Madilim ang gabi na tila ba’y nakikisalamuha sa kalungkutan ng isang nagdadalamhati na animo’y pinagtaksilan ng panahon. Nakikisabay ang malamig na simoy ng hangin na kapag dumampi sa balat ay tila malamig na tubig.
“Bakit ganito ang pinagdadaanan ko?” Tanong niya sa kaniyang sarili.
Hindi akalain ni Maribela na mararanasan niya ang ganoong sakbibing dalamhati sa kaniyang buhay. Tila alon na humampas sa kaniya na nilunod siya hanggang kalamnan.
Napakasaya ng kaniyang buhay, nasa kaniya na ang lahat, tagumpay, talino, katanyagan, parangal, kabihasaan nang dahil sa kaisa-isa niyang kabungguang balikat. Kahit na maituturing na matanda na siya, ngunit hindi hadlang sa kaniyang sarili na ipagpatuloy ang nasimulan niya noong bata pa siya. Masasabing siya ang babaing dalubhasa, matatag, mapagpakumbaba, makatao,ayaw niyang makasakit ng damdamin ng iba at higit sa lahat ay maka-Diyos. Sa kabila nito ay hinangaan siya ng madla.
Labis-labis na kalungkutan ang naranasan ni Maribela nang iwan siya ng kaniyang kabungguang balikat, kaya’t balde-baldeng luha ang bumalong sa kaniyang mga mata. Hindi niya matanggap ang pagkawala ng kaisa- isang gabay niya sa kaniyang sarili. Sandakot na kapighatian ang naranasan niya ng mga sandaling iyon. Akala niya’y panaginip lamang, nang siya’y magising wala na sa kaniyang tabi ang pinakamamahal, pinahahalagahan, at bukambibig sa araw-araw na pakikipagtunggali sa buhay. Hindi niya lubos malirip kung bakit biglang naglaho na parang bula ang kaisa-isang niyang minamahal.
Hu! hu! hu! “Bakit umalis ka ng walang paalam? Wala naman akong ginawa sa iyo! Basta ka na lamang umalis!” Paiyak na sabi ni Maribela. Bumalik ka na mahal kong kaibigan. Kung anuman ang problema natin pag-usapan natin ito, hindi yong basta ka na lamang lilisan na hindi nagpapaalam.
Sobrang nasaktan si Maribela nang mga sandalling iyon, dahil sa wari niya sa sarili wala naman siyang ginawang pagkakamali sa kabungguang balikat niya. Muling bumalik sa kaniyang balintataw na ng dahil sa kaniyang kabungguang balikat ay naging tanyag, bihasa, at naging manunulat sa larangan ng paggawa ng tula, tigsik, alamat, talambuhay, at iba pang karunungang-bayan, kaakibat niya ang sinasabi niyang kabungguang balikat.
Ito ang gabay niya kapag nagtuturo siya sa kaniyang mga mag-aaral. Hindi niya pinapalampas ang oras na ipaunawa sa kanila na nang dahil sa kabungguang balikat niya natuto siyang magrespeto, naging magalang, mapagpakumbaba, marunong tumanaw ng utang na loob, magmano sa matatanda, makisalamuha sa kapuwa, marunong lumingon sa pinanggalingan at higit sa lahat palaging nasa isip ang Dakilang Lumikha.
Sa pagmuni-muni niyang ito, nalirip niya na wala sa kaniya ang mali kundi sa kapuwa niya Pilipino na inalipusta, niyurakan, at isinantabi ang kaniyang kabungguang balikat. Ang wikang Filipino dahil sa pagyakap nila ng ibang wika, ang wikang dayuhan. Marahil, nagtampo siya kung bakit bigla na lamang siyang naglaho. Labis siyang nasaktan na sa pakiramdam niya’y binalewala na siya ng sambayanan.
“Nasaan na kaya siya?”wika ni Maribela sa kaniyang sarili. Kung muli kang magpakita, ipinapangako ko na hihimukin ko ang sambayanang Pilipino na muli kang pahalagahan, mahalin, gamitin at yakaping muli para man lamang ito sa kanilang ikatatagumpay.
Kung ikaw ay lumisan lamang, sana’y dinggin mo ang aking panambitan dahil alam kong ika’y muling yayapusin nila dahil ikaw ang dahilan kung bakit hinubog mo ang aming pagkatao at higit sa lahat narating na namin ang rurok ng tagumpay. Sana’y patawarin mo kami sa pagyurak, pag-alipusta, at paglimot namin sa iyo ngunit hindi nangangahulugan na hindi ka na namin mahal.
Waring pinakinggan ng langit ang panambitan ni Maribela dahil sa isang iglap lamang ay muling bumalik ang kaniyang kabungguang balikat. Tuwang-tuwa ang lahat at humingi ng tawad ang madla at sinabing “huwag ka nang lumisang muli dahil simula ngayon palagi ka naming pahahalagahan, mamahalin, at gagamitin sa araw-araw naming pakikipagtalastasan.” Sa pagbuo ng anumang gawain at higit sa lahat ay ipaglalaban ka namin sa anumang wikang dayuhan. Hindi ka na namin ipagpapalit. Hindi ba’t ikaw ang salamin ng mayamang kultura? Kaya’t kung tuluyan ka nang mawawala ano na lamang ang kahihinatnan ng buong sambayanan. Patawad kung kinalinga namin ang ibang wika. Patawad!
Sa kasalukuyan, muling nakadaupang-palad ni Maribela ang kaisa-isa niyang kadaupang palad. Humilom na ang sugat na tumimo sa kaniyang puso, kailanma’y hindi siya nawalan ng pag-asa, hindi siya patatalo sa sidhi ng kaniyang damdamin.