Nagkukubli sa madilim na pahina ng kasaysayan, Pilipino’y lumaban sa mga banyagang sa ati’y nanahan.
Hanggang ang mga kaisipan sa bawat sulatin ni Gat. Jose P. Rizal, Namutawi sa labi ng sambayanan.
Naging pulso at tibok ng pusong makabayan.
Wikang katutubo’y ginamit sa pakikibaka,
Nagsilbing tulay ng pagkakaintindihan at pagkakaisa.
Nabuo ang isang layunin,
Matikman ang matamis na kasarinlang inaasam-asam. Iyak ng wika, “Nasaan na ang wikang aking kinagisnan?”
Sa paglipas ng panahon tila nauulit ang kasaysayan,
Muling sinakop ang bansa ng banya-banyagang wika. Kapuwa Pilipino’y gumawa ng batas,
Palakasin ang wikang dayuhan at maging matatas. Iyak ng wika, “Nasaan na ang pusong makabayan?”
Sa paaralan ating natutuhan ang paggamit ng wikang kinagisnan.
Ang “po” at “opo” na tanda ng paggalang, paggamit ng “nang” at “ng” ating natuklasan.
Alindog ng tula, kuwentong-bayan, alamat at musika’y napakinggan. Dahil sa wikang katutubo’y, kamalaya’y napalalim at nadagdagan.
Iyak ng wika, “Wikang katutubo, kayamanan na ‘wag pabayaan.”
Halina’t magkapit-kamay! Sindihan at pagliyabin, Sulo ng wikang katutubo.
Pundasyon ng ating kultura’t kaluluwa ng ating bansa. Wika- pamana ng nakaraan, kayamanan ng kasalukuyan. Lubid na nagbibigkis sa sangkatauhan.
Iyak ng wika, “Mabuhay ka wikang katutubo! Kay gandang pakinggan sa puso’t isipan.”