Return to site

Facebook: Inobatibong Estratehiya sa Pagtuturo

JENNIFER D. MENDOZA

· Volume I Issue IV

Kadikit ng panahon ng Information and Communication Technologies (ICT) ang pagpasok sa ating kamalayan at lipunan ng terminong Social Networking Sites (SNS). Ang SNS ay isang online na serbisyo o platform site na may layuning magkaroon ng ugnayan sa pamamagitan ng komunikasyon sa mga buhay ng tao. Bilang Facebook ang pinakakilalang Social Networking Site, hindi maikakaila na malaki ang impluwensiya nito sa ating lahat.

Sa usaping paraan ng pagtuturo sa araling Filipino sa kasalukuyang panahon, ang facebook ay maaaring maging isang inobatibong estratehiyang magagamit sa pagtuturo. Mula sa aking karanasan sa pagtuturo naging bahagi ang facebook upang magkaroon ng aktibong interaksyon sa mga mag-aaral ng Accountancy, Business and Management (ABM) ng Lemery Senior High School. Kasama pa dito, na ang dating tradisyonal na blackboard o pisara ay naging e-blackboard na at ang ugnayang pampagkatuto na tinatawag na “e-kamustahan” ay naging posible, makabuluhan at kapaki-pakinabang sa pagitan ng guro at mag-aaral.

Dagdag pa rito, malaki ang ambag sa pagiging malikhain ng mga mag-aaral sa paggamit ng facebook sapagkat naipakikita nila ang talento sa pagbuo ng blog o vblog, tula, sanaysay, balita, reaksyon, argumento, patalastas at iba pa, na batayang pagtataya ko bilang guro sa kanilang natamong kaalaman at pagkaunawa sa aking pagtuturo.

Sa natamong karanasan sa paggamit ko ng facebook sa pagtuturo, hindi masamang sumunod sa daloy ng teknolohiya o kalakaran, bagkus gawing isang paraan upang makahabol sa kung ano ang “in”, ano ang “trending” at ano ang “ganap” sa kasalukuyan. Dekalidad na edukasyon ang ating hanap, ating simulan sa millennial na pag-iisip at gawain ng ating mga kabataan.