ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang epektibidad ng teknik na read-aloud with questioning sa pagpapabuti ng kasanayan sa pag-unawa sa binasa ng mga mag-aaral sa Baitang 9 sa asignaturang Filipino sa Mataas na Paaralan ng Ipil, Ormoc City District II, Ormoc City Division. Gumamit ito ng quasi-experimental design na may paunang at panapos na pagsusulit upang masukat ang antas ng pagganap ng mga mag-aaral bago at matapos ang interbensyon. Ang tatlumpo’t limang (35) mag-aaral ang naging kalahok sa pag-aaral. Bago ang interbensyon, ipinakita ng resulta na karamihan sa mga mag-aaral ay may mababang antas ng pagganap, na may timbang na mean na 6.37 (Mababa). Pagkatapos naman ng interbensyon, kapansin-pansing tumaas ang kanilang marka, na may timbang na mean na 21.97 (Mahusay). Sa pamamagitan ng t-test (computed t = 6.53 > critical t = 2.04, p < 0.05), napatunayan na may makabuluhang pagkakaiba sa panimulang at panapos na resulta. Ipinahihiwatig nito na ang paggamit ng read-aloud with questioning ay epektibong nakapagpataas ng antas ng pag-unawa at pagganap ng mga mag-aaral. Batay sa mga natuklasan, maaaring ipakahulugan na ang paggamit ng mga interaktibong estratehiya sa pagtuturo—lalo na yaong nagtataguyod ng aktibong pakikilahok at pagsusuri ng mga mag-aaral—ay may malaking ambag sa pag-unlad ng kanilang kasanayan sa pagbasa at pag-unawa. Mga rekomendasyon ng pag-aaral ang pagpapatuloy ng paggamit ng epektibong teknik sa pagtuturo, pagsasagawa ng mga seminar-workshop para sa mga guro, at pagpapalakas ng kolaborasyon sa pamamagitan ng Learning Action Cell (LAC) sessions. Hinihikayat din ang mga susunod na mananaliksik na palawakin pa ang saklaw ng pag-aaral sa iba’t ibang asignatura at konteksto upang higit pang mapagtibay ang mga natuklasan.
Mga Susing Salita: Epektibidad, Estratehiyang Read-Aloud with Questioning, Pagtuturo, Kasanayan sa Pag-unawa sa Binasa, Filipino
PANIMULA
May mga makrong kasanayan na dapat mahasa sa mga mag-aaral. Isa na dito ang pagbasa. Ang pagbasa ay isa sa mga may pinakamalaking ambag sa pagkatuto ng mga mag-aaral dahil sa tulong nito ay napapalawak ang pag-unawa at pag-intindi ng mga aralin sa klase na nagreresulta sa pagdagdag ng kaalaman. Ang pagbasa ay isa sa mga kasanayang pangwika na tulay ng mga mag-aaral upang mapahusay at malinang ang kasanayan sa mabisang pag-unawa sa teksto. Ito ay may malaking kaugnayan sa iba pang makrong kasanayang pakikinig, pagsasalita, pagsulat, at panonood ng isang tao dahil nagkakaroon ng kakayahang makabuo ng mga kaisipan at makapagpahayag ng damdamin at maayos na makipagkomunikasyon sa lahat ng disiplina o larangan. Ang mga kaisipang nakukuha at nabubuo sa pamamagitan ng pagbasa, pakikinig, pagsasalita at panonood ay maaaring sulatin upang maibahagi sa iba.
Ang pagbasa ay nagtataglay ng maraming kahulugan batay sa sitwasyon. Iba-iba ang pagpapakahulugan nito batay sa mga manunulat at dalubhasa bagamat iisa ang kaisipang nakapaloob dito. Ang pagbasa ay isa sa mga kasanayang pangwika na tulay ng mga mag-aaral upang mapahusay at malinang ang kasanayan sa mabisang pag-unawa sa teksto.
Ayon sa Diksyunaryo ni Webster, ang pagbasa ay isang kilos o gawa ng isang taong bumabasa at pag-unawa sa kahulugan ng isang aklat, sulatin at iba pang nasusulat na bagay. Ayon naman sa Wikipedia, ang pagbabasa ay ang proseso ng pagkuha at pag- unawa sa ilang anyo ng inimbak o nakasulat na impormasyon o ideya. Kadalasang ang mga ideya ay kinakatawan ng ilang uri ng wika bilang mga simbolo na sinusuri ng paningin o hipo (halimbawa Braille).
Ayon kay Akyol (2013), ang pagbasa ay isang dinamikong proseso na kinabibilangan ng mambabasa at may-akda na nakikipag- ugnayan sa isa't isa upang magkaroon ng kahulugan ang binabasa. Binigyang kahulugan naman ni Gunes noong 2013 na ang pagbasa ay isang proseso kung saan ang dating kaalaman at impormasyon mula sa teksto ay pinagsama-sama at muling binibigyang kahulugan, ay binubuo ng iba't ibang proseso na kinasasangkutan ng ating mga mata, tainga, at utak, kabilang ang pagdamay, pagbigkas, pagbibigay-kahulugan, at pagbabago sa isip.
Ayon sa Wikipedia (2024), ang klasikong ―How to Read a Book‖ nina Adler at Van Doren (1940) ay nagbigay-diin sa apat na pangunahing antas ng pagbabasa: elementarya, inspeksyonal na pagbasa, analytikal na pagbasa, at sintopikal na pagbasa. Ang antas na primarya (elementarya) ay panimulang pagbasa sapagkat pinapaunlad dito ang rudimentaryong kakayahan. Ibig sabihin, dinedebelop ito mula sa kamangmangan. Elementaryang pagbasa rin ito dahil sinisimulang ipinatuturo sa paaralang elementarya. Sa primarya, wika ang pokus. Ang pagkilala sa aktwal ng mga salita at ang pagpapamalay sa kahulugan ng unang konseptrasyon ng primarying pagbasa. Ang inspeksyunal o mapagsiyasat na antas, panahon ang pinakamahalaga. Itinatakda sa limitadong oras ang pagbasa. Dahil sa limitadong pagbasa, hindi lahat ng nasa aklat ay babasahin kundi ang superfisyal o espisipiko na kaalaman lamang. Ang kailangan sagutan habang nagbabasa ay: Tungkol saan ang libro? Anu-ano ang mga bahagi nito? Anong uri ito ng Nobela ba? Babasahin- kasaysayan ba? Diskurso ba? Tinatawag din itong pre-reading o sistematikong iskiming. Ang antas na mapanuri o analitikal ay aktibo. Dapat intindihing mabuti ang ipinapakahulugan sa pamamagitan ng malinaw napag-iinter. Interpratibo ito, samakatuwid, sapagkat matalinong hinihinuha ang mga pahiwatig at tagong kahulugang matatagpuan wika nga, sa pagitan ng teksto o linya. Mahalaga rito ang malalim na nakapaloob na kaisipan.
Pinakamataas na antas ang sintopikal na pagbasa. Pag-uunawang integratibo ang kailangan sa antas na ito. Komplikado at sistematikong pagbasa ito. Humahamon sa kakayahan ng bumabasa. Komparatibo rin ito. Ibig sabihin, dapat marami nang nabasang libro ang bumabasa para makapagiba-iba, makapagsuri, makapamuna at makapagpahalaga, kaya naman kahit maraming gawain ang pagbasa rito, marami namang nakukuhang benepisyo. Mahalaga na ang mga mag-aaral ay naiintindihan ang kanilang binabasa. Dapat ang lahat ng mga batang nasa edad sampu ay nakakabasa. Ayon sa World Bank noong 2022, hindi bababa sa 90% ang learning poverty ng Pilipinas - siyam (9) sa sampung (10) mga batang Pilipino na may edad sampu (10) ang nahihirapan basahin at unawain ang simpleng teksto. Dahil dito, nahikayat ang mananaliksik na gumawa ng isang interbensiyon na makakatulong paunlarin ang pag-unawa sa pagbasa ng mga mag-aaral lalong-lalo na sa mataas na paaralan na mag-aaral. Ito ay naging gabay upang malaman o masuri ang kahalagahan ng Read-Aloud Technique sa pag-unawa sa pagbasa.
Ang pagbabasa nang malakas ay may kaugnayan din sa pag-unawa sa binasa (Álvarez-Cañizo et al., 2020). Ipinapakita ng mga ideyang ito na ang pagbabasa nang malakas ay isang mahalagang aspeto sa pagtuturo ng pagbasa. Sa kabila ng mga benepisyong dulot ng pagbabasa nang malakas, may ilang guro pa rin ang hindi gumagamit ng estratehiyang ito sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto dahil sa paniniwalang wala itong malaking pakinabang para sa mga mag-aaral (Rochman, 2018). Sa pagtuturo ng pagbasa sa mga mag-aaral, nakatuon ang mga guro sa paggamit ng mga estratehiya na makatutulong upang higit na maunawaan ng mga mag-aaral ang binabasa, gaya ng tahimik na pagbabasa, skimming, o scanning, batay sa layunin ng pagbabasa. Bukod dito, bagaman gumagamit sila ng iba't ibang estratehiya sa pagtuturo ng pagbasa, hindi kabilang dito ang pagbabasa nang malakas dahil naniniwala silang hindi ito ganoon kahalaga.
At dahil dito, nahikayat ang mananaliksik na pag-aralan ang epektibidad ng estratehiyang read-aloud with questioning sa pagtuturo ng kasanayan sa pag-unawa sa binasa ng mga mag-aaral sa baitang 9 sa Filipino sa kasalukuyang tinuturaan. Ang paggawa ng isang mungkahing plano para sa pagpapabuti ang bubuuin batay sa mga natuklasan ng pag-aaral.
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang epektibidad ng estratehiyang read-aloud with questioning sa pagtuturo ng kasanayan sa pag-unawa sa binasa ng mga mag-aaral sa baitang 9 sa Filipino ng Mataas na Paaralan ng Ipil, Ormoc City District II, Ormoc City Division. Ang paggawa ng isang mungkahing plano para sa pagpapabuti ang bubuuin batay sa mga natuklasan ng pag-aaral.
see PDF attachment for more information