Return to site

DAMDAMIN AT BOSES NG GEN Z
NA TAONG BAYAN

ni: MANNY PABLO VALDERAMA

I

Sa bawat wikang ating binabagtas, kultura man ay may pagkakaiba-iba

Nagliliyab ang pag-asang ang magandang bukas ay matatanaw ng wagas.

Pag-asa sa Kabataan, kalakip ang tinig ng bayan at sigla ng sambayanan,

Kubling pormula na nag-uugnay sa damdamin ng bawat taong-bayan.

II

Maging saan ka man, wika pa rin ang tulay sa pagkakaunawaan,

Bagkus inalila man ng dayuhan, subalit sandigan ang dangal bitbit na kasangkapan.

Dumaloy man ang dugo ng katapangan, bawat tinig nama’y hudyat katotohanan,

Sa pagsibol ng isang bayang hangad lama’y tunay na kapayapaan.

III

Hustisya ang sigaw ng bawat nilalang, na nagnanais ng mundong makatarungan.

Sa pagkakaisa'y walang maiiwan, sapagkat bawat isa'y may karapatang igalang.

Kapag ang bayan ay sama-samang kikilos, lalakas ang tinig, babagsak ang takot.

Wikang Filipino'y ilaw sa landas, na gumagabay tungo sa magandang bukas.

IV

Sa gitna ng unos at mga pagsubok, pag-asa ang hatid ng salitang taos-puso.

Magkaibang tinig, iisang layunin, isang bansang matatag ang ating mithiin.

Kaya't ating ingatan ang wikang minana, yaman ng lahi at dangal ng bansa.

Boses ng Gen z na taong-bayan, pag-asa ng lipunan, sa hustisya't pagkakaisa, Pilipinas ay aangat kailanman.