Maaanghang na salita, sa pandinig ay sumusugat,
Masasakit na puna, sa damdami’y kumakagat.
Nagpapaluha sa mga sugatang puso,
Nagpapatindi ng lambong ng lungkot at bugso.
Sa bawat pagluha, ano nga ba ang mas mabuti?
Ang damayan ang isa o punahing masidhi?
Dapat ba na ang taong nagkamali
Ay lalong usigin at paluhaing maigi?
Ang panahon ngayon ay puno ng hinagpis,
Maaaring masakit ang dibdib at puno ng hapis.
Dala ng araw-araw na dalamhati
Ng gutom, hirap, problema, at pighati...
Ano nga ba ang buting dulot ng wika,
Kung kumakalam naman ang sikmura?
Mabubusog ba ang aking pamilya,
Ng palamuti ng dila na dala ng wika?
Ano ang magagawa ng mga salita,
Upang mabigat na damdamin ay mapagaan?
Paanong ito ang magdudulot ng pagkakaisa
at maging buo ang sambayanan?
Kaibigan, ang wika ay kasangkapan
Upang damdamin, lungkot ay maibsan
Kasiyahan ay maihahatag din
Sa pusong lubhang makulimlim.
Sa mabubuting salita, mapapahid ang luha.
Mapapalitan ang pait at lambong ng mukha.
Mga ngiti ay unti-unting mapapasilay,
Ng wikang maamo at positibo ang taglay.
Sa simpleng pagpapasalamat at pagbati,
Nakakadama ng kaligayahang mithi,
Dahan-dahang luha ay mapapahid,
Sa mga salitang pag-asa’y walang patid.
Dahil sa wika, mabubuklod ang damdamin,
Magkakapit-bisig mga pusong hirap ang sinalamin.
Mababalot ng pag-asa mga matang dati’y nanlulumo,
Niningning at kakapit sa naaninag na pagsuyo.