Return to site

ANG HIWAGA NG BUNDOK SIERRA

ni: KATE CATHERINE R. WY

Araw ng sabado,bukang-liwayway nang ginising ni Mang Lino ang anak na si Kaloy para sumama sa kanya para maging guide sa bundok Sierra sa Bayan ng Sta. Ana.

Si Kaloy ay labing-isang taong gulang pa lamang. Simula maliit siya ay kasa-kasama na ng ama sa paghahanap-buhay. Sila na lamang kasi ang magkasama simula ng mawala ang nanay niya limang taon na ang nakalipas dulot ng bagyog tumama sa kanilang bayan.

Madami ang turista ang umaakyat sa Sierra. Gamay na gamay na niya ang bawat sulok ng bundok, kaya naman tiwala ang mga tao sa kanya. Sa pagbaybay nila ng kahabaan ng bundok ay bigla na lamang siyang nagulat sa nakita niya- sinimulan na pala ang pagmimina sa kabilang bahagi nito.

“Tay! alam niyo po ba na pinahintulutan ito ng Mayor natin?”, naiiyak na tanong ni Kaloy.

“Anak, inilaban namin ito, ngunit wala na tayong magagawa nagdesisyon na ang pamahalaang lokal,” malungkot na sagot ng tatay niya.

Habang nakatingin sa gawing parte ng kalbong bundok ay tuloy sa pag-akyat si Kaloy kasunod ang mga turistang ginagabayan niya.

Matapos ang mahabang araw sa pagakyat-baba sa bundok ay nagpahinga ang mag-ama sa ilalim ng punong Mangga na katabi ng bahay-kubo nila.

“Tay, hindi dapat nila nilapastangan ang bundok, tanging ito na lamang ang kakampi natin sa oras ng sakuna. Bukod doon, dito tayo kumukuha ng ikabubuhay,” malungkot na sabi ni Kaloy sabay akbay sa kaniya ng kanyang ama.

Isang linggo ang nakalipas, isang bagyo ang paparating ayon sa balita.

“Tay, lumalakas na ang buhos ng ulan at hangin, tayo na po kayang lumikas, iba po kasi ang pakiramdam ko,” nag-aalalang kumbinsi niya sa ama niya.

“Anak, ayos naman ang puwesto natin dito, hindi naman tayo binabaha dahil sa bundok Sierra na nakaharang sa ating lugar,” kalmado pa ding sagot ni Mang Lino.

Makalipas ang magdamag na walang tigil sa buhos ng malakas na ulan at hampas ng malakas na hangin ay isang kagimbal-gimbal na pangyayari ang mararanasan ng bayan ng Sta.Ana.

Nagising ang mag-ama sa tunog ng sirena ng reskyu.

Abot bewang na pala ang baha dulot ng bagyo.

Dahil nasa mataas na parte sila ng bayan ay huli na nila napansin ang mabilis na pagtaas ng tubig.

“Tulong! Tulong!” sigaw ng mga kapit-bahay nilang nasa bubong ng kani-kaniyang bahay para di maabot ng baha.

“Kaloy! Ihanda mo ang bangka natin,” sambit ni Mang Lino habang nagmamadaling bumaba ng kubo nila.

Sa tono pa lang ng boses ng tatay niya ay alam na niya ang gagawin nila.

Tutulungan nila ang mga naka-istakbo sa bubong ng bahay nila.

Inihanda ni Kaloy ang mga kakailanganin nila ng tatay niya.

Hindi lubos maisip ni Kaloy na magagamit nila ang bangka na pinag-ipunan ng kaniyang ama sa ganitong pagkakataon.

Kasabay ng ibang reskyu, ay isa-isa nilang tinulungan ang mga natitirang kababayan na hindi makaalis sa bubong dulot ng bahang dala ng bagyo.

Bitbit ang bag na inihanda niya ay binigyan din nila ng pagkain at lumang damit ang mga batang basang basa sa ulan.

Nang makarating sila sa evacuation area kasama ang huling pamilyang kanilang tinulungan ay muling nagsalita si Lino sa mga kababayan niya.

“Alam ko po na hindi ito ang tamang oras, pero ito na po ang dulot ng pagkasira ng bundok Sierra. Hahayaan na lang po ba natin na tuluyan itong masira at bahain tayo tuwing makakaranas tayo ng delubyo,” matapang niyang paglalahad ng kaniyang saloobin.

“Tama, unang pagkakaton natin itong naranasan resulta ng pagmimina sa bundok, hindi na ito maaaring maulit muli,” pag sang-ayon ng isang matandang lalaki.

“Tama!” sagot ng mga tao sa evacuation area.

Humupa na ang ulan pagkatapos ng ilang araw na walang tigil na pagbuhos nito. Nagtulungan ang mga tao sa pag-aalwas ng mga nasira nilang bahay at gamit.

Dumating ang Mayor upang mag-abot ng ayuda sa mga nasalanta.

Sa mismong pagkakataon na iyon ay nagkaroon ng pagpupulong ang mga tao sa evacuation area.

Nagsalita si Mang Lino.

“Mawalang galang na po Mayor, ngunit hindi maaaring kada bagyo ay mararanasan natin ito. Ang dating bayang hindi binabaha dahil sa harang nating bundok ngayon ay hindi na makilala dulot ng pagkawasak ng Sierra,” paninindigan ni Mang Lino.

“Itigil po ang pagmimina sa Sierra,” sabay -sabay na sambit ng mga lokal.

“Narinig ko ang inyong mga hinaing at tunay na ngayon lamang natin ito naranasan, kaya sa pagkakataong ito ay ipapawalang bisa natin ang pahintulot sa pagmimina sa Sierra. Ako man din ay nakaranas ng hagupit ng bagyo. Nasa bayan po at mga tao ang puso ko,” pag-sang ayon ng Alkalde.

Nagyakapan ang mag-ama.

Makalipas ang ilang taon ay muling nanumbalik ang ganda,tikas at hiwaga ng Sierra.