sa akin, pinakita niya ang card ko, pula sa Math. Umiyak ako kahit nasa jeep kami, tinapik niya ako sa balikat, sabi pa niya, ok lang yan anak, bawi ka na lang sa susunod ha. Nakita ko may luha din sya sa mata. Halos gusto kong magwala, pero wala akong ibang masisi kundi sarili ko. Pero di nila ako pinagalitan, sa halip, kinausap pa at sinabi na bawi ka na lang anak sa sunod ha.

Nang mga panahong iyon, dun ko narealize napakasuwerte ko sa mga magulang ko, nauunawaan nila ako. Nagsikap talaga ako ng mabuti sa pag-aaral hanggang nakatapos ako ng highschool.

Nang college na ako, gusto ko sana maging guidance counselor, kaso wala nun sa PNU. Kaya wala akong choice, teaching na ang course ko.

Ung mga unang taon ko, malaking adjustment, sa layo ng bahay sa school, sa oras ng pasok, sa mga kaklase ko, sa mga guro ko. Pero lahat keribels ko naman lahat.

Kung puwede lang iwasan ang Math na subject, iiwasan ko talaga. Lahat ng grades ko wow, line of 8 at 9 talaga. Ang namumukod tangi na line of 7. E di ano pa, e di Math. Kung wala lang akong line of 7 sana Cum Laude ako, kaso hindi eh, meron. Kaya wala, nganga.

Utang ko sa pamilya ko, kung ano man ako ngayon. Sa kabila ng lahat, ang pagmamahal, pag-unawa at paggabay nila ang naging matibay kong pundasyon upang hindi sumuko sa buhay.

Hindi man kami nabiyayaan ng marangyang buhay, maipagmamalaki ko naman sa lahat ang aking pamilya, tunay na kayamanang walang kapantay.